Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pananabik sa Tahanan ng Diyos
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]
84 Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Yahweh!
2 Nasasabik ang lingkod mo na sa templo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buháy na Diyos.
3 Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad,
maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
O Yahweh, hari namin at Diyos na walang hanggan.
4 Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan. (Selah)[b]
5 Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din,
silang mga naghahangad, sa Zion ay makarating.
6 Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan,
tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan.
7 Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas,
batid nilang nasa Zion ang Diyos nilang hinahanap.
8 Dinggin mo ang dalangin ko, O Yahweh, Makapangyarihang Diyos,
O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod. (Selah)[c]
9 Basbasan mo, aming Diyos, itong hari naming mahal,
pagpalain mo po siya pagkat ikaw ang humirang.
10 Kahit isang araw lamang, mas gusto ko sa templo mo,
kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.
Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,
kaysa ako'y tumira sa bahay ng mga palalo.
11 Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang,
kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.
Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay
sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
12 O Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
ang magtiwala sa iyo'y masasabing mapalad!
Muling Natagpuan ang Utos ni Haring Ciro
6 Nagpalabas nga ng isang utos si Haring Dario na saliksikin ang mga kasulatan ng kaharian na nakatago sa Babilonia. 2 At sa lunsod ng Ecbatana, sa palasyong nasa lalawigan ng Media, natagpuan ang isang kasulatan na ganito ang nakasulat:
3 “Nang unang taon ng paghahari ni Ciro, nagpalabas ito ng isang utos na muling itayo ang Templo ng Diyos sa Jerusalem upang doo'y mag-alay at magsunog ng mga handog. Kailangang ang Templo'y 27 metro ang taas at 27 metro rin ang luwang. 4 Ang bawat pundasyon nito'y dapat na tatlong patong ng malalaking bato at sa ibabaw ng mga ito'y ipapatong naman ang isang troso. Lahat ng kaukulang bayad dito ay kukunin mula sa kabang-yaman ng hari. 5 Ang mga ginto't pilak na kagamitan sa Templo ng Diyos na dinala ni Haring Nebucadnezar sa Babilonia ay dapat ding isauli sa pinaglagyan nito sa Templo sa Jerusalem.”
Iniutos ni Dario na Ipagpatuloy ang Pagtatrabaho
6 Nang mabasa ito ni Haring Dario, gumawa siya ng liham bilang sagot kay Tatenai at sa mga kapanalig nito.
“Kay Tatenai na gobernador ng Kanluran-ng-Eufrates, kay Setar-bozenai, at sa mga kasamahan nilang pinuno sa Kanluran-ng-Eufrates.
“Huwag na kayong makialam diyan. 7 Hayaan ninyong ipagpatuloy ng gobernador at ng pinuno ng mga Judio ang pagtatayo ng Templo ng Diyos sa dati nitong kinatatayuan. 8 Iniuutos ko ring tumulong kayo sa gawaing ito. Ang lahat ng gastos dito ay kunin ninyo sa kabang-yaman ng kaharian na mula sa mga buwis ng Kanluran-ng-Eufrates. Dapat na bayaran agad ng husto ang mga taong ito upang hindi maantala ang gawain. 9 Kailangang araw-araw kayong magbigay ng lahat ng mga hinihingi ng mga pari sa Jerusalem, gaya ng batang toro, lalaking tupa, at kordero na sinusunog bilang handog sa Diyos ng kalangitan; pati na trigo, asin, alak, at langis. 10 Gawin ninyo ito upang patuloy silang makapag-alay ng mababangong handog sa Diyos ng kalangitan at upang lagi nilang ipanalangin na pagpalain ang hari at ang mga anak nito. 11 Ipinag-uutos ko rin na parusahan ang sinumang sumuway o magtangkang baguhin ang utos kong ito: Isang biga ang huhugutin sa kanyang bahay. Patutulisin ang isang dulo nito at itutuhog sa katawan ng taong iyon. Ang kanyang bahay naman ay gagawing isang bunton ng basura. 12 Pinili ng Diyos ang Jerusalem upang doo'y sambahin siya. Kaya pabagsakin nawa niya ang sinumang hari o alinmang bansa na susuway sa utos na ito at magtatangkang wasakin ang Templong ito ng Diyos sa Jerusalem. Akong si Dario ang nag-uutos nito kaya't dapat itong lubusang ipatupad.”
Itinalaga ang Templo
13 Lubos ngang ipinatupad nina Tatenai na gobernador, at Setar-bozenai, pati na ng kanilang mga kasamahang pinuno, ang ipinag-utos ni Haring Dario. 14 Patuloy(A) namang nagtrabaho ang pinuno ng mga Judio at malaking bahagi na rin ang kanilang nagagawa dahil pinapalakas ng mga propetang sina Hagai at Zacarias ang kanilang loob. Tinapos nila ang pagtatayo ng Templo ayon sa utos ng Diyos ng Israel at ipinatupad nina Ciro, Dario, at Artaxerxes na magkakasunod na naging mga hari ng Persia. 15 Nang ikatlong araw ng ikalabindalawang buwan, sa ikaanim na taon ng paghahari ni Dario, natapos nila ang pagtatayo sa Templo. 16 Ang buong sambayanang Israel—mga pari at Levita, at ang lahat ng bumalik mula sa pagkabihag ay masayang nagdiwang sa pagtatalaga ng Templo ng Diyos.
Pinalayas ang mga Nangangalakal sa Templo(A)
15 Pagdating nila sa Jerusalem, si Jesus ay pumasok sa Templo. Ipinagtabuyan niya ang mga nagbebenta at namimili roon, at ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. 16 Pinagbawalan din niyang tumawid sa patyo ng Templo ang mga may dalang paninda 17 at(B) tinuruan niya ang mga tao nang ganito, “Nasusulat, ‘Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw!”
18 Narinig ito ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Buhat noo'y humanap na sila ng paraan upang patayin si Jesus. Subalit natatakot sila sa kanya dahil humahanga ang lahat sa kanyang mga turo.
19 Pagsapit ng gabi, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay muling lumabas ng lungsod.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.