Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin Upang Patnubayan at Ingatan
Katha ni David.
25 Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot;
2 sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos.
Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan,
at pagtawanan ako ng aking mga kaaway!
3 Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan,
at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian.
4 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban,
at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
5 Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
6 Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas,
na ipinakita mo na noong panahong lumipas.
7 Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan;
ayon sa pag-ibig mong walang katapusan,
ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!
8 Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan,
itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.
9 Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay,
sa kanyang kalooban kanyang inaakay.
10 Tapat ang pag-ibig, siya ang patnubay,
sa lahat ng mga taong sumusunod, sa utos at tipan siya'ng sumusubaybay.
Ginawang Tagapamahala sa Egipto si Jose
37 Nagustuhan ng Faraon at ng kanyang mga kagawad ang panukala ni Jose. 38 Sinabi nila, “Bakit pa tayo hahanap ng iba, samantalang nasa kanya ang Espiritu[a] ng Diyos?” 39 Kaya't sinabi ng Faraon kay Jose, “Ang Diyos ang nagpakita sa iyo ng lahat ng ito, kaya't wala nang hihigit pa sa iyo sa karunungan at pang-unawa. 40 Ikaw(A) ang pamamahalain ko sa buong bansa, at susundin ka ng lahat. Ang aking trono lamang ang hindi mapapasaiyo. 41 At ngayon, inilalagay kitang gobernador ng buong Egipto!” 42 Inalis(B) ni Faraon sa kanyang daliri ang singsing na pantatak at isinuot iyon kay Jose; binihisan niya ito ng damit na lino at sinabitan ng gintong kuwintas sa leeg. 43 Ipinagamit kay Jose ang pangalawang sasakyan ng hari, at binigyan siya ng tanod pandangal na nauuna sa kanya at sumisigaw, “Lumuhod kayo!” Sa gayon, ipinailalim sa kanya ang pamamahala sa buong Egipto. 44 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ako ang Faraon at ikaw ang aking pangalawa, ngunit kung wala kang pahintulot, walang sinuman sa Egipto na makakagawa ng anuman.” 45 Binigyan niya si Jose ng bagong pangalan: Zafenat-panea. At ipinakasal sa kanya si Asenat na anak ni Potifera, ang pari sa Heliopolis.[b] Bilang gobernador, pinamahalaan ni Jose ang buong lupain ng Egipto.
46 Tatlumpung taon si Jose nang magsimulang maglingkod sa Faraon. Pagkaalis niya sa harapan ng hari, nilibot niya ang buong Egipto. 47 Pitong taóng nag-ani nang sagana sa buong lupain. 48 Inipon ni Jose ang lahat ng pagkain sa Egipto at ikinamalig sa mga lunsod. Sa loob ng pitong taon ng kasaganaan, inipon niya sa bawat lunsod ang mga pagkaing inani sa palibot nito. 49 Ang naipon niyang trigo ay sindami ng buhangin sa dagat, kaya't hindi na niya tinatakal dahil sa dami.
9 “Ang(A) mga ninuno nating ito ay nainggit kay Jose, kaya't siya'y ipinagbili nila upang maging alipin sa Egipto. Ngunit kasama niya ang Diyos, 10 at(B) hinango siya ng Diyos sa lahat ng kanyang kahirapan. Pinagpala siya ng Diyos at pinagkalooban ng karunungan nang humarap siya sa Faraon, ang hari ng Egipto. Siya'y ginawa nitong gobernador ng Egipto at tagapamahala ng buong sambahayan ng hari.
11 “Nagkaroon(C) ng taggutom at matinding paghihirap sa buong Egipto at Canaan. Maging ang ating mga ninuno ay walang makunan ng pagkain. 12 Kaya't nang mabalitaan ni Jacob na may trigo sa Egipto, pinapunta niya roon ang ating mga ninuno sa unang pagkakataon. 13 Sa(D) ikalawang pagpunta nila, nagpakilala si Jose sa kanyang mga kapatid, at nalaman naman ng Faraon ang tungkol sa kanyang pamilya. 14 Dahil(E) dito'y ipinasundo ni Jose ang kanyang amang si Jacob at ang buong pamilya nito, pitumpu't limang katao silang lahat. 15 Pumunta(F) nga si Jacob sa Egipto at doon siya namatay, gayundin ang ating mga ninuno. 16 Ang(G) kanilang mga labî ay dinala sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham sa mga anak ni Hamor.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.