Revised Common Lectionary (Complementary)
9 Pagpapalain niya ang lahat ng inyong gawain. Pararamihin niya ang inyong mga anak at mga hayop at pasasaganain ang ani ng inyong lupain. Muli siyang malulugod sa inyo at pagpapalain niya kayo, tulad ng ginawa niya sa inyong mga ninuno. 10 Ngunit kailangang makinig kayo sa kanya at buong puso't kaluluwang sumunod sa kanyang mga utos.
11 “Ang kautusang ibinibigay ko sa inyo ngayon ay hindi naman napakahirap sundin at unawain. 12 Wala(A) ito sa langit, kaya hindi na ninyo dapat itanong, ‘Sino ang aakyat sa langit para sa atin upang kunin ang kautusan upang marinig natin ito at maisagawa?’ 13 Wala rin ito sa ibayong-dagat kaya hindi ninyo dapat itanong, ‘Sino ang tatawid sa dagat para sa atin upang kunin ang kautusan upang marinig natin ito at maisagawa?’ 14 Napakalapit ng kautusan sa inyo, nasa inyong mga labi at nasa inyong mga puso. Kailangan lang ninyo itong tuparin.
Panalangin Upang Patnubayan at Ingatan
Katha ni David.
25 Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot;
2 sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos.
Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan,
at pagtawanan ako ng aking mga kaaway!
3 Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan,
at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian.
4 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban,
at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
5 Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
6 Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas,
na ipinakita mo na noong panahong lumipas.
7 Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan;
ayon sa pag-ibig mong walang katapusan,
ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!
8 Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan,
itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.
9 Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay,
sa kanyang kalooban kanyang inaakay.
10 Tapat ang pag-ibig, siya ang patnubay,
sa lahat ng mga taong sumusunod, sa utos at tipan siya'ng sumusubaybay.
1 Mula kay Pablo, apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, at mula rin sa kapatid nating si Timoteo:
2 Para sa mga taga-Colosas na hinirang ng Diyos at mga tapat na kapatid kay Cristo.
Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama.
Panalangin ng Pasasalamat
3 Tuwing ipinapanalangin namin kayo, lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos na Ama[a] ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 4 Sapagkat nabalitaan namin ang inyong pananalig kay Cristo Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng hinirang ng Diyos, 5 dahil sa pag-asang makakamtan ninyo na inihanda para sa inyo sa langit. Nalaman ninyo ang tungkol sa pag-asang ito nang ipangaral sa inyo ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita na dumating sa inyo. 6 Ito'y lumalaganap at nagdadala ng pagpapala sa buong daigdig, tulad ng nangyari sa inyo mula nang marinig at maunawaan ninyo ang katotohanan tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos. 7 Natutunan ninyo ito kay Epafras(A), ang aming kamanggagawa, isang tapat na lingkod ni Cristo at kinatawan ninyo.[b] 8 Sa kanya namin nalaman ang inyong pag-ibig na naaayon sa Espiritu.
9 Kaya't mula nang marinig namin ito, patuloy naming idinadalangin sa Diyos na sana'y ipaunawa niya sa inyo nang lubusan ang kanyang kalooban, sa pamamagitan ng karunungan at pang-unawang kaloob ng Espiritu. 10 Sa gayon, makakapamuhay na kayo nang karapat-dapat at kalugud-lugod sa Panginoon, sasagana sa lahat ng uri ng mabubuting gawa, at lalawak ang inyong pagkakilala sa Diyos. 11 Idinadalangin din naming patatagin niya kayo sa tulong ng kanyang dakilang kapangyarihan, upang inyong matiis na masaya at may pagtitiyaga ang lahat ng bagay. 12 Lagi kayong magpasalamat sa Ama sapagkat minarapat niyang makabahagi kayo[c] sa mga pangako ng Diyos para sa mga hinirang na nasa liwanag. 13 Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak. 14 Sa(B) pamamagitan niya ay napalaya tayo, samakatuwid ay pinatawad ang ating mga kasalanan [sa pamamagitan ng kanyang dugo].[d]
Ang Mabuting Samaritano
25 Isang(A) dalubhasa sa Kautusan ang lumapit kay Jesus upang siya'y subukin. “Guro, ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” tanong niya.
26 Sumagot si Jesus, “Ano ba ang nakasulat sa Kautusan? Ano ba ang nababasa mo roon?”
27 Sumagot(B) ang lalaki, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong lakas mo, at buong pag-iisip mo;’ at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’”
28 Sabi(C) ni Jesus, “Tama ang sagot mo. Gawin mo iyan at magkakamit ka ng buhay na walang hanggan.”
29 Upang huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, nagtanong pa ang lalaki, “Sino naman ang aking kapwa?”
30 Sumagot si Jesus, “May isang taong naglalakbay mula sa Jerusalem papuntang Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, hinubaran, binugbog, at iniwang halos patay na. 31 Nagkataong dumaan doon ang isang paring Judio. Nang makita ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglakad. 32 Dumaan din ang isang Levita, ngunit nang makita niya ang taong binugbog, lumihis din ito at nagpatuloy sa kanyang paglakad. 33 Ngunit(D) may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nang makita niya ang biktima, siya'y naawa. 34 Nilapitan niya ito, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat at binendahan. Pagkatapos, isinakay niya ang lalaki sa kanyang asno at dinala ito sa bahay-panuluyan upang maalagaan siya doon. 35 Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang salaping pilak ang namamahala ng bahay-panuluyan, at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung higit pa riyan ang iyong magagastos, babayaran kita pagbalik ko.’”
36 At nagtanong si Jesus, “Sa palagay mo, sino kaya sa tatlo ang naging tunay na kapwa ng taong hinarang ng mga tulisan?”
37 “Ang taong tumulong sa kanya,” tugon ng dalubhasa sa kautusan. Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayon, humayo ka at ganoon din ang gawin mo.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.