Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Pagpupuri at Pasasalamat
Isang Awit na kinatha para sa Punong Mang-aawit.
66 Sumigaw sa galak ang mga nilalang!
2 At purihin ang Diyos na may kagalakan; wagas na papuri sa kanya'y ibigay!
Awitan siya't luwalhatiin siya!
3 Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila:
“Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga;
yuyuko sa takot ang mga kaaway, dahilan sa taglay mong kapangyarihan.
4 Ang lahat sa lupa ika'y sinasamba,
awit ng papuri yaong kinakanta;
ang iyong pangala'y pinupuri nila.” (Selah)[a]
5 Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan,
ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.
6 Naging(A) tuyong lupa kahit na karagatan,
mga ninuno nati'y doon dumaan;
doo'y naramdaman labis na kagalakan.
7 Makapangyarihang hari kailanman,
siya'y nagmamasid magpakailanman;
kaya huwag magtatangkang sa kanya'y lumaban. (Selah)[b]
8 Ang lahat ng bansa'y magpuri sa Diyos,
inyong iparinig papuring malugod.
9 Iningatan niya tayong pawang buháy,
di tayo bumagsak, di niya binayaan!
Ang Paghahari ni Manases sa Juda(A)
21 Si Manases ay labindalawang taóng gulang nang maging hari ng Juda. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng limampu't limang taon. Ang kanyang ina ay si Hefziba. 2 Hindi(B) rin siya naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat tinularan niya ang mga kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga Israelita. 3 Itinayo niyang muli ang mga dambana sa mga burol na ipinagiba ng ama niyang si Ezequias. Ipinagpagawa pa niya ng altar si Baal at ng rebulto si Ashera tulad ng ginawa ni Haring Ahab ng Israel. Sumamba rin si Manases sa mga bituin sa langit. 4 Nagpagawa(C) pa siya ng maraming altar sa Templo sa Jerusalem, ang lugar na pinili ni Yahweh na kung saan siya'y dapat sambahin. 5 Sa dalawang bulwagan sa Templo, nagpagawa siya ng tig-isang altar para sa pagsamba sa mga bituin. 6 Sinunog rin niya ang anak niyang lalaki bilang handog. Sumangguni siya sa iba't ibang espiritu, sa mga salamangkero, sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay na at sa mga manghuhula. Napakalaki ng kasamaang ginawa niya laban kay Yahweh kaya ito'y nagalit sa kanya. 7 Ang(D) ipinagawa niyang rebulto ni Ashera ay ipinasok niya sa Templong tinutukoy ni Yahweh nang sabihin nito kina David at Solomon: “Sa Templong ito at sa Jerusalem na aking pinili mula sa labindalawang lipi ng Israel, ang lugar na ito ay pinili ko upang ako'y sambahin magpakailanman. 8 Pananatilihin ko sila sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno kung susundin nila ang mga utos na ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ng aking lingkod na si Moises.” 9 Ngunit hindi sila nakinig, sa halip ay sumunod sila kay Manases sa paggawa ng mga bagay na higit na masama sa ginawa ng mga bansang ipinataboy sa kanila ni Yahweh.
10 Sa pamamagitan ng mga propetang lingkod ni Yahweh ay sinabi niya, 11 “Dahil sa kasuklam-suklam na mga bagay na ginawa ni Manases na hari ng Juda, na higit pa sa kasamaan ng mga Amoreo, at dahil sa pangunguna niya sa Juda upang sumamba sa mga diyus-diyosan, 12 paparusahan ko nang matindi ang Juda at ang Jerusalem. Mababalitaan ito ng mga iba at sila'y kikilabutan. 13 Paparusahan ko ang Jerusalem tulad ng ginawa ko sa Samaria at sa sambahayan ni Ahab. Aalisin ko ang mga tao sa Jerusalem tulad ng paglilinis sa pinggan. Pupunasan ko ito at pagkatapos ay itataob. 14 Itatakwil ko ang matitirang buháy sa kanila at ipapasakop sa kanilang mga kaaway. 15 Gagawin ko ito dahil sa kanilang kasamaan mula pa nang iligtas ko ang kanilang mga ninuno sa kamay ng mga Egipcio.”
Ang Hilig ng Laman at Tuntunin ng Isip
14 Alam nating ang Kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman at alipin ng kasalanan. 15 Hindi(A) ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat hindi ko ginagawa ang gusto ko, sa halip ang kinasusuklaman ko ang siya kong ginagawa. 16 Ngayon, kung ginagawa ko ang hindi ko gusto, nangangahulugang sumasang-ayon ako na mabuti nga ang Kautusan. 17 Kung gayon, hindi na ako ang may kagagawan niyon, kundi ang kasalanang naninirahan sa akin. 18 Alam kong walang mabuting bagay na naninirahan sa aking katawang makalaman. May kakayahan akong naisin ang mabuti, ngunit hindi ko nga lamang ito magawa. 19 Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuting gusto ko, ang masamang hindi ko gusto ang siya kong ginagawa. 20 Kung ang ginagawa ko ay hindi ko nais, hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanang naninirahan sa akin.
21 Ito ang natuklasan ko: kapag nais kong gumawa ng mabuti, ang masama ay malapít sa akin. 22 Sa kaibuturan ng aking puso, ako'y nalulugod sa Kautusan ng Diyos. 23 Ngunit may ibang kapangyarihan sa mga bahagi ng aking katawan na salungat sa tuntunin ng aking isip; binibihag ako ng kapangyarihang ito sa kasalanang naninirahan sa aking katawan. 24 Kay saklap ng aking kalagayan! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito na nagdadala sa akin sa kamatayan? 25 Wala nang iba pa kundi ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Salamat sa kanya!
Ito nga ang kalagayan ko: sa pamamagitan ng aking isip, pinaglilingkuran ko ang Kautusan ng Diyos, ngunit sa pamamagitan ng aking katawang makalaman ay pinaglilingkuran ko ang tuntunin ng kasalanan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.