Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 107:1-3

IKALIMANG AKLAT

107 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
    sapagkat magpakailanman ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili.
Sabihing gayon ng tinubos ng Panginoon,
    na kanyang tinubos mula sa kamay ng kaaway,
at tinipon mula sa mga lupain,
    mula sa silangan at mula sa kanluran,
    mula sa hilaga at mula sa timugan.

Mga Awit 107:23-32

23 Silang nagsisibaba sa dagat sa mga sasakyang-dagat,
    na nangangalakal sa tubig na malalawak;
24 nakita nila ang mga gawa ng Panginoon,
    ang kanyang kahanga-hangang mga gawa sa kalaliman.
25 Sapagkat siya'y nag-utos, at itinaas ang maunos na hangin,
    na nagpataas sa mga alon ng dagat.
26 Sila'y umakyat hanggang sa langit, sila'y nagsibaba sa mga kalaliman;
    ang kanilang kaluluwa ay natutunaw sa masama nilang kalagayan,
27 sila'y sumuray-suray at nagpagiray-giray na parang taong lasing,
    at ang kanilang karunungan ay nawala.
28 Nang magkagayo'y dumaing sila sa Panginoon sa kanilang kahirapan,
    at iniligtas niya sila sa kanilang kapighatian.
29 Kanyang pinatigil ang bagyo,
    anupa't ang mga alon ng dagat ay tumahimik.
30 Nang magkagayo'y natuwa sila sapagkat sila'y nagkaroon ng katahimikan,
    at dinala niya sila sa kanilang nais daungan.
31 Purihin nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
    at dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
32 Purihin nila siya sa kapulungan ng bayan,
    at purihin siya sa pagtitipon ng matatanda.

Job 29:1-20

Sinariwa ni Job ang Maliligaya Niyang Araw

29 At muling ipinagpatuloy ni Job ang kanyang pagsasalita, at nagsabi:

“O, ako sana'y tulad nang nakaraang mga buwan,
    gaya noong mga araw na ang Diyos ang sa akin ay nagbabantay,
nang sa ibabaw ng aking ulo ay sumisikat ang kanyang ilawan,
    at sa pamamagitan ng kanyang ilaw ay lumalakad ako sa kadiliman;
gaya noong ako'y namumukadkad pa,
    noong ang pakikipagkaibigan ng Diyos ay nasa aking tolda;
nang kasama ko pa ang Makapangyarihan sa lahat,
    nang nasa palibot ko ang aking mga anak;
noong ang aking mga hakbang ay naliligo sa gatas,
    at ang bato ay nagbubuhos para sa akin ng langis na tumatagas!
Noong ako'y lumabas sa pintuan ng bayan,
    noong ihanda ko ang aking upuan sa liwasan,
nakita ako ng mga kabataang lalaki, at sila'y umalis,
    at ang matatanda ay tumayo;
ang mga pinuno ay nagtimpi sa pagsasalita,
    at inilagay ang kanilang kamay sa bibig nila.
10 Ang tinig ng mga maharlika ay pinatahimik,
    nang sa ngalangala ng kanilang bibig, ang dila nila ay dumikit.
11 Nang marinig ng tainga, tinawag nito akong mapalad,
    at nang makita ito ng mata, iyon ay pumayag.
12 Sapagkat aking iniligtas ang dumaraing na dukha,
    maging sa mga ulila na walang tumutulong.
13 Ang basbas ng malapit nang mamamatay sa akin ay dumating,
    at ang puso ng babaing balo ay pinaawit ko sa kagalakan.
14 Ako'y nagbihis ng katuwiran, at ako'y dinamitan;
    parang isang balabal at isang turbante ang aking katarungan.
15 Sa bulag ako'y naging mga mata,
    at sa pilay ako'y naging mga paa.
16 Sa dukha ako'y naging isang ama,
    at siniyasat ko ang usapin niyaong hindi ko nakikilala.
17 Aking binali ang mga pangil ng masama,
    at ipinalaglag ko ang kanyang biktima sa mga ngipin niya.
18 Nang magkagayo'y sinabi ko, ‘Sa aking pugad ako mamamatay,
    at gaya ng buhangin aking pararamihin ang aking mga araw.
19 Kumalat hanggang sa tubig ang aking mga ugat,
    at may hamog sa aking sanga sa buong magdamag,
20 sariwa sa akin ang aking kaluwalhatian,
    at ang aking busog ay laging bago sa aking kamay!’

Mga Gawa 20:1-16

Nagtungo si Pablo sa Macedonia at Grecia

20 Pagkatapos na tumigil ang kaguluhan, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad at pagkatapos na mapangaralan sila ay nagpaalam sa kanila, at umalis patungo sa Macedonia.

Nang malakbay na niya ang mga lupaing ito, at mapalakas ang loob nila sa pamamagitan ng maraming salita ay nagtungo siya sa Grecia.

Doon ay nanatili siya ng tatlong buwan. Nang siya'y maglalakbay na patungong Siria, nagkaroon ng masamang balak ang mga Judio, kaya't ipinasiya niyang bumalik na dumaan sa Macedonia.

Siya'y sinamahan ni Sopatro na taga-Berea, na anak ni Pirro; ng mga taga-Tesalonica na sina Aristarco at Segundo, ni Gayo na taga-Derbe, at ni Timoteo, at ng taga-Asia na sina Tiquico at Trofimo.

Nauna ang mga ito at hinintay kami sa Troas,

ngunit naglakbay kami mula sa Filipos pagkaraan ng mga araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at sa loob ng limang araw ay dumating kami sa kanila sa Troas, kung saan kami tumigil ng pitong araw.

Ang Huling Dalaw ni Pablo sa Troas

Nang unang araw ng sanlinggo, nang kami ay nagtitipon upang magputul-putol ng tinapay, si Pablo ay nagsalita sa kanila; yamang nagbabalak siya na umalis kinabukasan, nagpatuloy siya sa pagsasalita hanggang hatinggabi.

Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtipunan namin.

At may isang binata na ang pangalan ay Eutico na nakaupo sa bintana. Nakatulog siya nang mahimbing samantalang si Pablo ay nagsasalita nang mahaba; at dahil natalo ng antok ay nahulog siya mula sa ikatlong palapag, at siya'y patay na binuhat.

10 Ngunit nanaog si Pablo, dumapa sa ibabaw niya, at siya'y niyakap na sinabi, “Huwag kayong mabahala sapagkat nasa kanya ang kanyang buhay.”

11 Nang si Pablo ay makapanhik na at makapagputul-putol na ng tinapay at makakain na, nakipag-usap siya sa kanila nang matagal hanggang sa sumikat ang araw, pagkatapos siya'y umalis na.

12 Kanilang dinalang buháy ang binata, at lubusan silang naaliw.

Mula sa Troas Patungo sa Mileto

13 Ngunit nang nauna kami sa barko, naglakbay kami patungo sa Asos, na mula roon ay binabalak naming isama si Pablo, sapagkat gayon ang kanyang ipinasiya, na binalak niyang sa lupa maglakbay.

14 Nang salubungin niya kami sa Asos, siya'y isinama namin, at nakarating kami sa Mitilene.

15 Sa paglalakbay namin mula roon, dumating kami nang sumunod na araw sa tapat ng Chios. Nang sumunod na araw ay tumawid kami patungong Samos, at nakarating kami sa Mileto nang sumunod na araw.

16 Ipinasiya ni Pablo na lampasan ang Efeso, upang huwag na siyang gumugol ng panahon sa Asia; sapagkat siya'y nagmamadali na makarating sa Jerusalem, kung maaari ay sa araw ng Pentecostes.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001