Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Hinihiling ng Diyos
Awit ni David.
15 O Yahweh, sino kayang makakapasok sa iyong Templo?
Sinong karapat-dapat sumamba sa iyong burol na sagrado?
2 Ang taong masunurin sa iyo sa lahat ng bagay,
at laging gumagawa ayon sa katuwiran,
mga salita'y bukal sa loob at pawang katotohanan,
3 at ang kapwa'y hindi niya sisiraan.
Di siya gumagawa ng masama sa kanyang kaibigan,
tungkol sa kapwa'y di nagkakalat ng kasinungalingan.
4 Ang itinakwil ng Diyos ay di niya pinapakisamahan,
mga may takot kay Yahweh, kanyang pinaparangalan.
Sa pangakong binitiwan, siya'y laging tapat,
anuman ang mangyari, salita'y tinutupad.
5 Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pinautang,
di nasusuhulan para ipahamak ang walang kasalanan.
Ang ganitong tao'y di matitinag kailanman.
Pumunta si Abram sa Egipto
10 Nagkaroon ng matinding taggutom sa lupain ng Canaan, kaya umalis doon sina Abram at naglakbay na patimog, patungo sa lupain ng Egipto, upang doon muna manirahan. 11 Nang malapit na sila sa hangganan, sinabi niya sa kanyang asawa, “Sarai, napakaganda mo. 12 Kapag nakita ka ng mga Egipcio, sasabihin nilang asawa kita at papatayin nila ako para makuha ka. 13 Ang(A) mabuti pa'y sabihin mong magkapatid tayo. Alang-alang sa iyo, hindi nila ako papatayin.” 14 Nang makapasok na sina Abram sa Egipto, napuna nga ng mga Egipcio na napakaganda ni Sarai. 15 Nang nakita siya ng mga pinuno roon, ibinalita nila sa Faraon kung gaano siya kaganda. Kaya't iniutos nitong kunin si Sarai at dalhin sa palasyo. 16 Dahil sa kanya, mabuti ang naging pagtanggap ng Faraon kay Abram at binigyan pa niya ito ng mga tupa, kambing, baka, asno, kamelyo at mga alipin.
17 Dahil dito'y pinahirapan ni Yahweh ang Faraon. Siya at ang buong palasyo ay nagdanas ng katakut-takot na karamdaman. 18 Kaya't si Abram ay ipinatawag ng Faraon at tinanong, “Bakit mo ito ginawa sa akin? Bakit hindi mo sinabing asawa mo siya? 19 Ang sabi mo'y kapatid mo siya, kaya naman kinuha ko siya para maging asawa. Heto na ang asawa mo. Kunin mo siya at umalis na kayo!” 20 Iniutos ng Faraon sa kanyang mga tauhan na paalisin ang mag-asawa, dala ang lahat nilang ari-arian.
5 Ang bawat pinakapunong pari ay pinili mula sa mga tao at inilagay sa ganoong tungkulin upang maglingkod sa Diyos para sa mga tao. Siya ang nag-aalay ng mga kaloob at mga handog para mapatawad ang mga kasalanan. 2 Mahinahon niyang napapakitunguhan ang mga mangmang at naliligaw ng landas, sapagkat siya'y mahina ring tulad nila. 3 At(A) dahil sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya'y mag-alay ng handog, hindi lamang para sa kasalanan ng iba, kundi para rin sa kanyang mga kasalanan. 4 Ang(B) karangalan ng pagiging pinakapunong pari ay hindi maaaring makuha ninuman sa kanyang sariling kagustuhan. Ang Diyos ang pumipili sa kanya, tulad ng pagkapili kay Aaron.
5 Gayundin(C) naman, hindi itinaas ni Cristo ang kanyang sarili upang maging Pinakapunong Pari. Siya'y pinili ng Diyos na nagsabi sa kanya,
“Ikaw ang aking Anak,
mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.”
6 Sinabi(D) rin niya sa ibang bahagi ng kasulatan,
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.