Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Pag-ibig sa Kautusan ni Yahweh
(Mem)
97 O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig,
araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip.
98 Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan,
kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway.
99 Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit,
pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip.
100 Ang taglay kong karununga'y higit pa sa matatanda,
pagkat ang iyong mga utos ay hindi ko sinisira.
101 Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama,
ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita.
102 Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin,
pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin.
103 O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay,
matamis pa kaysa pulot lasa nitong tinataglay.
104 Sa bigay mong mga utos, natamo ko'y karunungan,
kaya ako'y namumuhi sa ugaling mahahalay.
Ang Karunungan at ang Kahangalan
9 Gumawa na ng tahanan itong karunungan,
na itinayo niya sa pitong patibayan.
2 Nagpatay siya ng hayop, nagtimpla ng inumin,
ang mesa ay inihanda, punung-puno ng pagkain.
3 Katulong ay isinugo sa gitna nitong bayan,
upang lahat ay abutin ng ganitong panawagan:
4 “Ang kulang sa kaalaman, dito ngayon ay lumapit.”
Sa mga mangmang ay ganito ang sinambit:
5 “Halikayo't inyong kainin ang pagkain ko,
at tunggain ang inuming inilaan ko sa inyo.
6 Lisanin ang kamangmangan upang kayo ay mabuhay,
at ang landas ng unawa ang tahakin at daanan.”
7 Ang pumupuna sa mapangutya ay nag-aani ng pagdusta,
ang nagtutuwid sa masama'y nagkakamit ng alipusta.
8 Punahin mo ang mapangutya at magagalit pa sa iyo,
ngunit payuhan mo ang matalino at iibigin ka nito.
9 Matalino'y turuan mo't lalo siyang tatalino,
ang matuwid ay aralan, lalago ang dunong nito.
10 Ang(A) paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan,
ang pagkilala sa Banal na Diyos ay may dulot na kaalaman.
11 Sa pamamagitan ko, hahaba ang iyong mga araw,
dahil sa akin, lalawig ang iyong buhay.
12 Kung mayroon kang karunungan, mayroon kang pakinabang,
ngunit ika'y magdurusa kapag siya'y tinanggihan.
13 Ang nakakatulad nitong taong mangmang,
babaing magaslaw at walang kahihiyan.
14 Lagi siyang naroon sa pinto ng kanyang bahay,
o sa lantad na bahagi ng lansangan nitong bayan.
15 Bawat taong nagdaraan na kanyang masulyapan,
ay pilit na tatawagin at kanyang aanyayahan,
16 “Lapit dito, kayong lahat na kulang sa kaalaman!”
Kanya namang sinasabi sa mga mangmang,
17 “Tubig na ninakaw ay ubod ng tamis,
tinapay na nakaw, masarap na labis.”
18 Hindi alam ng biktimang wakas niyo'y kamatayan,
at lahat ng pumasok doo'y naroon na sa libingan.
Ang mga Kawikaan ni Solomon
Ang mga kawikaan ni Solomon:
Si Cristo ang Ating Tagapagtanggol
2 Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo upang huwag kayong magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapagtanggol tayo sa Ama, si Jesu-Cristo, ang matuwid. 2 Si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, hindi lamang ang ating mga kasalanan, kundi maging ang kasalanan ng lahat ng tao.
3 Nakakatiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. 4 Ang nagsasabing, “Nakikilala ko siya,” ngunit hindi naman sumusunod sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan. 5 Ngunit ang tumutupad sa salita ng Diyos ay umiibig nang wagas sa Diyos.[a] Sa ganito, nalalaman natin na tayo'y talagang nasa kanya. 6 Sinumang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay dapat mamuhay tulad ng pamumuhay ni Jesu-Cristo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.