Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
31 Sinasabi(A) (B) ni Yahweh, “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong tipan sa Israel at sa Juda. 32 Ito'y hindi tulad ng kasunduang ginawa ko sa kanilang mga ninuno, nang ilabas ko sila sa Egipto. Bagama't para akong isang asawa sa kanila, sinira nila ang kasunduang ito. 33 Ganito(C) ang gagawin kong kasunduan sa bayan ng Israel pagdating ng panahon: Itatanim ko sa kanilang kalooban ang aking kautusan; isusulat ko ito sa kanilang mga puso. Ako ang kanilang magiging Diyos at sila ang aking magiging bayan. 34 Hindi(D) na nila kailangang turuan ang isa't isa at sabihing, ‘Kilalanin mo si Yahweh’; sapagkat ako'y makikilala nilang lahat, mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila, sapagkat patatawarin ko sila sa kanilang kasalanan at kalilimutan ko na ang kanilang kasamaan.”
Panalangin ng Paghingi ng Kapatawaran
Awit(A) na katha ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang siya ay pagwikaan ni Propeta Natan tungkol kay Batsheba.
51 Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob;
mga kasalanan ko'y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
2 Linisin mo sana ang aking karumhan,
at patawarin mo'ng aking kasalanan!
3 Mga pagkakasala ko'y kinikilala,
di ko malilimutan, laging alaala.
4 Sa(B) iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan;
kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan,
marapat na ako'y iyong parusahan.
5 Ako'y masama na buhat nang isilang,
makasalanan na nang ako'y iluwal.
6 Nais mo sa aki'y isang pusong tapat;
puspusin mo ako ng dunong mong wagas.
7 Ako ay linisin, sala ko'y hugasan
at ako'y puputi nang lubus-lubusan.
8 Sa galak at tuwa ako ay puspusin;
butong nanghihina'y muling palakasin.
9 Ang kasalanan ko'y iyo nang limutin,
lahat kong nagawang masama'y pawiin.
10 Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
11 Sa iyong harapa'y huwag akong alisin;
iyong banal na Espiritu'y paghariin.
12 Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas,
ibalik at ako po'y gawin mong tapat.
Pagiging Masunurin sa Kautusan ni Yahweh
(Bet)
9 Paano mapapanatiling malinis ang pamumuhay ng sinumang tao, sa kanilang kabataan?
Sa pamamagitan ng pagsunod sa banal mong kautusan.
10 Buong puso ang hangad kong sambahin ka't paglingkuran,
huwag mo akong hahayaang sa utos mo ay sumuway.
11 Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan,
upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman.
12 Pupurihin kita, Yahweh, ika'y aking pupurihin;
ang lahat ng tuntunin mo ay ituro po sa akin.
13 Ang lahat mong mga utos na sa aki'y ibinigay,
palagi kong babanggitin, malakas kong isisigaw.
14 Nagagalak na susundin ko ang iyong kautusan,
higit pa sa kagalakang dulot nitong kayamanan.
15 Ako'y laging mag-aaral sa lahat ng tuntunin mo,
nang aking maunawaan, pagbubulay-bulayan ko.
16 Sa bigay mong kautusa'y lubos akong nalulugod,
iingatan sa puso ko upang iyo'y di malimot.
5 Gayundin(A) naman, hindi itinaas ni Cristo ang kanyang sarili upang maging Pinakapunong Pari. Siya'y pinili ng Diyos na nagsabi sa kanya,
“Ikaw ang aking Anak,
mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.”
6 Sinabi(B) rin niya sa ibang bahagi ng kasulatan,
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”
7 Noong(C) si Jesus ay namumuhay pa rito sa lupa, siya'y nanalangin at lumuluhang nakiusap sa Diyos na makakapagligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya ng Diyos dahil lubusan siyang nagpakumbaba. 8 Kahit na siya'y Anak ng Diyos, natutunan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. 9 At nang siya'y maging ganap, siya ang naging sanhi upang magkamit ng walang hanggang kaligtasan ang lahat ng mga masunurin sa kanya. 10 Ginawa siya ng Diyos na Pinakapunong Pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec.
Hinanap ng Ilang Griego si Jesus
20 May ilang Griegong dumalo sa pista upang sumamba. 21 Lumapit sila kay Felipe na taga-Bethsaida sa Galilea, at nakiusap, “Ginoo, nais po naming makita si Jesus.”
22 Ito'y sinabi ni Felipe kay Andres, at magkasama silang nagsabi nito kay Jesus. 23 Sumagot si Jesus, “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao. 24 Pakatandaan ninyo: hangga't hindi nahuhulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, mamumunga ito nang sagana. 25 Ang(A) taong nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang taong hindi nagpapahalaga sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 26 Ang naghahangad na maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroroon din siya. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.”
Ipinahiwatig ni Jesus ang Kanyang Pagkamatay
27 “Ako'y nababagabag ngayon. Sasabihin ko bang, ‘Ama, huwag mong hayaang sumapit sa akin ang oras na ito ng paghihirap’? Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito—upang danasin ang oras na ito. 28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.”
Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Niluwalhati ko na ito, at muli kong luluwalhatiin.”
29 Narinig iyon ng mga taong naroon kaya't sinabi nila, “Kumulog!” Sabi naman ng iba, “Nagsalita sa kanya ang isang anghel!”
30 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang tinig na iyon ay ipinarinig para sa inyo at hindi para sa akin. 31 Panahon na upang hatulan ang mundong ito. Panahon na rin upang hatulan ang pinuno ng mundong ito. 32 At kung ako'y maitaas na, ilalapit ko sa aking sarili ang lahat ng tao.” 33 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.