Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Paghingi ng Kapatawaran
Awit(A) na katha ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang siya ay pagwikaan ni Propeta Natan tungkol kay Batsheba.
51 Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob;
mga kasalanan ko'y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
2 Linisin mo sana ang aking karumhan,
at patawarin mo'ng aking kasalanan!
3 Mga pagkakasala ko'y kinikilala,
di ko malilimutan, laging alaala.
4 Sa(B) iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan;
kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan,
marapat na ako'y iyong parusahan.
5 Ako'y masama na buhat nang isilang,
makasalanan na nang ako'y iluwal.
6 Nais mo sa aki'y isang pusong tapat;
puspusin mo ako ng dunong mong wagas.
7 Ako ay linisin, sala ko'y hugasan
at ako'y puputi nang lubus-lubusan.
8 Sa galak at tuwa ako ay puspusin;
butong nanghihina'y muling palakasin.
9 Ang kasalanan ko'y iyo nang limutin,
lahat kong nagawang masama'y pawiin.
10 Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
11 Sa iyong harapa'y huwag akong alisin;
iyong banal na Espiritu'y paghariin.
12 Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas,
ibalik at ako po'y gawin mong tapat.
2 O Yahweh, narinig ko ang tungkol sa inyong ginawa,
at ako'y lubos na humanga.
Ulitin ninyo ngayon sa aming panahon
ang mga dakilang bagay na ginawa ninyo noon.
Maging mahabagin kayo, kahit kapag kayo'y nagagalit.
3 Ang Diyos ay muling nanggaling sa Teman,
ang Banal na Diyos ay nagmula sa kaparangan ng Paran.
Laganap sa kalangitan ang kanyang kaluwalhatian,
at puno ang lupa ng papuri sa kanya.
4 Darating siyang sinliwanag ng kidlat,
na gumuguhit mula sa kanyang kamay;
at doon natatago ang kanyang kapangyarihan.
5 Nagpapadala siya ng karamdaman
at inuutusan ang kamatayan upang sumunod sa kanya.
6 Huminto siya at nayanig ang lupa;
sa kanyang sulyap ay nanginginig ang mga bansa.
Ang mga walang hanggang bundok ay sumasambulat;
ang walang hanggang kaburulan ay lumulubog—
mga daang nilakaran niya noong unang panahon.
7 Nakita kong natakot ang mga tao sa Cusan,
at nanginig ang lahat sa lupain ng Midian.
8 Nagagalit ba kayo dahil sa mga ilog, O Yahweh?
Ang mga dagat ba ang sanhi ng inyong poot?
Nakasakay kayo sa inyong mga kabayo,
at magtatagumpay na lulan ng iyong karwahe,
habang pinagtatagumpay ninyo ang inyong bayan.
9 Binunot ninyo sa suksukan ang inyong pana,
at inihanda ang inyong mga palaso.
Biniyak ng inyong kidlat ang lupa.
10 Nakita kayo ng mga bundok at sila'y nanginig;
bumuhos ang malakas na ulan.
Umapaw ang tubig mula sa kalaliman,
at tumaas ang along naglalakihan.
11 Ang araw at ang buwan ay huminto
dahil sa bilis ng inyong pana at sibat.
12 Galit na galit kayong naglakad sa buong daigdig,
at sa tindi ng poot ninyo, ang mga bansa ay niyurakan.
13 Lumabas kayo para iligtas ang inyong bayan,
at ang haring pinili ninyo.
Dinurog ninyo ang pinuno ng masasama,
at nilipol na lahat ang kanyang tagasunod.
Binuhusan ng Pabango ang mga Paa ni Jesus(A)
12 Anim na araw bago sumapit ang Pista ng Paskwa, si Jesus ay nagpunta sa Bethania, kung saan nakatira si Lazaro na kanyang muling binuhay. 2 Isang hapunan ang inihanda roon para sa kanya. Si Lazaro ay isa sa mga kasalo ni Jesus samantalang si Martha naman ay tumutulong sa paglilingkod sa kanila. 3 Kumuha(B) naman si Maria ng isang bote ng mamahaling pabangong galing sa katas ng dalisay na nardo, at ibinuhos sa mga paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok. At napuno ang buong bahay ng halimuyak ng pabango. 4 Ito'y pinuna ni Judas Iscariote, ang alagad na magkakanulo sa kanya. Sinabi niya, 5 “Bakit hindi na lamang ipinagbili ang pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan? Maaaring umabot sa tatlong daang salaping pilak ang halaga ng pabangong iyan!” 6 Sinabi iyon ni Judas, hindi dahil sa siya'y may malasakit sa mga dukha, kundi dahil sa siya'y magnanakaw. Siya ang tagapagdala ng kanilang salapi, at madalas niyang kinukupitan ito.
7 Ngunit sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo siya! Hayaan ninyong ilaan niya ito para sa araw ng aking libing. 8 Habang(C) panaho'y kasama ninyo ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon.”
Ang Balak Laban kay Lazaro
9 Nabalitaan ng maraming Judio na si Jesus ay nasa Bethania kaya't nagpunta sila roon upang makita siya at si Lazaro, na kanyang muling binuhay. 10 Kaya't binalak ng mga punong pari na ipapatay din si Lazaro, 11 sapagkat dahil sa kanya'y maraming Judio ang humihiwalay na sa kanila at sumasampalataya kay Jesus.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.