Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Katarungan ng Kautusan ni Yahweh
(Yod)
73 Nilikha mo ako, O Yahweh, ako'y iyong iningatan;
bigyan ako ng unawa upang batas mo'y malaman.
74 Ang sa iyo'y natatakot, kapag ako ay nakita,
matutuwa sa lingkod mong sa iyo ay umaasa.
75 Nababatid ko, O Yahweh, matuwid ang iyong batas,
kahit ako'y pagdusahin, nananatili kang tapat.
76 Aliwin mo sana ako niyang pag-ibig mong lubos,
katulad ng binitiwang pangako sa iyong lingkod.
77 Sa akin ay mahabag ka, at ako ay mabubuhay,
ang lubos kong kasiyaha'y nasa iyong kautusan.
78 Ang hambog na naninira sa lingkod mo ay hiyain,
sa aral mo ako nama'y magbubulay na taimtim.
79 Sa akin ay magsilapit ang sa iyo ay may takot,
maging yaong mga tao na alam ang iyong utos.
80 Sana'y lubos kong masunod ang buo mong kautusan,
upang hindi mapahiya't tamuhin ko ang tagumpay.
10 Ang sabi ko naman, “Sino po ang makikinig sa akin, kung sila'y kausapin ko at bigyang babala? Sarado ang kanilang mga pakinig. Ayaw nilang pakinggan ang iyong mga mensahe at pinagtatawanan pa ang sinasabi ko. 11 Ang pagkapoot mo, Yahweh, ay nararamdaman ko at hindi ko na kayang matagalan.”
At sinabi sa akin ni Yahweh, “Ibuhos mo ang aking poot sa mga batang nasa lansangan, at sa mga kabinataang nagkakatipon. Bibihagin din ang mga mag-asawa, kasama pati matatanda na. 12 Ibibigay(A) sa iba ang kanilang mga bahay, gayon din ang kanilang bukirin at mga asawa. Paparusahan ko ang lahat ng naninirahan sa lupaing ito. 13 Ang kasakiman ay laganap sa lahat, dakila at hamak; pati mga pari at propeta man ay mandaraya. 14 Hindi(B) nila pansin ang kahirapan ng aking bayan; ang sabi nila, ‘Payapa ang lahat,’ gayong wala namang kapayapaan. 15 Nahihiya ba sila sa ginawa nilang kalikuan? Hindi na sila tinatablan ng hiya, makapal na ang kanilang mukha. Kaya't sila'y babagsak tulad ng iba. Ito na ang kanilang wakas, kapag sila'y aking pinarusahan. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”
Tinanggihan ng Israel ang Paraan ng Diyos
16 Sinabi(C) ni Yahweh sa kanyang bayan, “Tumayo kayo sa panulukang-daan at magmasid; hanapin ninyo ang lumang kalsada, at alamin kung saan ang pinakamabuting daan. Doon kayo lumakad, at magtatamo kayo ng kapayapaan.”
Subalit ang sabi nila, “Ayaw naming dumaan doon.” 17 Kaya't si Yahweh ay humirang ng mga bantay upang marinig ng Israel ang tunog ng kanilang trumpeta. Ngunit sabi nila, “Hindi namin iyon papakinggan.”
18 Kaya sinabi ni Yahweh, “Makinig kayo, mga bansa, upang malaman ninyo ang mangyayari sa sarili kong bayan. 19 Makinig ang buong sanlibutan! Ang mga taong ito'y mapapahamak bilang parusa at iyon ang nararapat sa kanila, sapagkat hindi nila sinunod ang aking mga utos, at itinakwil ang aking katuruan.
Ang Kaguluhan sa Efeso
21 Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, sa patnubay ng Espiritu ay nagpasya si Pablo na maglakbay sa Macedonia at Acaya papuntang Jerusalem. “Kailangan ko ring pumunta sa Roma pagkagaling sa Jerusalem,” sabi niya. 22 Pinauna niya sa Macedonia sina Timoteo at Erasto, dalawa sa kanyang mga kamanggagawa, at siya'y tumigil sa Asia nang kaunti pang panahon.
23 Nang panahong iyon ay nagkaroon ng isang malaking kaguluhan dahil sa Daan ng Panginoon. 24 May isang panday-pilak na nagngangalang Demetrio, na gumagawa ng maliliit na templong pilak ng kanilang diyosang si Artemis,[a] at ito'y pinagkakakitaan nang malaki. 25 Tinipon niya ang kanyang mga manggagawa at ang iba pang mga taong ganito rin ang hanapbuhay. Sinabi niya, “Mga kasama, alam ninyong sa gawaing ito nagmumula ang ating masaganang pamumuhay. 26 Nakikita ninyo't naririnig kung ano ang ginagawa ng Pablong iyan. Sinasabi niyang ang mga diyos na ginawa ng kamay ng tao ay hindi raw diyos, at marami siyang napapaniwala, hindi lamang dito sa Efeso kundi sa buong Asia. 27 Nanganganib na magkaroon ng masamang pangalan ang ating hanapbuhay. Hindi lang iyon, nanganganib din na ang templo ng dakilang diyosang si Artemis ay mawalan ng kabuluhan, at ang dakilang diyosa na sinasamba ng Asia at ng buong daigdig ay hindi na igagalang.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.