Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 30

Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.

30 Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,
    at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.
O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,
    at ako ay pinagaling mo.
O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,
iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.
Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
    at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.
Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,
    at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.
Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,
    ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.

Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,
    “Hindi ako matitinag kailanman.”
Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,
    ginawa mong matibay ang aking bundok;
ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.

Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
    at sa Panginoon ay nanawagan ako:
“Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,
    kung ako'y bumaba sa Hukay?
Pupurihin ka ba ng alabok?
    Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?
10 O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!
     Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”

11 Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;
    hinubad mo ang aking damit-sako,
    at binigkisan mo ako ng kagalakan,
12 upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.
    O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.

Mga Panaghoy 2:1-12

Ang Pagpaparusa ng Panginoon sa Jerusalem

Tingnan mo kung paanong sa kanyang galit
    ay tinakpan ng Panginoon ng ulap ang anak na babae ng Zion!
Kanyang inihagis sa lupa mula sa langit
    ang karilagan ng Israel,
hindi niya inalala ang kanyang tuntungan ng paa
    sa araw ng galit niya.

Nilamon ng Panginoon, hindi siya nagpatawad
    sa lahat ng tahanan ng Jacob.
Sa kanyang poot ay ibinagsak niya
    ang mga muog ng anak na babae ng Juda;
kanyang inilugmok sa lupa na walang karangalan
    ang kanyang kaharian at ang mga prinsipe nito.

Kanyang pinutol sa matinding galit
    ang lahat ng kapangyarihan ng Israel;
iniurong niya sa kanila ang kanyang kanang kamay
    sa harapan ng kaaway;
siya'y nag-alab na gaya ng nag-aalab na apoy sa Jacob,
    na tumutupok sa buong paligid.

Iniakma niya ang kanyang pana na parang kaaway,
    na ang kanyang kanang kamay ay nakaakma na parang kalaban,
at pinatay ang lahat ng kaaya-aya sa mata;
    sa tolda ng anak na babae ng Zion;
ibinuhos niya ang kanyang matinding galit na parang apoy.

Ang Panginoon ay naging parang kaaway,
    kanyang nilamon ang Israel;
nilamon niya ang lahat nitong mga palasyo,
    kanyang giniba ang mga muog nito.
At kanyang pinarami sa anak na babae ng Juda
    ang panangis at panaghoy.

Ginawan niya ng karahasan ang kanyang tabernakulo na gaya ng isang halamanan;
    kanyang sinira ang kanyang takdang pulungang lugar;
ipinalimot ng Panginoon sa Zion
    ang takdang kapistahan at Sabbath,
at sa kanyang matinding galit ay itinakuwil
    ang hari at ang pari.

Itinakuwil ng Panginoon ang kanyang dambana,
    kanyang iniwan ang kanyang santuwaryo.
Kanyang ibinigay sa kamay ng kaaway
    ang mga pader ng kanyang mga palasyo;
isang sigawan ang naganap sa bahay ng Panginoon,
    na gaya nang sa araw ng takdang kapistahan.

Ipinasiya ng Panginoon na gibain
    ang pader ng anak na babae ng Zion;
tinandaan niya ito ng guhit,
    hindi niya iniurong ang kanyang kamay sa paggiba:
kanyang pinapanaghoy ang muog at ang kuta;
    sila'y sama-samang manghihina.

Ang kanyang mga pintuan ay bumaon sa lupa;
    kanyang giniba at sinira ang kanyang mga halang;
ang kanyang hari at mga prinsipe ay kasama ng mga bansa;
    wala nang kautusan,
at ang kanyang mga propeta ay hindi na tumatanggap
    ng pangitain mula sa Panginoon.

10 Ang matatanda ng anak na babae ng Zion
    ay tahimik na nakaupo sa lupa.
Sila'y nagsabog ng alabok sa kanilang mga ulo;
    at nagsuot ng damit-sako;
itinungo ng mga dalaga sa Jerusalem
    ang kanilang mga ulo sa lupa.

11 Ang aking mga mata ay namumugto sa kaiiyak;
    ang aking kaluluwa ay naguguluhan;
ang aking puso ay ibinuhos sa lupa
    dahil sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan,
    sapagkat ang mga bata at mga pasusuhin ay nanghihina sa mga lansangan ng lunsod.

12 Sila'y nag-iiyakan sa kanilang mga ina,
    “Nasaan ang tinapay at alak?”
habang sila'y nanghihina na gaya ng taong sugatan
    sa mga lansangan ng bayan,
habang ang kanilang buhay ay ibinubuhos
    sa kandungan ng kanilang mga ina.

2 Corinto 8:1-7

Tungkol sa Pagbibigay

Ngayon,(A) nais naming malaman ninyo, mga kapatid, ang biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa mga iglesya ng Macedonia;

kung paanong sa matinding pagsubok ng kapighatian, ang kasaganaan ng kanilang kagalakan at ang kanilang labis na kahirapan ay sumagana sa kayamanan ng kanilang kagandahang-loob.

Ako ay makapagpapatunay na sila ay kusang-loob na nagbigay ayon sa kanilang kakayahan, at higit pa sa kanilang makakaya,

na nakikiusap sa amin nang matindi tungkol sa biyaya na makibahagi sa paglilingkod sa mga banal.

At ito ay hindi tulad sa aming inaasahan, kundi ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos.

Anupa't kami ay nakiusap kay Tito na yamang siya'y nagpasimula ay dapat din niyang tapusin sa inyo ang biyayang ito.

Ngunit, yamang kayo'y sumasagana sa lahat ng mga bagay, sa pananampalataya, sa pananalita, sa kaalaman, sa buong kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin, sikapin din ninyo na kayo ay sumagana sa biyayang ito.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001