Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 25:11-20

11 Ang iyong pangako, Yahweh, sana'y tuparin,
    ang marami kong sala'y iyong patawarin.
12 Ang taong kay Yahweh ay gumagalang,
    matututo ng landas na dapat niyang lakaran.
13 Ang buhay nila'y palaging sasagana,
    mga anak nila'y magmamana sa lupa.
14 Sa mga masunurin, si Yahweh'y isang kaibigan,
    ipinapaunawa niya sa kanila, kanyang kasunduan.

15 Si Yahweh lang ang laging inaasahan,
    na magliligtas sa akin sa kapahamakan.
16 Lingapin mo ako, at ako'y kahabagan,
    pagkat nangungulila at nanlulupaypay.
17 Pagaanin mo ang aking mga pasanin,
    mga gulo sa buhay ko'y iyong payapain.
18 Alalahanin mo ang hirap ko at suliranin,
    at lahat ng sala ko ay iyong patawarin.

19 Tingnan mo't napakarami ng aking kaaway,
    at labis nila akong kinamumuhian!
20 Ipagtanggol mo ako't iligtas ang aking buhay,
    huwag tulutang ako'y malagay sa kahihiyan,
    pagkat kaligtasan ko'y sa iyo nakasalalay.

Job 24:1-8

Inireklamo ni Job ang Ginagawa ng Masama

24 “Bakit di nagtatakda ang Makapangyarihang Diyos ng araw ng paghuhukom,
    upang masaksihan ng mga matuwid ang kanyang paghatol?

“Binabago ng mga tao ang hangganan ng mga lupa,
    nagnanakaw ng mga hayop na iba ang nag-alaga.
Tinatangay nila ang asno ng mga ulila,
    kinakamkam sa mga biyuda ang bakang isinangla.
Ang mahirap ay itinataboy sa lansangan;
    at dahil sa takot, naghahanap ito ng taguan.

“Kaya ang dukha, tulad ay asnong mailap,
    hinahalughog ang gubat,
    mapakain lang ang anak.
Gumagapas sila sa bukid na hindi kanila,
    natirang ubas ng mga masasama pinupulot nila.
Kanilang katawan ay walang saplot;
    sa lamig ng gabi, wala man lamang kumot.
Nauulanan sila doon sa kabundukan;
    mga pagitan ng bato ang kanilang silungan.

Santiago 2:1-7

Babala Laban sa Pagtatangi

Mga kapatid ko, bilang mga mananampalataya kay Jesu-Cristo na ating maluwalhating Panginoon, dapat maging pantay-pantay ang tingin ninyo sa lahat ng tao. Kung may pumasok sa inyong kapulungan na isang lalaking may mga singsing na ginto at nakadamit nang magara, at dumating din doon ang isang dukha na gusgusin ang damit, at inasikaso ninyong mabuti ang nakadamit nang magara at sinabi sa kanya, “Dito kayo maupo,” at sinabi naman ninyo sa mahirap, “Tumayo ka na lang diyan,” o kaya'y, “Sa sahig ka na lang umupo,” nagtatangi na kayo at humahatol nang mali.

Mga kapatid kong minamahal, makinig kayong mabuti! Hindi ba't pinili ng Diyos ang mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya? Ngunit hinahamak ninyo ang mahihirap. Hindi ba't ang mayayaman ang umaapi sa inyo at sila ang kumakaladkad sa inyo sa hukuman? Hindi ba't sila rin ang lumalait sa marangal na pangalang ibinigay sa inyo ng Diyos?

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.