Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.
65 Magkakaroon ng katahimikan sa harapan mo
at papuri sa Zion, O Diyos;
at sa iyo'y isasagawa ang mga panata,
2 O ikaw na dumirinig ng panalangin!
Sa iyo'y lalapit ang lahat ng laman.
3 Mga kasamaan ay nananaig laban sa akin,
tungkol sa aming mga kasalanan, ito ay pinapatawad mo.
4 Mapalad ang tao na iyong pinipili at pinalalapit
upang manirahan sa iyong mga bulwagan!
Kami ay masisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay,
ng iyong templong banal!
5 Sa pamamagitan ng mga gawaing kakilakilabot, sa katuwiran kami'y iyong sinasagot,
O Diyos ng aming kaligtasan;
ikaw na siyang tiwala ng lahat ng mga hangganan ng lupa,
at ng mga dagat na pinakamalayo.
6 Sa pamamagitan ng iyong lakas ay itinayo ang kabundukan,
palibhasa'y nabibigkisan ng kapangyarihan.
7 Ikaw ang nagpapatigil ng ugong ng mga karagatan,
ng ugong ng kanilang mga alon,
at ng pagkakaingay ng mga bayan.
8 Anupa't sila na naninirahan sa pinakamalayong hangganan ng lupa ay natatakot sa iyong mga tanda;
ang mga paglabas ng umaga at gabi ay pinasisigaw mo sa tuwa.
9 Ang lupa'y iyong dinadalaw at dinidiligan,
iyong pinayayamang mainam;
ang ilog ng Diyos ay punô ng tubig;
ang kanilang butil ay inihahanda mo,
sapagkat sa gayon inihanda mo ang lupa.
10 Dinidilig mo nang sagana ang mga tudling nito,
iyong pinapantay ang kanyang mga pilapil,
at pinalalambot ng ambon,
at pinagpapala ang paglago nito.
11 Pinuputungan mo ang taon ng iyong kasaganaan,
ang mga bakas ng iyong karwahe ay tumutulo ng katabaan.
12 Ang mga pastulan sa ilang ay umaapaw,
ang mga burol ay nabibigkisan ng kagalakan,
13 ang mga pastulan ay nabibihisan ng mga kawan;
ang mga libis ay natatakpan ng butil,
sila'y sumisigaw sa kagalakan, oo sila ay umaawit.
13 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumangon kang maaga sa kinaumagahan, at tumayo ka sa harap ng Faraon. Sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo: Payagan mong umalis ang aking bayan upang sila'y makasamba sa akin.
14 Sapagkat ngayo'y ibubuhos ko na ang lahat ng aking salot sa iyo, sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan upang iyong malaman na walang tulad ko sa buong daigdig.
15 Sapagkat ngayo'y maaari ko nang iunat ang aking kamay upang dalhan ka ng salot at ang iyong bayan, at nawala ka na sana sa lupa.
16 Subalit(A) dahil sa layuning ito ay binuhay kita, upang maipakita sa iyo ang aking kapangyarihan, at ang aking pangalan ay mahayag sa buong daigdig.
17 Nagmamalaki ka pa ba laban sa aking bayan, at ayaw mo silang paalisin?
18 Bukas, sa ganitong oras, ay magpapabagsak ako ng mabibigat na yelong ulan na kailanma'y hindi pa nangyari sa Ehipto mula nang araw na itatag ito hanggang ngayon.
19 Ngayon nga'y magsugo ka, ipasilong mo ang iyong mga hayop at lahat ng iyong pag-aari sa parang; bawat tao at hayop na maabutan sa parang at hindi maisilong ay babagsakan ng yelong ulan at mamamatay.’”
20 Ang bawat natakot sa salita ng Panginoon sa mga lingkod ni Faraon ay nagpauwi ng kanyang mga alipin at ng kanyang hayop sa mga bahay;
21 ngunit ang nagwalang bahala sa salita ng Panginoon ay pinabayaan ang kanyang mga alipin at ang kanyang kawan sa parang.
Ang Mabibigat na Yelong Ulan
22 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay paharap sa langit upang magkaroon ng yelong ulan sa buong lupain ng Ehipto na babagsak sa mga tao, sa mga hayop, at sa bawat mga halaman sa parang sa buong lupain ng Ehipto.”
23 Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang tungkod paharap sa langit, at ang Panginoon ay nagpadala ng kulog at yelong ulan, at may apoy na bumagsak sa lupa. At ang Panginoon ay nagpaulan ng yelo sa lupain ng Ehipto.
24 Sa(B) gayo'y nagkaroon ng yelong ulan at ng apoy na sumisiklab sa gitna ng yelong ulan, at ang gayong napakabigat na yelong ulan ay di nangyari kailanman sa buong lupain ng Ehipto mula nang maging bansa ito.
25 Binagsakan ng yelong ulan ang buong lupain ng Ehipto, ang lahat na nasa parang, maging tao at maging hayop, pati ang lahat ng halaman sa parang, at binali ang lahat ng punungkahoy.
26 Sa lupain lamang ng Goshen na kinaroroonan ng mga anak ni Israel hindi nagkaroon ng yelong ulan.
27 Ang Faraon ay nagsugo at ipinatawag sina Moises at Aaron at sinabi sa kanila, “Ako'y nagkasala sa pagkakataong ito; ang Panginoon ay matuwid samantalang ako at ang aking bayan ay masama.
28 Pakiusapan ninyo ang Panginoon, sapagkat nagkaroon na ng sapat na kulog at yelong ulan. Papayagan kong umalis na kayo at hindi na kayo mananatili pa.”
29 Sinabi ni Moises sa kanya, “Pagkalabas ko sa lunsod, aking iuunat ang aking mga kamay sa Panginoon; ang mga kulog ay titigil, at hindi na magkakaroon pa ng yelong ulan upang iyong malaman na ang daigdig ay sa Panginoon.
30 Ngunit tungkol sa iyo at sa iyong mga lingkod, alam ko na hindi pa kayo natatakot sa Panginoong Diyos.”
31 Ang lino at ang sebada ay nasira sapagkat ang sebada ay nag-uuhay na at ang lino ay namumulaklak na.
32 Subalit ang trigo at ang espelta ay hindi nasira sapagkat hindi pa tumutubo.
33 Kaya't si Moises ay lumabas sa lunsod mula sa Faraon, at iniunat ang kanyang mga kamay sa Panginoon. Ang mga kulog at ang yelong ulan ay tumigil at ang ulan ay hindi na bumuhos sa lupa.
34 Ngunit nang makita ng Faraon na ang ulan, ang yelong ulan at ang mga kulog ay tumigil, muli siyang nagkasala at nagmatigas ang kanyang puso, pati ang kanyang mga lingkod.
35 Ang puso ng Faraon ay nagmatigas at hindi niya pinayagang umalis ang bayan ng Israel; gaya ng sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Nagpatuloy ang Barko
39 Nang mag-umaga na, hindi nila napansin ang lupa, ngunit nababanaagan nila ang isang look na may baybayin, at sila'y nagbalak na maisadsad doon ang barko.
40 Inihulog nila ang mga angkla at kanilang iniwan iyon sa dagat samantalang kinakalag ang mga tali ng mga ugit. Nang maitaas na nila sa hangin ang layag sa unahan ay nagtungo sila sa baybayin.
41 Ngunit pagdating sa isang dako na pinagsasalubungan ng dalawang dagat, ay kanilang isinadsad ang barko at ang unahan ng barko ay hindi nakaalis at nanatiling hindi kumikilos, at ang hulihan ay winasak ng lakas ng mga alon.
42 Ang balak ng mga kawal ay pagpapatayin ang mga bilanggo upang ang sinuma'y hindi makalangoy at makatakas.
43 Sa pagnanais na iligtas si Pablo, pinigil sila ng senturion sa kanilang balak. Ipinag-utos niya na ang mga marunong lumangoy ay tumalon, at mauna na sa lupa;
44 at ang mga naiwan ay sumunod, ang ilan ay sa ibabaw ng mga kahoy, at ang iba ay sa bahagi ng barko. Sa gayon ang lahat ay ligtas na nakarating sa lupa.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001