Revised Common Lectionary (Complementary)
22 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: “Ako mismo ay kukuha ng suwi mula sa dulo ng mataas na sedro at aking itatanim. Sa pinakamataas ng kanyang sariwang sanga ay puputol ako ng supling, at aking itatanim sa isang mataas at matayog na bundok.
23 Sa kaitaasan ng bundok ng Israel ay aking itatanim iyon, upang ito'y magsanga at magbunga, at maging mainam na sedro, at sa lilim niyon ay tatahan ang lahat ng uri ng hayop, at sa lilim ng mga sanga niyon ay magpupugad ang lahat ng uri ng ibon.
24 At malalaman ng lahat ng punungkahoy sa parang na akong Panginoon ang nagbaba sa mataas na punungkahoy, nagtaas sa mababang punungkahoy, tumuyo sa sariwang punungkahoy, at nagpanariwa sa tuyong punungkahoy: Akong Panginoon ang nagsalita at gagawa niyon.”
Isang Awit para sa Sabbath.
92 Mabuti ang magpasalamat sa Panginoon,
ang umawit ng mga papuri sa iyong pangalan, O Kataas-taasan,
2 ang magpahayag sa umaga ng iyong tapat na pagsuyo,
at sa gabi ng katapatan mo,
3 sa tugtugin ng panugtog na may sampung kawad at ng alpa,
at sa matunog na himig ng lira.
4 Sapagkat ikaw, Panginoon, pinasaya mo ako ng iyong gawa;
sa mga gawa ng iyong mga kamay ay aawit ako sa kagalakan.
12 Ang matuwid ay umuunlad na parang puno ng palma,
at lumalagong gaya ng sedro sa Lebanon.
13 Sila'y nakatanim sa bahay ng Panginoon,
sila'y lumalago sa mga bulwagan ng aming Diyos.
14 Sila'y namumunga pa rin sa katandaan;
sila'y laging puno ng dagta at kasariwaan,
15 upang ipakilala na ang Panginoon ay matuwid;
siya'y aking malaking bato, at walang kasamaan sa kanya.
6 Kaya't kami'y laging nagtitiwala, bagaman nalalaman namin na samantalang kami ay nasa tahanan sa katawan, kami ay malayo sa Panginoon.
7 Sapagkat kami ay lumalakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.
8 Kaya't kami ay nagtitiwala at nasisiyahan na mapalayo sa katawan at mapasa tahanan na kasama ng Panginoon.
9 Kaya't maging nasa tahanan o malayo sa tahanan, ang aming mithiin ay ang bigyan siya ng kasiyahan.
10 Sapagkat(A) tayong lahat ay kailangang humarap sa hukuman ni Cristo upang bawat isa ay tumanggap ng kabayaran sa mga bagay na ginawa niya sa pamamagitan ng katawan, maging mabuti o masama.
Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo
11 Yamang nalalaman ang takot sa Panginoon, hinihikayat namin ang mga tao, ngunit kami ay hayag sa Diyos; at ako'y umaasa na kami ay hayag din sa inyong mga budhi.
12 Hindi namin ipinagmamapuring muli ang aming sarili sa inyo, kundi binibigyan namin kayo ng pagkakataon na ipagmalaki kami, upang masagot ninyo ang mga nagmamalaki batay sa panlabas na kaanyuan at hindi sa puso.
13 Kung kami ay wala sa aming sarili, ito ay para sa Diyos; kung kami ay nasa matinong pag-iisip, ito ay para sa inyo.
14 Ang pag-ibig ni Cristo ang humihimok sa amin, sapagkat kami ay lubos na naniniwala na ang isa ay namatay para sa lahat; kaya't ang lahat ay namatay.
15 Siya'y namatay para sa lahat, upang ang mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kanya na alang-alang sa kanila ay namatay at muling nabuhay.
16 Kaya't mula ngayon ay hindi namin kinikilala ang sinuman ayon sa pananaw ng laman, bagaman kinikilala namin si Cristo ayon sa pananaw ng laman, ngunit ngayon ay hindi na gayon ang aming pagkakilala.
17 Kaya't kung ang sinuman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang; ang mga lumang bagay ay lumipas na, tingnan ninyo, ang lahat ay naging bago.
Ang Binhing Tumutubo
26 Sinabi niya, “Ang kaharian ng Diyos ay gaya ng isang taong naghahasik ng binhi sa lupa,
27 at natutulog at bumabangon siya sa gabi at araw. Sumisibol at lumalaki ang binhi na hindi niya nalalaman kung paano.
28 Ang lupa mismo ang nagpapasibol sa halaman,[a] una ang usbong, saka ang uhay, pagkatapos ay ang uhay na hitik sa butil.
29 Ngunit(A) kapag hinog na ang bunga, agad niyang kinukuha ang karit, sapagkat dumating na ang pag-aani.”
Ang Butil ng Mustasa(B)
30 Kanyang sinabi, “Sa ano natin maihahambing ang kaharian ng Diyos; o anong talinghaga ang gagamitin natin para dito?
31 Ito'y tulad sa butil ng binhi ng mustasa na kapag naihasik sa lupa, bagama't siyang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi na nasa lupa,
32 ngunit kapag ito'y naihasik ay tumutubo, nagiging mas malaki kaysa lahat ng mga halaman, at nagsasanga ng malalaki, anupa't ang mga ibon sa himpapawid ay nakakagawa ng mga pugad sa lilim nito.”
Ang mga Talinghaga ni Jesus
33 Sa pamamagitan ng gayong maraming talinghaga, sinabi niya sa kanila ang salita, ayon sa kakayahan nilang makinig.
34 At hindi siya nagsalita sa kanila maliban sa talinghaga ngunit sa kanyang sariling mga alagad ay sarilinan niyang ipinapaliwanag ang lahat ng mga bagay.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001