Revised Common Lectionary (Complementary)
11 Ang iyong pangako, Yahweh, sana'y tuparin,
ang marami kong sala'y iyong patawarin.
12 Ang taong kay Yahweh ay gumagalang,
matututo ng landas na dapat niyang lakaran.
13 Ang buhay nila'y palaging sasagana,
mga anak nila'y magmamana sa lupa.
14 Sa mga masunurin, si Yahweh'y isang kaibigan,
ipinapaunawa niya sa kanila, kanyang kasunduan.
15 Si Yahweh lang ang laging inaasahan,
na magliligtas sa akin sa kapahamakan.
16 Lingapin mo ako, at ako'y kahabagan,
pagkat nangungulila at nanlulupaypay.
17 Pagaanin mo ang aking mga pasanin,
mga gulo sa buhay ko'y iyong payapain.
18 Alalahanin mo ang hirap ko at suliranin,
at lahat ng sala ko ay iyong patawarin.
19 Tingnan mo't napakarami ng aking kaaway,
at labis nila akong kinamumuhian!
20 Ipagtanggol mo ako't iligtas ang aking buhay,
huwag tulutang ako'y malagay sa kahihiyan,
pagkat kaligtasan ko'y sa iyo nakasalalay.
19 Mas mabuti ang mahirap na marangal ang pamumuhay,
kaysa taong masalita ngunit walang nalalaman.
2 Masugid man kung mangmang, walang mapapakinabang;
ang kawalan ng tiyaga'y magbubulid sa kaguluhan.
3 Ipinapahamak ng mangmang ang kanyang sarili,
pagkatapos si Yahweh ang kanyang sinisisi.
4 Ang kayamana'y umaakit ng maraming kaibigan,
ngunit ang mahirap ay tinatalikuran ng dating kasamahan.
5 Ang bulaang saksi ay tiyak na mapaparusahan,
at ang sinungaling ay wala ring tatakbuhan.
6 Marami ang lumalapit sa taong mabait,
at sa taong bukas-palad, lahat ay malapit.
7 Kung ang mahirap ay tinatalikuran ng mismong kapatid,
wala na itong magiging kaibigan, kaninuman lumapit.
8 Ang nagsisikap matuto, sa sarili ay nagmamahal,
ang nagpapahalaga sa karunungan ay magtatagumpay.
9 Ang bulaang saksi ay tiyak na mapaparusahan,
at ang sinungaling ay wala ring tatakbuhan.
10 Ang masaganang pamumuhay ay di angkop sa isang mangmang;
gayon din ang alipin, di dapat mamuno sa mga dugong bughaw.
11 Ang kahinahunan ay nagpapakilala ng katalinuhan,
ang pagpapatawad sa masamang ginawa sa kanya ay kanyang karangalan.
12 Ang poot ng hari ay parang leong umuungal,
ngunit ang kanyang paglingap ay parang hamog sa halaman.
13 Ang anak na hangal ay kasawiang-palad ng kanyang ama,
at tila ulang walang tigil ang bibig ng madaldal na asawa.
14 Namamana sa magulang ang bahay at kayamanan,
ngunit si Yahweh lang ang nagbibigay ng mabuting maybahay.
15 Ang taong tamad ay laging nakatihaya;
kaya't siya'y magugutom, walang panlagay sa sikmura.
16 Ang tumutupad sa kautusan ay nag-iingat ng kanyang buhay,
at ang nagwawalang-bahala sa utos ay tiyak na mamamatay.
17 Parang pagpapautang kay Yahweh ang pagtulong sa mahirap,
at pagdating ng panahon, si Yahweh ang magbabayad.
Magmahalan Tayo
11 Ito(A) ang mensaheng narinig na ninyo sa simula pa: magmahalan tayo. 12 Huwag(B) tayong tumulad kay Cain na kampon ng diyablo. Pinaslang niya ang kanyang kapatid. Bakit? Sapagkat masama ang kanyang mga gawa, ngunit matuwid ang mga gawa ng kanyang kapatid.
13 Kaya, mga kapatid, huwag kayong magtaka kung kinapopootan kayo ng sanlibutan. 14 Nalalaman(C) nating lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan, sapagkat iniibig natin ang mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan. 15 Mamamatay-tao ang napopoot sa kanyang kapatid, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay wala sa mamamatay-tao. 16 Dito natin nalalaman ang pag-ibig: inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya't dapat din nating ialay ang ating buhay para sa mga kapatid. 17 Kapag nakita ng isang maykaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at pinagkaitan niya ito ng tulong, masasabi bang siya'y umiibig sa Diyos?
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.