Revised Common Lectionary (Complementary)
16 Kay Yahweh lang ako hihingi ng saklolo;
aking natitiyak, ililigtas ako.
17 Sa umaga't hapon, maging sa gabi rin.
Aking itataghoy ang mga hinaing,
at ang aking tinig ay kanyang diringgin.
18 Ililigtas ako mula sa labanan,
at pababaliking taglay ang tagumpay,
matapos gapiin ang mga kaaway.
19 Ang Diyos na hari sa mula't mula pa
ay diringgin ako, lulupigin sila; (Selah)[a]
pagkat ni sa kanya'y wala silang takot,
ayaw nang magbago at magbalik-loob.
20 Itong taong dati'y aking kasamahan, mga kaibiga'y kanyang kinalaban;
at hindi tumupad sa 'ming kasunduan.
21 Ang dulas ng dila'y parang mantekilya,
ngunit nasa puso pagkapoot niya;
ang mga salita niya'y tulad ng langis,
ngunit parang tabak ang talas at tulis.
22 Ilagak kay Yahweh iyong suliranin,
aalalayan ka't ipagtatanggol rin;
ang taong matuwid, di niya bibiguin.
23 Ngunit ang bulaan at mamamatay-tao,
O Diyos, sa hukay, sila'y itapon mo.
Hindi magtatagal, ang buhay nila sa daigdig,
ngunit tanging sa Diyos ako ay mananalig.
Pinarangalan si Mordecai
6 Nang gabing iyon, hindi makatulog si Haring Xerxes. Ipinakuha niya ang aklat ng mahahalagang pangyayari sa kaharian at ipinabasa ito habang siya'y nakikinig. 2 Nabasa(A) ang bahagi ng kasaysayan tungkol sa pagkatuklas ni Mordecai sa masamang balak ng mga eunukong sina Bigtan at Teres na patayin ang Haring Xerxes. 3 Dahil dito, itinanong ng hari, “Anong gantimpala o pagpaparangal ang ginawa kay Mordecai dahil sa kabutihang ginawa niya sa akin?”
Sumagot ang mga tagapaglingkod, “Wala po.”
4 Nagtanong ang hari, “Sino ba ang nasa bulwagan?”
Samantala, noon ay papasok sa bulwagan si Haman upang sabihin sa hari na maaari nang bitayin si Mordecai sa ipinagawa niyang bitayan. 5 Sinabi ng mga tagapaglingkod ng hari, “Si Haman po.”
At sinabi ng hari, “Palapitin ninyo siya rito.”
6 Lumapit naman si Haman. Itinanong sa kanya ng hari, “Ano ang dapat gawin sa sinumang ibig parangalan ng hari?”
Akala ni Haman ay siya ang tinutukoy ng hari, 7 kaya sinabi niya, “Ganito po: 8 Ipakuha ninyo ang damit na inyong isinuot at ang kabayong inyong sinakyan nang kayo'y koronahan bilang hari. 9 Ang damit ay ibigay sa isa sa mga pangunahing pinuno ng kaharian para isuot sa pararangalan. Pagkatapos, isakay sa kabayo at ilibot sa buong lunsod habang isinisigaw ang: ‘Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari!’”
10 Sinabi ng hari kay Haman, “Kung gayon, kunin mo ang aking damit at ang aking kabayo. Lahat ng sinabi mo'y gawin mo kay Mordecai, ang Judiong nakaupo sa may pintuan ng palasyo.”
11 Kinuha nga ni Haman ang damit at ang kabayo ng hari. Binihisan niya si Mordecai, isinakay sa kabayo at inilibot sa buong lunsod habang isinisigaw niyang, “Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari.”
12 Pagkatapos nito, nagbalik si Mordecai sa may pintuan ng palasyo. Nagmamadali namang umuwi si Haman, at pagdating sa bahay ay nanangis at nagtalukbong dahil sa inabot na kahihiyan. 13 Ang nangyari'y isinalaysay ni Haman sa asawa niyang si Zeres at sa kanyang mga tagapayo.[a] Sinabi sa kanya ng kanyang mga tagapayo at ng kanyang asawa, “Kung Judio nga si Mordecai, na siyang dahilan ng iyong panghihina, hindi mo siya madadaig, kundi ikaw pa ang dadaigin niya.”
14 Nag-uusap pa sila nang dumating ang mga sugo ng hari at nagmamadaling isinama si Haman sa handaan ni Ester.
Binitay si Haman
7 Si Haring Xerxes at si Haman ay dumalo sa ikalawang handaan ni Reyna Ester. 2 Habang sila'y nag-iinuman, itinanong ng hari, “Reyna Ester, ano nga ba ang hihilingin mo? Sabihin mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”
3 Sumagot si Reyna Ester, “Kung inyo pong mamarapatin, Mahal na Hari, nais ko po sanang hilingin na ako at ang aking mga kababayan ay inyong iligtas, 4 sapagkat kami po ay ipinagbili para patayin at lipulin. Kung kami po ay ipinagbili upang maging mga alipin, magsasawalang-kibo na lamang po ako at hindi na kayo gagambalain pa. Subalit kami po ay nililipol na!”
5 Itinanong ng hari, “Sinong may pakana ng mga bagay na ito?”
6 Sumagot si Ester, “Ang aming kaaway at taga-usig—ang masamang, si Haman!”
At si Haman ay nangatog sa takot sa harap ng hari at ng reyna.
Ang Israel at ang Magandang Balita
30 Ano ngayon ang masasabi natin? Ang mga Hentil na hindi nagsikap na maging matuwid sa harapan ng Diyos ay itinuring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. 31 Ngunit ang Israel naman, na nagsikap na maging matuwid sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan, ay nabigo. 32 Bakit? Dahil sinikap nilang kalugdan sila ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawa, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya. Natisod sila sa batong katitisuran, 33 tulad(A) ng nasusulat,
“Tingnan ninyo, naglalagay ako sa Zion ng batong katitisuran,
isang malaking bato na sa kanila'y magpapabuwal.
Ngunit ang sumasampalataya sa batong ito ay hindi mapapahiya.”
10 Mga kapatid, ang pinakananais ng puso ko at idinadalangin ko sa Diyos ay ang maligtas ang Israel. 2 Sapagkat saksi ako na sila'y masigasig na maging kalugud-lugod sa Diyos. Hindi nga lamang batay sa tamang kaalaman. 3 Dahil hindi nila kinilala ang pamamaraan ng Diyos upang gawing matuwid ang tao, at nagsikap silang gumawa ng sarili nilang pamamaraan; hindi sila nagpasakop sa pamamaraang itinakda ng Diyos. 4 Sapagkat si Cristo ang kaganapan ng Kautusan, upang ituring na matuwid ng Diyos ang sinumang sumasampalataya sa kanya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.