Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Paghingi ng Kapatawaran
Awit(A) na katha ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang siya ay pagwikaan ni Propeta Natan tungkol kay Batsheba.
51 Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob;
mga kasalanan ko'y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
2 Linisin mo sana ang aking karumhan,
at patawarin mo'ng aking kasalanan!
3 Mga pagkakasala ko'y kinikilala,
di ko malilimutan, laging alaala.
4 Sa(B) iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan;
kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan,
marapat na ako'y iyong parusahan.
5 Ako'y masama na buhat nang isilang,
makasalanan na nang ako'y iluwal.
6 Nais mo sa aki'y isang pusong tapat;
puspusin mo ako ng dunong mong wagas.
7 Ako ay linisin, sala ko'y hugasan
at ako'y puputi nang lubus-lubusan.
8 Sa galak at tuwa ako ay puspusin;
butong nanghihina'y muling palakasin.
9 Ang kasalanan ko'y iyo nang limutin,
lahat kong nagawang masama'y pawiin.
10 Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
11 Sa iyong harapa'y huwag akong alisin;
iyong banal na Espiritu'y paghariin.
12 Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas,
ibalik at ako po'y gawin mong tapat.
Ang Altar na Sunugan ng Insenso(A)
30 “Gumawa ka ng altar na gawa sa akasya na sunugan ng insenso. 2 Gawin mo itong parisukat: 0.5 metro ang haba, gayundin ang luwang at 0.9 na metro ang taas. Ang apat na sulok nito ay lalagyan mo ng sungay na kaisang piraso ng altar. 3 Balutin mo rin ng purong ginto ang ibabaw, mga gilid, at ang mga sungay nito. 4 Kabitan ito ng argolyang ginto sa magkabilang gilid, at sa ibaba para pagsuutan ng pampasan 5 na yari sa punong akasya at babalutin din ng ginto. 6 Pagkayari, ilagay ito sa labas ng kurtina ng Kaban ng Tipan at ng Luklukan ng Awa. Dito ko kayo tatagpuin. 7 Tuwing umaga na aayusin ni Aaron ang ilawan, magsusunog siya rito ng insenso. 8 Ganoon din ang gagawin niya kung gabi kapag inihahanda niya ang ilawan. Patuloy ninyo itong gagawin sa lahat ng inyong salinlahi. 9 Huwag kayong magsusunog dito ng insensong iba sa iniuutos ko. Huwag din kayong magdadala rito ng handog na susunugin, maging hayop, pagkaing butil o inumin. 10 Minsan isang taon, gaganapin ni Aaron ang seremonya sa pagpapatawad ng kasalanan. Ang apat na tulis ng altar ay papahiran ng dugo ng hayop na handog para sa kasalanan. Gawin ninyo ito habang panahon. Ang altar na ito'y ganap na sagrado at nakalaan kay Yahweh.”
Si Jesus ang Pinakapunong Pari
14 Kaya nga, magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, dahil mayroon tayong Dakilang Pinakapunong Pari na pumasok na sa kalangitan, doon mismo sa harap ng Diyos. Siya'y walang iba kundi si Jesus na Anak ng Diyos. 15 Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma'y hindi siya nagkasala. 16 Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at pagpapala na tutulong sa atin sa panahon ng ating pangangailangan.
5 Ang bawat pinakapunong pari ay pinili mula sa mga tao at inilagay sa ganoong tungkulin upang maglingkod sa Diyos para sa mga tao. Siya ang nag-aalay ng mga kaloob at mga handog para mapatawad ang mga kasalanan. 2 Mahinahon niyang napapakitunguhan ang mga mangmang at naliligaw ng landas, sapagkat siya'y mahina ring tulad nila. 3 At(A) dahil sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya'y mag-alay ng handog, hindi lamang para sa kasalanan ng iba, kundi para rin sa kanyang mga kasalanan. 4 Ang(B) karangalan ng pagiging pinakapunong pari ay hindi maaaring makuha ninuman sa kanyang sariling kagustuhan. Ang Diyos ang pumipili sa kanya, tulad ng pagkapili kay Aaron.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.