Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 52

Ang Paghuhukom at Biyaya ng Diyos

Sa Punong Mang-aawit. Maskil ni David, nang dumating at magsaysay kay Saul si Doeg na Edomita at magsabi sa kanya, “Si David ay naparoon sa bahay ni Ahimelec.”

52 Bakit ka naghahambog, O makapangyarihang tao?
    Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sa buong araw.
    Sa buong araw
    ang dila mo'y nagbabalak ng pagkawasak.
Ang dila mo'y gaya ng matalas na labaha,
    ikaw na gumagawa ng kataksilan.
Iniibig mo ang kasamaan ng higit kaysa kabutihan;
    at ang pagsisinungaling kaysa pagsasalita ng katotohanan. (Selah)
Iniibig mo ang lahat ng mga nananakmal na salita,
    O ikaw na mandarayang dila.

Ngunit ilulugmok ka ng Diyos magpakailanman,
    aagawin at hahatakin ka niya mula sa iyong tolda,
    at bubunutin ka niya sa lupain ng mga buháy. (Selah)
Makikita ng matuwid, at matatakot,
    at pagtatawanan siya, na nagsasabi,
“Pagmasdan ninyo ang tao na hindi niya ginawang kanlungan ang Diyos;
kundi nagtiwala sa kasaganaan ng kanyang mga kayamanan,
    at nagpakalakas sa kanyang nasa.”

Ngunit ako'y gaya ng sariwang punungkahoy ng olibo
    sa bahay ng Diyos.
Nagtitiwala ako sa tapat na pag-ibig ng Diyos
    magpakailanpaman.
Ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman,
    sapagkat iyon ay iyong ginawa.
At ako'y maghihintay sa iyong pangalan sapagkat ito'y mabuti,
    sa harapan ng mga banal.

Jeremias 21:11-14

Ang Juda ay Binabalaan tungkol sa Paghatol nang Hindi Matuwid

11 “At sabihin mo sa sambahayan ng hari ng Juda, ‘Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon.

12 O sambahayan ni David! Ganito ang sabi ng Panginoon,

“‘Maggawad ka ng katarungan sa bawat umaga,
    at iligtas mo ang nanakawan mula sa kamay ng mapang-api,
upang ang aking poot ay hindi lumabas na parang apoy,
    at susunog na walang makakapatay,
    dahil sa inyong masasamang gawa!’”

13 “Narito, ako'y laban sa iyo, O naninirahan sa libis,
    O bato ng kapatagan, sabi ng Panginoon;
kayong nagsasabi, ‘Sinong bababang laban sa atin?
    o sinong papasok sa ating mga tirahan?’
14 Ngunit parurusahan ko kayo ayon sa bunga ng inyong mga gawa, sabi ng Panginoon;
    ako'y magpapaningas ng apoy sa kanyang gubat,
    at lalamunin nito ang lahat ng nasa kanyang palibot.”

Apocalipsis 21:22-22:5

22 At hindi ako nakakita ng templo roon, sapagkat ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero ang siyang templo roon.

23 At(A) ang lunsod ay hindi nangangailangan ng araw, o ng buwan man, upang magbigay-liwanag sa kanya, sapagkat ang liwanag niya ay ang kaluwalhatian ng Diyos, at ang ilaw doon ay ang Kordero.

24 Ang(B) mga bansa ay lalakad sa pamamagitan ng liwanag nito; at ang mga hari sa lupa ay magdadala ng kanilang karangalan sa kanya.

25 At(C) ang mga pintuan niyon ay hindi isasara kailanman sa araw; sapagkat hindi magkakaroon doon ng gabi.

26 Dadalhin nila sa loob niyon ang karangalan at kapurihan ng mga bansa;

27 at(D) hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi, o ang sinumang gumagawa ng karumaldumal o ng kasinungalingan, kundi sila lamang na nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero.

Ang Ilog ng Buhay

22 At(E) ipinakita sa akin ng anghel[a] ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng kristal, na lumalabas mula sa trono ng Diyos at ng Kordero

sa(F) gitna ng lansangan ng lunsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay naroon ang punungkahoy ng buhay, na namumunga ng labindalawang iba't ibang bunga, na namumunga sa bawat buwan; at ang mga dahon ng punungkahoy ay para sa pagpapagaling sa mga bansa.

At(G) hindi na roon magkakaroon pa ng isinumpa. Ngunit ang trono ng Diyos at ng Kordero ay matatagpuan doon, at siya'y paglilingkuran ng kanyang mga alipin;

at makikita nila ang kanyang mukha at ang kanyang pangalan ay masusulat sa kanilang mga noo.

Hindi(H) na magkakaroon pa ng gabi, at sila'y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magbibigay-liwanag sa kanila, at sila'y maghahari magpakailanpaman.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001