Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin Upang Patnubayan at Ingatan
Katha ni David.
25 Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot;
2 sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos.
Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan,
at pagtawanan ako ng aking mga kaaway!
3 Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan,
at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian.
4 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban,
at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
5 Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
6 Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas,
na ipinakita mo na noong panahong lumipas.
7 Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan;
ayon sa pag-ibig mong walang katapusan,
ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!
8 Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan,
itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.
9 Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay,
sa kanyang kalooban kanyang inaakay.
10 Tapat ang pag-ibig, siya ang patnubay,
sa lahat ng mga taong sumusunod, sa utos at tipan siya'ng sumusubaybay.
Mga Tuntunin tungkol sa Kabanalan at Katarungan
19 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Sabihin(A) mo sa buong sambayanan ng Israel, ‘Magpakabanal kayo, sapagkat akong si Yahweh na inyong Diyos ay banal. 3 Igalang(B) ninyo ang inyong ama at ina. Ipangilin ninyo ang Araw ng Pamamahinga. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
4 “Huwag(C) kayong maglilingkod sa mga diyus-diyosan ni gagawa ng mga imahen upang sambahin. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.’
32 “Tatayo kayo kapag may kaharap na matanda. Igalang ninyo sila at matakot kayo sa Diyos. Ako si Yahweh.
33 “Huwag(A) ninyong aapihin ang mga dayuhang kasama ninyo. 34 Ibigin ninyo sila at ituring na kapatid. Alalahanin ninyong naging mga dayuhan din kayo sa Egipto. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
35 “Huwag(B) kayong mandaraya sa pagsukat, pagtitimbang o pagbilang ng anuman. 36 Ang inyong timbangan, kiluhan, sukatan ng harina, at sukatan ng langis ay kailangang walang daya. Ako ang nag-alis sa inyo sa Egipto. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. 37 Sundin ninyo ang lahat kong tuntunin at kautusan. Ako si Yahweh.”
16 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulan ng parusa ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.
18 Hindi hinahatulan ng parusa ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos. 19 Ganito ang paghatol ng Diyos: naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang mga gawa. 20 Kinasusuklaman ng mga gumagawa ng masama ang ilaw, ni hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanilang mga gawa. 21 Ngunit ang namumuhay ayon sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang maihayag na ang mga ginagawa niya ay pagsunod sa Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.