Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 88

Isang Awit. Awit ng mga Anak ni Kora. Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Mahalath Leannoth. Maskil ni Heman na Ezrahita.

88 O Panginoon, Diyos ng aking kaligtasan,
    ako'y dumaing araw at gabi sa harap mo.
Paratingin mo nawa ang aking panalangin sa harapan mo,
    ang iyong pandinig sa aking daing ay ikiling mo!

Sapagkat ang aking kaluluwa ay punô ng mga kaguluhan,
    at papalapit sa Sheol ang aking buhay.
Ako'y ibinilang sa kanila na bumababa sa Hukay;
ako'y taong walang lakas,
gaya ng pinabayaan sa gitna ng mga patay,
    gaya ng pinatay na nakahiga sa libingan,
gaya ng mga hindi mo na inaalala,
    sapagkat sila'y inihiwalay sa iyong kamay.
Inilagay mo ako sa pinakamalalim na Hukay,
    sa madidilim na dako at kalaliman.
Ang iyong poot ay mabigat na sa akin ay nakapatong,
    at iyong sinaktan ako ng lahat mong mga alon. (Selah)

Pinalayo mo sa akin ang aking mga kasamahan;
    ginawa mo akong isang bagay na kanilang katatakutan.
Ako'y nakakulong upang ako'y hindi makatakas;
    dahil sa kalungkutan ay lumabo ang mata ko,
O Panginoon, araw-araw ay tumatawag ako sa iyo,
    aking iniabot sa iyo ang mga kamay ko.
10 Gagawa ka ba ng mga kababalaghan para sa mga patay?
    Ang mga patay ba ay babangon upang purihin ka? (Selah)

11 Ang iyo bang tapat na pag-ibig ay ipahahayag sa libingan,
    o sa Abadon ang iyong katapatan?
12 Ang iyo bang mga kababalaghan ay malalaman sa kadiliman,
    o ang iyong katuwiran sa lupain ng pagkalimot?

13 O Panginoon, ako sa iyo'y dumaraing,
    sa umaga'y dumarating sa harapan mo ang aking panalangin.
14 O Panginoon, bakit mo itinatakuwil ang aking kaluluwa?
    Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha sa akin?
15 Pinahihirapan at malapit sa kamatayan mula sa aking kabataan,
    tiniis ko ang pagkatakot sa iyo, wala akong kakayahan.
16 Ang iyong mabangis na poot ay dumaan sa akin,
    winasak ako ng iyong mga kakilakilabot na bagay.
17 Kanilang pinaligiran ako na gaya ng tubig sa buong araw;
    kinubkob nila akong magkakasama.
18 Inalis mo sa akin ang aking mangingibig at kaibigan,
    ang aking mga kasamahan ay nasa kadiliman.

2 Mga Hari 20:1-11

Nagkasakit at Gumaling si Haring Hezekias(A)

20 Nang mga araw na iyon, nagkasakit si Hezekias at malapit nang mamatay. Si propeta Isaias na anak ni Amos ay pumaroon sa kanya, at sinabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Ayusin mo ang iyong sambahayan; sapagkat ikaw ay mamamatay na, hindi ka na mabubuhay.’”

Nang magkagayo'y iniharap ni Hezekias ang kanyang mukha sa dingding at nanalangin sa Panginoon na sinasabi,

“Alalahanin mo ngayon, O Panginoon, idinadalangin ko sa iyo, kung paanong ako'y lumakad sa harapan mo sa katapatan, at nang buong puso at gumawa ng mabuti sa iyong paningin.” At si Hezekias ay umiyak nang mapait.

At bago nakalabas si Isaias sa gitnang bulwagan, dumating ang salita ng Panginoon sa kanya na sinasabi,

“Bumalik ka, at sabihin mo kay Hezekias na pinuno ng aking bayan, Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ni David na iyong ninuno: Narinig ko ang iyong panalangin, nakita ko ang iyong mga luha; pagagalingin kita. Sa ikatlong araw ay aakyat ka sa bahay ng Panginoon.

Dadagdagan ko ng labinlimang taon ang iyong buhay. Ililigtas ko ikaw at ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria at aking ipagtatanggol ang lunsod na ito alang-alang sa akin at sa aking lingkod na si David.”

At sinabi ni Isaias, “Magdala kayo ng binilong igos at itapal ito sa bukol upang siya'y gumaling.”

Sinabi ni Hezekias kay Isaias, “Ano ang magiging tanda na ako'y pagagalingin ng Panginoon, at ako'y aakyat sa bahay ng Panginoon sa ikatlong araw?”

At sinabi ni Isaias, “Ito ang tanda sa iyo mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na kanyang ipinangako: susulong ba ang anino ng sampung hakbang, o babalik ng sampung hakbang?”

10 Sumagot si Hezekias, “Isang madaling bagay sa anino na pasulungin ng sampung hakbang; sa halip, pabalikin ang anino ng sampung hakbang.”

11 Si Isaias na propeta ay nanalangin sa Panginoon; at kanyang pinabalik ang anino ng sampung hakbang, na nakababa na sa orasang-araw ni Ahaz.

Marcos 9:14-29

Pinagaling ni Jesus ang Batang Inaalihan ng Masamang Espiritu(A)

14 Nang dumating sila sa mga alagad, nakita nilang napakaraming tao sa kanilang paligid at ang mga eskriba na nakikipagtalo sa kanila.

15 Nang makita siya ng maraming tao, agad silang namangha at tumakbo upang batiin siya.

16 Sila'y kanyang tinanong, “Ano ang ipinakikipagtalo ninyo sa kanila?”

17 At isa sa maraming tao ay sumagot sa kanya, “Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na lalaki na may isang piping espiritu.

18 Tuwing siya'y aalihan nito, ibinubuwal siya, nagbububula ang kanyang bibig, nagngangalit ang kanyang mga ngipin at siya'y naninigas. Sinabi ko sa iyong mga alagad na palayasin iyon ngunit hindi nila magawa.”

19 Sumagot siya at sinabi sa kanila, “Kayong lahing walang pananampalataya, hanggang kailan pa ako makikisama sa inyo? Hanggang kailan pa ako magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya sa akin.”

20 At dinala nila ang batang lalaki sa kanya. Nang makita siya ng espiritu, agad nitong pinangisay ang bata at siya'y nalugmok sa lupa, at nagpagulung-gulong na bumubula ang bibig.

21 Tinanong ni Jesus[a] ang ama, “Gaano katagal nang nangyayari ito sa kanya?” Sinabi niya, “Mula pa sa pagkabata.

22 Madalas na siya'y inihahagis nito sa apoy at sa tubig upang siya'y puksain, ngunit kung mayroon kang bagay na magagawa, maawa ka sa amin at tulungan mo kami.”

23 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung kaya mo! Ang lahat ng bagay ay maaaring mangyari sa kanya na nananampalataya.”

24 Agad sumigaw ang ama ng bata na sinasabi, “Nananampalataya ako; tulungan mo ang kawalan ko ng pananampalataya!”

25 At nang makita ni Jesus na dumarating na sama-samang tumatakbo ang maraming tao, sinaway niya ang masamang espiritu, na sinasabi, “Ikaw na pipi at binging espiritu, iniuutos ko sa iyo, lumabas ka sa kanya at huwag ka nang papasok muli sa kanya.”

26 Pagkatapos magsisigaw at lubhang pangisayin ang bata, lumabas ito at ang bata'y naging anyong patay, kaya't marami ang nagsabing siya'y patay na.

27 Ngunit hinawakan siya ni Jesus sa kamay, at siya'y ibinangon at nagawa niyang tumayo.

28 Nang pumasok siya sa bahay, palihim na tinanong siya ng kanyang mga alagad, “Bakit hindi namin iyon napalayas?”

29 Sinabi niya sa kanila, “Ang ganitong uri ay napapalayas lamang sa pamamagitan ng panalangin.”[b]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001