Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 119:9-16

Pagiging Masunurin sa Kautusan ni Yahweh

(Bet)

Paano mapapanatiling malinis ang pamumuhay ng sinumang tao, sa kanilang kabataan?
    Sa pamamagitan ng pagsunod sa banal mong kautusan.
10 Buong puso ang hangad kong sambahin ka't paglingkuran,
    huwag mo akong hahayaang sa utos mo ay sumuway.
11 Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan,
    upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman.
12 Pupurihin kita, Yahweh, ika'y aking pupurihin;
    ang lahat ng tuntunin mo ay ituro po sa akin.
13 Ang lahat mong mga utos na sa aki'y ibinigay,
    palagi kong babanggitin, malakas kong isisigaw.
14 Nagagalak na susundin ko ang iyong kautusan,
    higit pa sa kagalakang dulot nitong kayamanan.
15 Ako'y laging mag-aaral sa lahat ng tuntunin mo,
    nang aking maunawaan, pagbubulay-bulayan ko.
16 Sa bigay mong kautusa'y lubos akong nalulugod,
    iingatan sa puso ko upang iyo'y di malimot.

Hagai 2:1-9

Ang Kagandahan ng Bagong Templo

Noong ikadalawampu't isa ng ikapitong buwan ng taon ding iyon, muling nagsalita si Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Hagai upang ipaabot ang mensaheng ito kay Zerubabel na gobernador ng Juda at kay Josue na pinakapunong pari, gayundin sa buong sambayanan: “Sino(A) sa inyo ang nakakaalala sa maringal na kaningningan ng naunang Templo? Maihahambing ba ninyo ang kagandahan noon sa hitsura ng Templong ito ngayon? Wala itong sinabi sa naunang Templo. Gayunman, magpakatatag kayo. Patuloy ninyong gawin ang Templo sapagkat ako'y kasama ninyo. Nang(B) palayain ko kayo sa Egipto, aking ipinangakong palagi ko kayong papatnubayan. Hanggang ngayon nga'y kasama ninyo ako kaya't wala kayong dapat ikatakot.

“Hindi(C) na magtatagal at yayanigin ko ang langit at ang daigdig, ang lupa at ang dagat. Yayanigin ko ang mga bansa at dadalhin ko dito ang kanilang mga kayamanan. Ang Templong ito ay mapupuno ng kanilang mga kayamanan sapagkat ang lahat ng pilak at ginto sa buong daigdig ay akin. Dahil dito, ang bagong Templo ay magiging higit na maganda kaysa doon sa nauna, at sa bagong Templong ito ay mahahayag ang kasaganaan at katiwasayang ipagkakaloob ko sa aking sambayanan.” Ganito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

Hagai 2:20-23

Ang Pangako ni Yahweh kay Zerubabel

20 Nang araw ding iyon, ikadalawampu't apat ng buwan, isa pang mensahe ang ibinigay ni Yahweh para kay Hagai 21 upang iparating kay Zerubabel na gobernador ng Juda, “Malapit ko nang yanigin ang langit at ang lupa, 22 pati na ang mga kaharian; wawakasan ko na ang kapangyarihan ng mga ito. Sisirain ko na ang kanilang mga karwahe at papaslangin ang mga nakasakay doon. Mamamatay din ang mga kabayo at magpapatayan ang mga mangangabayo. 23 Pagsapit ng araw na iyon, kukunin kita Zerubabel na aking lingkod. Itatalaga kita upang maghari sa ilalim ng aking kapangyarihan. Ikaw ang aking pinili.” Iyan ang pahayag ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

Juan 12:34-50

34 Sinagot(A) siya ng mga tao, “Sinasabi sa amin ng Kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Bakit mo sinasabing dapat maitaas ang Anak ng Tao? Sino ba ang Anak ng Taong ito?”

35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kaunting panahon na lamang ninyong makakasama ang ilaw. Lumakad kayo habang kasama pa ninyo ang ilaw upang hindi kayo abutan ng dilim. Hindi alam ng lumalakad sa dilim kung saan siya pupunta. 36 Sumampalataya kayo sa ilaw habang kasama pa ninyo ang ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng liwanag.”

Hindi Sumampalataya kay Jesus ang mga Judio

Pagkasabi nito, si Jesus ay umalis doon at hindi na muling nagpakita sa kanila. 37 Kahit na nasaksihan nila ang maraming himalang ginawa niya, hindi pa rin sila naniwala sa kanya. 38 Nangyari(B) ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias,

“Panginoon, sino ang naniwala sa aming ibinalita?
    Kanino ipinakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan?”

39 Hindi nga sila makapaniwala sapagkat tulad ng sinabi ni Isaias,

40 “Binulag(C) ng Diyos ang kanilang mga mata
    at pinatigas ang kanilang mga puso,
upang sila'y hindi makakita,
    ni makaunawa ang kanilang mga isip,
    baka pa sila'y manumbalik sa akin
    at sila'y pagalingin ko.”

41 Sinabi ito ni Isaias sapagkat nakita niya ang kaluwalhatian ni Jesus, at nagpahayag siya tungkol kay Jesus.[a]

42 Gayunman, marami ring pinuno ng mga Judio ang naniwala sa kanya. Subalit hindi nila maipahayag ito dahil sa takot sa mga Pariseo, na baka sila'y itiwalag sa sinagoga. 43 Mas ginusto nilang parangalan sila ng tao kaysa parangalan ng Diyos.

Ang Salita ni Jesus ang Hahatol

44 Malakas na sinabi ni Jesus, “Ang nananalig sa akin ay hindi lamang sa akin nananalig, kundi pati sa nagsugo sa akin. 45 At ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa nagsugo sa akin. 46 Ako'y naparito bilang ilaw ng sanlibutan, upang ang manalig sa akin ay huwag manatili sa kadiliman. 47 Hindi ako ang humahatol sa taong dumirinig ng aking salita, ngunit ayaw namang sumunod dito. Sapagkat hindi ako naparito upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. 48 May ibang hahatol sa mga ayaw tumanggap sa akin at sa aking mga salita. Ang salitang ipinahayag ko ang hahatol sa kanila sa huling araw. 49 Sapagkat hindi ako nagsalita nang mula sa sarili ko lamang; ang Ama na nagsugo sa akin ang siyang nag-utos kung ano ang aking sasabihin at ipahahayag. 50 At alam kong ang kanyang utos ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya't ang ipinapasabi ng Ama ang siya kong ipinapahayag.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.