Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.
30 Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,
at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.
2 O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,
at ako ay pinagaling mo.
3 O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,
iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.
4 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.
5 Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,
at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.
Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,
ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.
6 Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,
“Hindi ako matitinag kailanman.”
7 Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,
ginawa mong matibay ang aking bundok;
ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.
8 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
at sa Panginoon ay nanawagan ako:
9 “Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,
kung ako'y bumaba sa Hukay?
Pupurihin ka ba ng alabok?
Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?
10 O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!
Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”
11 Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;
hinubad mo ang aking damit-sako,
at binigkisan mo ako ng kagalakan,
12 upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.
O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.
16 “Dahil sa mga bagay na ito ay umiiyak ako;
ang mga mata ko ay dinadaluyan ng luha;
sapagkat ang mang-aaliw na dapat magpanumbalik ng aking katapangan
ay malayo sa akin.
Ang mga anak ko ay mapanglaw,
sapagkat nagwagi ang kaaway.”
17 Iniunat ng Zion ang kanyang mga kamay;
ngunit walang umaliw sa kanya.
Nag-utos ang Panginoon laban sa Jacob,
na ang kanyang mga kalapit ang dapat maging mga kalaban niya;
ang Jerusalem ay naging maruming bagay sa gitna nila.
18 “Ang Panginoon ay matuwid;
sapagkat ako'y naghimagsik laban sa kanyang salita;
ngunit inyong pakinggan, ninyong lahat ng bayan,
ang aking paghihirap ay inyong masdan,
ang aking mga dalaga at mga binata
ay nasa pagkabihag.
19 “Tinawagan ko ang aking mga mangingibig,
ngunit dinaya nila ako;
ang aking mga pari at matatanda ay napahamak sa lunsod,
habang nagsisihanap sila ng pagkain
upang ang lakas nila'y panumbalikin.
20 “Masdan mo, O Panginoon; sapagkat ako'y nahahapis,
ang aking kaluluwa ay naguguluhan,
ang aking puso ay nagugulumihanan;
sapagkat ako'y lubhang naghimagsik.
Sa lansangan ang tabak ay pumapatay;
ito'y gaya ng kamatayan sa bahay.
21 “Nabalitaan nila na ako'y dumaraing;
walang sinumang umaliw sa akin;
narinig ng lahat ng aking mga kaaway ang aking kabagabagan;
sila'y natutuwa na iyong ginawa iyon.
Paratingin mo ang araw na iyong ipinahayag,
at sila'y magiging gaya ko.
22 “Dumating nawa ang lahat nilang kasamaan sa harapan mo;
at gawin mo sa kanila
ang gaya ng sa akin ay ginawa mo,
dahil sa lahat kong mga pagsuway;
sapagkat marami ang mga daing ko,
at nanghihina ang puso ko.”
Ang Kagalakan ni Pablo
2 Bigyan ninyo kami ng puwang sa inyong mga puso; hindi namin inapi ang sinuman, hindi namin sinira ang sinuman, hindi namin pinagsamantalahan ang sinuman.
3 Hindi ko sinasabi ito upang hatulan kayo, sapagkat sinabi ko na nang una pa na kayo'y nasa aming mga puso, upang mamatay at mabuhay na kasama ninyo.
4 Ako ay may malaking pagtitiwala sa inyo, ako ay may malaking pagmamapuri sa inyo, ako'y punô ng kaaliwan. Ako'y nag-uumapaw sa kagalakan sa lahat ng aming kapighatian.
5 Sapagkat(A) maging nang kami ay dumating sa Macedonia, ang aming mga katawan ay hindi nagkaroon ng kapahingahan, kundi pinipighati sa bawat paraan—sa labas ay labanan, sa loob ay takot.
6 Subalit ang Diyos na umaaliw sa nalulungkot ay nagpasigla sa amin sa pamamagitan ng pagdating ni Tito,
7 at hindi lamang sa pamamagitan ng kanyang pagdating, kundi maging sa kaaliwang ibinigay ninyo sa kanya, na ibinabalita niya sa amin ang inyong pananabik, ang inyong kapanglawan, ang inyong sigasig para sa akin, anupa't ako'y lalo pang nagalak.
8 Sapagkat bagaman pinalungkot ko kayo sa pamamagitan ng aking sulat, hindi ko ito ipinagdaramdam: (bagama't aking dinamdam, sapagkat aking nalaman na ang sulat na ito ay nakapagpalungkot sa inyo, bagama't sa maikling panahon lamang).
9 Ngayon, ako'y nagagalak hindi sapagkat kayo'y nalungkot, kundi sapagkat kayo'y nalungkot tungo sa pagsisisi, sapagkat kayo'y pinalumbay nang naaayon sa Diyos, upang kayo'y huwag magdusa ng kalugihan sa pamamagitan namin.
10 Sapagkat ang kalungkutang naaayon sa Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi tungo sa kaligtasan na hindi ipagdaramdam, subalit ang makasanlibutang kalungkutan ay nagbubunga ng kamatayan.
11 Sapagkat tingnan ninyo ang ibinunga sa inyo ng kalungkutang ito na naaayon sa Diyos, kung anong pagtatanggol sa inyong mga sarili, kung anong pagkagalit, kung anong takot, pananabik, sigasig, at kaparusahan! Sa bawat bagay ay pinatunayan ninyo ang inyong pagiging malinis sa bagay na ito.
12 Kaya't bagaman ako ay sumulat sa inyo, ito ay hindi dahil doon sa gumawa ng kamalian, o dahil doon sa ginawan ng kamalian, kundi upang ang inyong pagmamalasakit para sa amin ay mahayag sa inyo sa paningin ng Diyos.
13 Kaya't kami'y naaliw. At sa aming kaaliwan ay lalo pa kaming nagalak dahil sa kagalakan ni Tito, sapagkat ang kanyang espiritu ay pinayapa ninyong lahat.
14 Sapagkat kung ako ay nagpahayag sa kanya ng anumang pagmamalaki sa inyo, ay hindi ako nalagay sa kahihiyan; subalit kung paanong ang lahat ng aming sinabi ay totoo, kaya't ang aming pagmamalaki sa harap ni Tito ay napapatunayang totoo.
15 At ang damdamin niya ay lalo pang sumagana para sa inyo, na kanyang naaalala ang pagtalima ninyong lahat, at kung paanong tinanggap ninyo siya na may takot at panginginig.
16 Ako'y nagagalak sapagkat ako'y mayroong buong pagtitiwala sa inyo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001