Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 18:1-10

Ipinangako ang Pagsilang ni Isaac

18 Nagpakita si Yahweh kay Abraham sa may tabi ng mga sagradong puno ni Mamre. Noo'y kainitan ng araw at nakaupo siya sa pintuan ng kanyang tolda. Walang(A) anu-ano'y may nakita siyang tatlong lalaking nakatayo sa di kalayuan. Patakbo niyang sinalubong ang mga ito, at sa kanila'y yumuko nang halos sayad sa lupa ang mukha, at sinabi, “Mga ginoo, kung inyong mamarapatin, tumuloy po muna kayo sa amin. Magpahinga muna kayo rito sa lilim ng puno, at ikukuha ko kayo ng tubig na panghugas sa inyong mga paa. Ipaghahanda ko na rin kayo ng makakain para lumakas kayo bago kayo maglakbay. Ikinagagalak ko kayong paglingkuran habang naririto kayo sa amin.”

Sila'y tumugon, “Salamat, ikaw ang masusunod.”

Dali-daling pumasok sa tolda si Abraham at sinabi kay Sara, “Dali, kumuha ka ng tatlong takal ng magandang harina, at gumawa ka ng tinapay.” Pumili naman si Abraham ng isang matabang guya mula sa kawan, at ipinaluto kaagad sa isang alipin. Kumuha rin siya ng keso at gatas, kasama ang nilutong karne, at inihain sa mga panauhin. Hindi siya lumalayo sa tabi ng mga panauhin habang kumakain ang mga ito.

Tinanong nila si Abraham, “Nasaan ang asawa mong si Sara?”

“Naroon po sa tolda,” sagot naman niya.

10 Sinabi(B) ng isa sa mga panauhin, “Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at pagbalik ko'y may anak na siya.”

Noon ay kasalukuyang nakikinig si Sara sa may pintuan ng tolda sa likuran ng panauhin.

Mga Awit 15

Ang Hinihiling ng Diyos

Awit ni David.

15 O Yahweh, sino kayang makakapasok sa iyong Templo?
    Sinong karapat-dapat sumamba sa iyong burol na sagrado?

Ang taong masunurin sa iyo sa lahat ng bagay,
    at laging gumagawa ayon sa katuwiran,
mga salita'y bukal sa loob at pawang katotohanan,
    at ang kapwa'y hindi niya sisiraan.
Di siya gumagawa ng masama sa kanyang kaibigan,
    tungkol sa kapwa'y di nagkakalat ng kasinungalingan.
Ang itinakwil ng Diyos ay di niya pinapakisamahan,
    mga may takot kay Yahweh, kanyang pinaparangalan.
Sa pangakong binitiwan, siya'y laging tapat,
    anuman ang mangyari, salita'y tinutupad.
Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pinautang,
    di nasusuhulan para ipahamak ang walang kasalanan.

Ang ganitong tao'y di matitinag kailanman.

Colosas 1:15-28

Ang Likas at Gawain ni Cristo

15 Si(A) Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. Siya ang panganay na anak at pangunahin sa lahat ng mga nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga espirituwal na kapangyarihan, paghahari, pamamahala, at pamumuno. Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. 17 Siya ang una sa lahat, at ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan niya. 18 Siya(B) ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pasimula, siya ang panganay na binuhay mula sa kamatayan, upang siya'y maging pangunahin sa lahat. 19 Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak, 20 at(C) sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa ay ipagkasundo sa kanya. Nakamtan ang kapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak na inialay sa krus.[a]

21 Dati, kayo'y malayo sa Diyos at naging kaaway niya dahil sa inyong paggawa at pag-iisip ng masasama. 22 Ngunit naging tao ang Anak ng Diyos at sa pamamagitan ng kanyang pagkamatay ay ipinagkasundo kayo sa Diyos. Nang sa gayon ay maiharap niya kayong banal, walang kapintasan at walang dungis. 23 Subalit kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya at huwag pabayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na inyong narinig. Niloob ng Diyos na akong si Pablo ay maging lingkod para sa Magandang Balitang ito na ipinangaral sa lahat ng tao sa buong daigdig.

Si Pablo'y Naglingkod sa Iglesya

24 Nagagalak ako sa aking paghihirap alang-alang sa inyo, sapagkat sa pamamagitan nito'y naipagpapatuloy ko ang paghihirap na kailangan pang gawin ni Cristo para sa iglesya na kanyang katawan. 25 Ako'y naging lingkod nito nang piliin ako ng Diyos upang ipahayag sa inyo ang kanyang salita, 26 ang hiwaga na sa mahabang panahon ay inilihim sa maraming sali't saling lahi, ngunit ngayo'y inihayag na sa kanyang mga hinirang. 27 Niloob ng Diyos na ihayag sa kanila kung gaano kadakila ang kamangha-manghang hiwagang ito para sa mga Hentil na walang iba kundi si Cristo na nasa inyo. Siya ang ating pag-asa na tayo'y makakabahagi sa kaluwalhatian ng Diyos. 28 Iyan ang dahilan kung bakit ipinapangaral namin si Cristo. Ang lahat ay aming binabalaan at tinuturuan nang may buong kaalaman upang maiharap namin sa Diyos ang bawat isa nang ganap at walang kapintasan dahil sa kanilang pakikipag-isa kay Cristo.

Lucas 10:38-42

Dumalaw si Jesus kina Martha at Maria

38 Si(A) Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpatuloy sa kanilang paglalakbay, at pumasok sa isang nayon. Malugod silang tinanggap sa tahanan ni Martha. 39 May kapatid siyang si Maria na naupo sa may paanan ng Panginoon upang makinig sa kanyang itinuturo. 40 Si Martha naman ay abalang-abala sa paghahanda, kaya't lumapit siya kay Jesus at nagsabi, “Panginoon, balewala po ba sa inyo na pinababayaan ako ng kapatid kong maghanda nang nag-iisa? Sabihan nga po ninyo siyang tulungan naman ako.”

41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, 42 ngunit iisa lamang ang kailangan.[a] Pinili ni Maria ang mabuti at ito'y hindi aalisin sa kanya.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.