Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 84

Awit ng Pananabik sa Tahanan ng Diyos

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]

84 Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Yahweh!
Nasasabik ang lingkod mo na sa templo ay pumasok.
    Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buháy na Diyos.

Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad,
    maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
    O Yahweh, hari namin at Diyos na walang hanggan.
Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan
    at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan. (Selah)[b]

Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din,
    silang mga naghahangad, sa Zion ay makarating.
Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan,
    tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan.
Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas,
    batid nilang nasa Zion ang Diyos nilang hinahanap.
Dinggin mo ang dalangin ko, O Yahweh, Makapangyarihang Diyos,
    O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod. (Selah)[c]

Basbasan mo, aming Diyos, itong hari naming mahal,
    pagpalain mo po siya pagkat ikaw ang humirang.

10 Kahit isang araw lamang, mas gusto ko sa templo mo,
    kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.
Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,
    kaysa ako'y tumira sa bahay ng mga palalo.
11 Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang,
    kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.
Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay
    sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
12 O Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    ang magtiwala sa iyo'y masasabing mapalad!

2 Cronica 29:1-11

Si Haring Ezequias ng Juda(A)

29 Si Ezequias ay dalawampu't limang taóng gulang nang maging hari at dalawampu't siyam na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Abija na anak ni Zacarias. Katulad ng kanyang ninunong si David, gumawa siya ng kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh.

Ipinalinis ang Templo

Sa unang buwan ng unang taon ng paghahari ni Ezequias, pinabuksan niya ang mga pintuan ng Templo at ipinaayos ito. Tinipon niya ang mga pari at mga Levita sa bulwagan sa gawing silangan ng Templo. Sinabi niya: “Makinig kayo, mga Levita. Italaga ninyo ngayon ang inyong sarili at ang Templo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Alisin ninyo ang mga karumal-dumal na bagay sa dakong banal. Nagkasala ang ating mga magulang. Hindi sila naging tapat kay Yahweh na ating Diyos. Kanilang tinalikuran siya at ang kanyang Templo. Isinara nila ang mga pintuan sa portiko. Hindi nila sinindihan ang mga ilawan at hindi na nagsunog ng insenso. Hindi na rin sila nagdala ng handog na susunugin sa dakong banal ng Diyos ng Israel. Kaya nagalit si Yahweh sa Juda at sa Jerusalem at ginawa niyang kahiya-hiya at kakila-kilabot ang kanilang sinapit gaya ng inyong nakikita. Kaya naman napatay sa digmaan ang ating mga magulang at nabihag ng mga kaaway ang ating mga anak at mga asawa. 10 Napagpasyahan kong manumpa tayo kay Yahweh, ang Diyos ng Israel, upang mapawi ang galit niya sa atin. 11 Mga anak, huwag na kayong mag-aksaya ng panahon. Kayo ang pinili ni Yahweh na mag-alay ng handog at magsunog ng insenso at manguna sa pagsamba sa kanya.”

2 Cronica 29:16-19

16 Pumasok naman sa loob ng Templo ang mga pari at inilabas ang maruruming bagay sa bulwagan ng Templo ni Yahweh. Kinuha naman ito ng mga Levita at dinala sa Libis ng Kidron. 17 Sinimulan nila ang gawain ng paglilinis noong unang araw ng unang buwan at ikawalong araw nang umabot sila sa portiko. Walong araw pa nilang nilinis ang Templo ni Yahweh at natapos nila ito sa ikalabing-anim na araw ng buwan ding iyon.

Muling Itinalaga ang Templo

18 Pagkatapos, pumunta ang mga Levita kay Haring Ezequias at sinabi dito, “Nalinis na po namin ang Templo ni Yahweh, ang altar na pinagsusunugan ng mga handog at ang lahat ng kagamitan doon, pati ang hapag ng mga tinapay na handog at ang mga kagamitan doon. 19 Ang mga kasangkapan namang inalis ni Haring Ahaz nang tumalikod siya sa Diyos ay ibinalik namin at muling inilaan para sa Diyos. Nakalagay na po ang lahat ng ito sa harap ng altar ni Yahweh.”

Mga Hebreo 9:23-28

Kapatawaran ng Kasalanan sa Pamamagitan ng Kamatayan ni Cristo

23 Ang mga bagay sa sambahang iyon ay larawan lamang ng mga nasa langit, at kinakailangang linisin sa pamamagitan ng mga handog. Ngunit higit na mabubuting handog ang kinakailangan sa paglilinis ng mga bagay sa sambahang nasa langit. 24 Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay na sambahan. Sa langit mismo siya pumasok at ngayo'y nasa harap na siya ng Diyos at namamagitan para sa atin.

25 Ang pinakapunong pari ng mga Judio ay pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo ng mga hayop. Ngunit si Cristo'y minsan lamang pumasok upang ihandog ang kanyang sarili. 26 Kung hindi gayon, kailangan sanang paulit-ulit na siya'y mamatay mula pa nang likhain ang sanlibutan. Subalit minsan lamang siyang nagpakita, ngayong magtatapos na ang panahon, upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng handog na kanyang inialay. 27 Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom. 28 Gayundin(A) naman, si Cristo'y minsan lamang inihandog upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya'y muling darating, hindi upang muling ihandog dahil sa kasalanan, kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.