Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 92:1-4

Isang Awit para sa Sabbath.

92 Mabuti ang magpasalamat sa Panginoon,
    ang umawit ng mga papuri sa iyong pangalan, O Kataas-taasan,
ang magpahayag sa umaga ng iyong tapat na pagsuyo,
    at sa gabi ng katapatan mo,
sa tugtugin ng panugtog na may sampung kawad at ng alpa,
    at sa matunog na himig ng lira.
Sapagkat ikaw, Panginoon, pinasaya mo ako ng iyong gawa;
    sa mga gawa ng iyong mga kamay ay aawit ako sa kagalakan.

Mga Awit 92:12-15

12 Ang matuwid ay umuunlad na parang puno ng palma,
    at lumalagong gaya ng sedro sa Lebanon.
13 Sila'y nakatanim sa bahay ng Panginoon,
    sila'y lumalago sa mga bulwagan ng aming Diyos.
14 Sila'y namumunga pa rin sa katandaan;
    sila'y laging puno ng dagta at kasariwaan,
15 upang ipakilala na ang Panginoon ay matuwid;
    siya'y aking malaking bato, at walang kasamaan sa kanya.

1 Mga Hari 10:26-11:8

Ang mga Karwahe at mga Kabayo ni Solomon

26 Nagtipon(A) si Solomon ng mga karwahe at ng mga mangangabayo; siya'y may isang libo't apatnaraang karwahe at labindalawang libong mangangabayo na kanyang inilagay sa mga lunsod para sa mga karwahe, at mayroon ding kasama ng hari sa Jerusalem.

27 Ginawa(B) ng hari na karaniwan ang pilak sa Jerusalem na tulad ng bato, at ang mga sedro ay ginawa niyang kasindami ng mga puno ng sikomoro ng Shefela.

28 Ang(C) mga kabayo na pag-aari ni Solomon ay inangkat pa sa Ehipto at Kue; at ang mga mangangalakal ng hari ay bumibili ng mga iyon mula sa Kue sa takdang halaga.

29 Ang isang karwahe ay maaangkat sa Ehipto sa halagang animnaraang siklong pilak, at ang isang kabayo ay isandaan at limampu, at sa gayong paraan ay kanilang iniluwas sa lahat ng hari ng mga Heteo, at sa mga hari ng Siria.

Ang mga Pagkakasala ni Solomon

11 Si(D) Haring Solomon ay umibig sa maraming babaing banyaga: sa anak ni Faraon, sa mga babaing Moabita, Ammonita, Edomita, Sidonia, at Heteo;

mula(E) sa mga bansa na tungkol sa mga iyon ay sinabi ng Panginoon sa mga anak ni Israel, “Kayo'y huwag makihalubilo sa kanila, at sila man ay huwag makihalubilo sa inyo, sapagkat tiyak na kanilang ililigaw ang inyong puso sa pagsunod sa kanilang mga diyos.” Nahumaling si Solomon sa mga ito dahil sa pag-ibig.

Siya'y nagkaroon ng pitong daang asawa, mga prinsesa, at tatlong daang asawang-lingkod, at iniligaw ng kanyang mga asawa ang kanyang puso.

Sapagkat nang si Solomon ay matanda na, iniligaw ng kanyang mga asawa ang kanyang puso sa ibang mga diyos, at ang kanyang puso ay hindi naging lubos na tapat sa Panginoon niyang Diyos, gaya ng puso ni David na kanyang ama.

Sapagkat si Solomon ay sumunod kay Astarte, diyosa ng mga Sidonio, at kay Malcam, na karumaldumal ng mga Ammonita.

Sa gayon gumawa si Solomon ng masama sa paningin ng Panginoon, at hindi lubos na sumunod sa Panginoon, gaya ng ginawa ni David na kanyang ama.

Pagkatapos ay ipinagtayo ni Solomon ng mataas na dako si Cemos na karumaldumal ng Moab, sa bundok na nasa silangan ng Jerusalem at si Molec na kasuklamsuklam ng mga anak ni Ammon.

Gayon ang ginawa niya para sa lahat ng kanyang mga asawang banyaga, na nagsunog ng mga insenso at naghain sa kani-kanilang mga diyos.

Mga Hebreo 11:4-7

Ang Pananampalataya nina Abel, Enoc, at Noe

Sa(A) pananampalataya si Abel ay nag-alay sa Diyos ng higit na dakilang handog kaysa kay Cain. Sa pamamagitan nito siya'y pinuri bilang matuwid at ang Diyos ang nagpapatotoo sa pamamagitan ng pagtanggap sa kanyang mga kaloob. Patay na siya, gayunma'y nagsasalita pa sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.

Sa(B) pananampalataya si Enoc ay dinalang paitaas anupa't hindi na niya naranasan ang kamatayan. “Hindi na siya natagpuan, sapagkat siya'y kinuha ng Diyos.” Sapagkat bago siya dinalang paitaas, pinatotohanan na ang Diyos ay nalugod sa kanya.

At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos,[a] sapagkat ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang tagapagbigay-gantimpala sa mga masigasig na humahanap sa kanya.

Sa(C) pananampalataya si Noe, nang mabigyan ng Diyos ng babala tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, ay pinakinggan ang babala at gumawa ng isang daong para sa kaligtasan ng kanyang sambahayan. Sa pamamagitan nito ay hinatulan niya ang sanlibutan, at siya'y naging tagapagmana ng katuwirang ayon sa pananampalataya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001