Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Pag-ibig sa Kautusan ni Yahweh
(Mem)
97 O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig,
araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip.
98 Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan,
kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway.
99 Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit,
pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip.
100 Ang taglay kong karununga'y higit pa sa matatanda,
pagkat ang iyong mga utos ay hindi ko sinisira.
101 Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama,
ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita.
102 Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin,
pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin.
103 O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay,
matamis pa kaysa pulot lasa nitong tinataglay.
104 Sa bigay mong mga utos, natamo ko'y karunungan,
kaya ako'y namumuhi sa ugaling mahahalay.
Ang Tanging Lugar ng Pagsamba
12 “Ito ang mga tuntunin na kailangan ninyong sundin sa buong panahon ng inyong paninirahan sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. 2 Gibain ninyo ang lahat ng lugar na pinagdarausan ng pagsamba ng mga tao roon sa kanilang mga diyus-diyosan: sa itaas ng mga bundok, sa mga burol, at sa lilim ng mga punongkahoy. 3 Gibain(A) ninyo ang kanilang mga altar, pagputul-putulin ang kanilang mga sinasambang haligi, sunugin ang mga imahen ng kanilang diyosang si Ashera, durugin ang kanilang mga diyus-diyosan, at alisin sa lugar na iyon ang anumang bakas nila.
4 “At sa pagsamba ninyo sa Diyos ninyong si Yahweh, huwag kayong tutulad sa kanila na sumasamba sa kanilang mga diyus-diyosan kahit saan maibigan. 5 Sa halip, hanapin ninyo ang lugar na pipiliin ni Yahweh sa lupain ng isa sa inyong mga lipi; doon lamang niya ipahahayag ang kanyang pangalan at iyon ang ituturing niyang tahanan. 6 Doon ninyo siya sasambahin at doon iaalay ang inyong mga handog na susunugin at iba pang handog tulad ng ikasampung bahagi, handog mula sa inyong ani, pangakong handog, kusang handog, ang mga unang bunga ng pananim, at ang panganay na anak ng inyong mga alagang hayop. 7 Doon din kayo magsasalu-salo sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos bilang pasasalamat sa mga pagpapala niya sa inyo.
8 “Hindi na ninyo magagawa roon ang ginagawa ninyo rito ngayon. Nagagawa ninyo ngayon ang anumang magustuhan ninyo, 9 sapagkat wala pa kayo sa lupaing ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh. 10 Ngunit pagkatawid ninyo ng Jordan, kapag kayo'y nasa lupaing inyong pupuntahan, nalipol na ninyo ang inyong mga kaaway, at panatag na ang inyong pamumuhay, iba na ang inyong gagawin. 11 Ialay ninyo sa lugar na pipiliin ni Yahweh ang inyong mga handog na susunugin at iba pang handog, tulad ng ikapu, handog mula sa inyong mga ani, at mga pangakong handog. 12 Magdiwang kayo sa harapan ni Yahweh, kasama ang inyong mga anak at mga alipin. Isama rin ninyo ang mga Levita, sapagkat hindi sila kasama sa paghahati ng lupain.
41 Nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sa sinabi niyang, “Ako ang tinapay na bumabâ mula sa langit.” 42 Sinabi nila, “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kanyang ama't ina. Paano niya masasabi ngayong bumabâ siya mula sa langit?” 43 Kaya't sinabi ni Jesus, “Tigilan ninyo ang inyong bulung-bulungan. 44 Walang makakalapit sa akin malibang dalhin siya sa akin ng Ama na nagsugo sa akin. At ang lumalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw. 45 Nasusulat(A) sa aklat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo sa kanya ay lumalapit sa akin. 46 Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama; ang nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama. 47 Pakatandaan ninyo: ang sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan. 48 Ako ang tinapay ng buhay. 49 Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila'y nasa ilang, ngunit sila'y namatay. 50 Narito ang tinapay na bumabâ mula sa langit upang ang sinumang kumain nito ay hindi na mamatay. 51 Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumabâ mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay na ibibigay ko upang mabuhay ang sanlibutan ay ang aking laman.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.