Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 84

Awit ng Pananabik sa Tahanan ng Diyos

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]

84 Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Yahweh!
Nasasabik ang lingkod mo na sa templo ay pumasok.
    Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buháy na Diyos.

Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad,
    maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
    O Yahweh, hari namin at Diyos na walang hanggan.
Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan
    at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan. (Selah)[b]

Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din,
    silang mga naghahangad, sa Zion ay makarating.
Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan,
    tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan.
Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas,
    batid nilang nasa Zion ang Diyos nilang hinahanap.
Dinggin mo ang dalangin ko, O Yahweh, Makapangyarihang Diyos,
    O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod. (Selah)[c]

Basbasan mo, aming Diyos, itong hari naming mahal,
    pagpalain mo po siya pagkat ikaw ang humirang.

10 Kahit isang araw lamang, mas gusto ko sa templo mo,
    kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.
Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,
    kaysa ako'y tumira sa bahay ng mga palalo.
11 Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang,
    kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.
Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay
    sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
12 O Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    ang magtiwala sa iyo'y masasabing mapalad!

1 Mga Hari 6:1-4

Itinayo ni Solomon ang Templo

Apatnaraan at walumpung taon makalipas na ang Israel ay umalis sa Egipto, nang ikalawang buwan, ng ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon, sinimulan ni Solomon ang pagtatayo ng Templo. Ang templong ipinagawa ni Solomon para kay Yahweh ay dalawampu't pitong metro ang haba, siyam na metro ang luwang at labingtatlo't kalahating metro ang taas. Sa harapan ng Templo, pahalang sa takbo ng kabahayan, ay may pasilyo na apat at kalahating metro ang haba, at siyam na metro ang luwang. Ang mga bintana ng Templo'y may bastidor at mga rehas.

1 Mga Hari 6:21-22

21 Sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, nagtayo siya ng isang altar na yari sa tablang sedar at ito'y binalot din niya ng lantay na ginto. 22 Binalot(A) din ni Solomon ng lantay na ginto ang buong loob ng Templo, pati ang altar sa Dakong Kabanal-banalan.

1 Corinto 3:10-23

10 Ayon sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, inilagay ko ang pundasyon, tulad ng isang mahusay na tagapagtayo. Iba naman ang nagpapatuloy sa pagtatayo ng gusali. Ngunit dapat maging maingat ang bawat nagtatayo, 11 sapagkat wala nang ibang pundasyong maaaring ilagay maliban sa nailagay na, walang iba kundi si Jesu-Cristo. 12 May nagtatayo na gumagamit ng ginto, pilak, o mahahalagang bato; mayroon namang gumagamit ng kahoy, damo, o dayami. 13 Makikilala ang uri ng gawa ng bawat isa sa Araw ng Paghuhukom sapagkat mahahayag sa pamamagitan ng apoy kung anong uri ang ginawa ng bawat isa. 14 Kung ang itinayo sa ibabaw ng pundasyon ay hindi masunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo noon. 15 Ngunit kung masunog naman, mawawalan siya ng gantimpala. Gayunman, maliligtas siya, kaya lang ay para siyang nagdaan sa apoy.

16 Hindi(A) ba ninyo alam na kayo'y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? 17 Paparusahan ng Diyos ang sinumang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.

18 Huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nag-aakalang siya'y matalino ayon sa sanlibutang ito, aminin niyang siya'y mangmang upang maging tunay na marunong. 19 Sapagkat(B) ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Gaya ng nasusulat, “Ginagamit niya ang katusuhan ng mga marurunong para mabitag sila.” 20 Gayundin,(C) “Batid ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” 21 Kaya't huwag ipagmalaki ninuman na siya'y tagasunod ng sinuman, sapagkat ang lahat ay para sa inyo: 22 si Pablo, si Apolos, at si Pedro, ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap; lahat ng ito'y para sa inyo. 23 At kayo'y para kay Cristo, at si Cristo nama'y para sa Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.