Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 140

Panalangin Upang Ingatan ng Diyos

Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

140 Sa mga masama ako ay iligtas,
    iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas;
sila'y nagpaplano at kanilang hangad
    palaging mag-away, magkagulo lahat.
Mabagsik(A) ang dila na tulad ng ahas,
    tulad ng ulupong, taglay na kamandag. (Selah)[a]

Sa mga masama ako ay iligtas;
    iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas,
    na ang nilalayon ako ay ibagsak.
Taong mga hambog, ang gusto sa akin,
    ako ay masilo, sa bitag hulihin,
    sa bitag na umang sa aking landasin. (Selah)[b]

Sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang aking Diyos.”
    Kaya ako'y dinggin sa aking pagdulog.
Panginoong Yahweh, na Tagapagligtas,
    nang ako'y lusubin, ikaw ang nag-ingat.
Taong masasama, sa kanilang hangad
    ay iyong hadlangan, biguin mo agad. (Selah)[c]

Ang mga kaaway, huwag pagtagumpayin,
    pagdusahin sila sa banta sa akin.
10 Bagsakan mo sila ng apoy na baga,
    itapon sa hukay nang di makaalsa.
11 At ang mga taong gawai'y mangutya, huwag pagtagumpayin sa kanilang nasa;
    ang marahas nama'y bayaang mapuksa.

12 Batid ko, O Yahweh, iyong papanigan ang mga mahirap, upang isanggalang,
    at pananatilihin ang katarungan.
13 Ang mga matuwid magpupuring tunay,
    ika'y pupurihi't sa iyo mananahan!

Jeremias 3:15-18

15 Bibigyan ko kayo ng mga pinunong sumusunod sa akin, at pamamahalaan nila kayo nang buong katalinuhan at pagkaunawa. 16 At kung dumami na kayo sa lupaing iyon, hindi na pag-uusapan ng mga tao ang tungkol sa Kaban ng Tipan ni Yahweh. Hindi na nila ito iisipin o aalalahanin. Hindi na rin nila ito kakailanganin o gagawa ng isa pa. 17 Sa araw na iyon, ang Jerusalem ay tatawaging ‘Luklukan ni Yahweh’. Lahat ng bansa'y magkakatipon doon upang sambahin ako. Hindi na nila gagawin ang kasamaang kanilang gustong gawin. 18 Magkakaisa ang Israel at ang Juda. Magkasama silang babalik mula sa hilaga at maninirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga magulang, upang maging kanila magpakailanman.”

Efeso 5:6-20

Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga pangangatuwirang walang kabuluhan, sapagkat dahil nga sa mga ito, ang Diyos ay napopoot sa mga suwail. Kaya't huwag kayong makisama sa kanila. Dati, kayo'y nasa kadiliman, ngunit ngayo'y nasa kaliwanagan na, sapagkat kayo'y nasa Panginoon. Mamuhay kayo ngayon nang nararapat sa mga taong nasa liwanag. Sapagkat pawang mabuti, matuwid at totoo ang ginagawa ng namumuhay sa liwanag.[a] 10 Sikapin ninyong matutunan kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. 11 Huwag kayong makibahagi sa mga gawain ng kadiliman na walang ibinubungang mabuti. Sa halip ay ibunyag ninyo ang mga iyon. 12 Kahiya-hiyang mabanggit man lamang ang mga bagay na iyon na ginagawa nila nang lihim. 13 Ang lahat ng nalalantad sa liwanag ay nakikilala kung ano talaga ang mga iyon, 14 at nalalantad ang lahat dahil sa liwanag.[b] Kaya't sinasabi,

“Gumising ka, ikaw na natutulog,
    bumangon ka mula sa libingan,
at liliwanagan ka ni Cristo.”

15 Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. 16 Gamitin ninyo nang lubusan para sa mabuti ang bawat pagkakataon, sapagkat puno ng kasamaan ang kasalukuyang panahon. 17 Huwag kayong maging hangal. Sa halip, unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.

18 Huwag kayong maglalasing, sapagkat sisirain lamang niyan ang inyong buhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Espiritu. 19 Sa(A) inyong pag-uusap gumamit kayo ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal; buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. 20 Lagi kayong magpasalamat sa Diyos na ating Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.