Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
IKALIMANG AKLAT
Awit ng Pagpapasalamat sa Kabutihan ng Diyos
107 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Lahat ng niligtas,
tinubos ni Yahweh, bayaang magpuri,
mga tinulungan,
upang sa problema, sila ay magwagi.
3 Sa sariling bayan,
sila ay tinipo't pinagsama-sama,
silanga't kanluran
timog at hilaga, ay doon kinuha.
4 Mayro'ng naglumagak
sa ilang na dako, at doon nanahan,
sapagkat sa lunsod
ay wala nang lugar silang matirahan.
5 Wala nang makain
kaya't sila'y nagutom, nauhaw na lubha,
ang katawan nila
ay naging lupaypay, labis na nanghina.
6 Nang sila'y magipit,
kay Yahweh, sila ay tumawag,
at dininig naman
sa gipit na lagay, sila'y iniligtas.
7 Inialis sila
sa lugar na iyon at pinatnubayan,
tuwirang dinala
sa payapang lunsod at doon tumahan.
8 Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
9 Mga nauuhaw
ay pinapainom upang masiyahan,
mga nagugutom
ay pawang binubusog sa mabuting bagay.
10 Sa dakong madilim,
may mga nakaupo na puspos ng lungkot,
bilanggo sa dusa,
at sa kahirapan sila'y nagagapos.
11 Ang dahilan nito—
sila'y naghimagsik, lumaban sa Diyos;
mga pagpapayo ng Kataas-taasan ay hindi sinunod.
12 Nahirapan sila,
pagkat sa gawain sila'y hinagupit;
sa natamong hirap,
nang sila'y bumagsak ay walang lumapit.
13 Sa gitna ng hirap,
kay Yahweh sila ay tumawag;
at dininig naman
yaong kahilingan na sila'y iligtas.
14 Sa dakong madilim,
sila ay hinango sa gitna ng lungkot,
at ang tanikala
sa kamay at paa ay kanyang nilagot.
15 Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
16 Winawasak niya,
maging mga pinto na yari sa tanso,
ang rehas na bakal
ay nababaluktot kung kanyang mahipo.
Ang Bukal Mula sa Malaking Bato(A)
20 Nang unang buwan, nakarating ang buong sambayanan ng Israel sa ilang ng Zin at nagkampo sila sa Kades. Doon namatay at inilibing si Miriam.
2 Wala(B) silang makuhang tubig doon, kaya nagpulong sila laban kina Moises at Aaron. 3 Sinabi nila, “Mabuti pa'y namatay na kami sa harap ng Tolda ni Yahweh kasama ng iba naming mga kapatid. 4 Bakit pa ninyo kami dinala rito? Upang patayin ba kasama ng aming mga alagang hayop? 5 Bakit ninyo kami inilabas sa Egipto at dinala sa disyertong ito na wala kahit isang butil na pagkain, igos, ubas o bunga ng punong granada! Wala man lang tubig na mainom!” 6 Nagpunta sina Moises at Aaron sa may pintuan ng Toldang Tipanan at nagpatirapa roon. Nagningning sa kanila ang kaluwalhatian ni Yahweh.
7 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 8 “Dalhin mo ang tungkod na nasa harap ng Kaban ng Tipan at isama ninyo ni Aaron ang buong bayan sa harap ng malaking bato. Pagdating doon, magsalita ka sa bato at lalabas ang tubig para sa taong-bayan at sa kanilang mga alagang hayop.” 9 Kinuha nga ni Moises ang tungkod mula sa Kaban ng Tipan.
10 Tinipon nina Moises at Aaron sa harap ng malaking bato ang buong bayan. Sinabi niya, “Makinig kayo, mga mapanghimagsik. Gusto ba ninyong magpabukal pa kami ng tubig mula sa batong ito?” 11 Pagkasabi(C) noon, dalawang ulit na pinalo ni Moises ang bato sa pamamagitan ng tungkod. Biglang bumukal ang masaganang tubig at nakainom ang mga tao pati ang kanilang mga alagang hayop.
12 Ngunit pinagsabihan ni Yahweh sina Moises at Aaron. Sabi niya, “Dahil kulang ang inyong pananalig sa akin na maipapakita ko sa mga Israelita na ako'y banal, hindi kayo ang magdadala sa bayang ito sa lupaing ibibigay ko sa kanila.”
13 Nangyari ito sa bukal ng Meriba, kung saan nagreklamo ang Israel laban kay Yahweh at ipinakita niya na siya ay banal.
6 Ang(A) lahat ng mga nangyaring iyon ay babala sa atin upang huwag tayong maghangad ng masasamang bagay, gaya ng ginawa nila. 7 Huwag(B) kayong sasamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila. Ayon sa nasusulat, “Umupo ang mga tao upang magkainan at mag-inuman, at tumayo upang magsayaw.” 8 Huwag(C) tayong makikiapid, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila, kaya't dalawampu't tatlong libong tao ang namatay sa loob lamang ng isang araw. 9 Huwag(D) nating susubukin si Cristo,[a] gaya ng ginawa ng ilan sa kanila; dahil sa ginawa nila, pinuksa sila ng mga ahas. 10 Huwag(E) din tayong magreklamo, tulad ng ilan sa kanila, kaya't nilipol naman sila ng anghel na namumuksa.
11 Nangyari iyon sa kanila bilang babala sa iba, at isinulat upang tayo namang nabubuhay ngayong mga huling araw ay maturuan.
12 Kaya't mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya'y nakatayo, at baka siya mabuwal. 13 Wala(F) pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng ibang tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang makayanan ito at ng paraan upang malampasan ito.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.