Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 52

Ang Paghuhukom at Biyaya ng Diyos

Sa Punong Mang-aawit. Maskil ni David, nang dumating at magsaysay kay Saul si Doeg na Edomita at magsabi sa kanya, “Si David ay naparoon sa bahay ni Ahimelec.”

52 Bakit ka naghahambog, O makapangyarihang tao?
    Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sa buong araw.
    Sa buong araw
    ang dila mo'y nagbabalak ng pagkawasak.
Ang dila mo'y gaya ng matalas na labaha,
    ikaw na gumagawa ng kataksilan.
Iniibig mo ang kasamaan ng higit kaysa kabutihan;
    at ang pagsisinungaling kaysa pagsasalita ng katotohanan. (Selah)
Iniibig mo ang lahat ng mga nananakmal na salita,
    O ikaw na mandarayang dila.

Ngunit ilulugmok ka ng Diyos magpakailanman,
    aagawin at hahatakin ka niya mula sa iyong tolda,
    at bubunutin ka niya sa lupain ng mga buháy. (Selah)
Makikita ng matuwid, at matatakot,
    at pagtatawanan siya, na nagsasabi,
“Pagmasdan ninyo ang tao na hindi niya ginawang kanlungan ang Diyos;
kundi nagtiwala sa kasaganaan ng kanyang mga kayamanan,
    at nagpakalakas sa kanyang nasa.”

Ngunit ako'y gaya ng sariwang punungkahoy ng olibo
    sa bahay ng Diyos.
Nagtitiwala ako sa tapat na pag-ibig ng Diyos
    magpakailanpaman.
Ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman,
    sapagkat iyon ay iyong ginawa.
At ako'y maghihintay sa iyong pangalan sapagkat ito'y mabuti,
    sa harapan ng mga banal.

Ezekiel 31:1-12

Inihambing ang Ehipto sa Sedro

31 Nang unang araw ng ikatlong buwan ng ikalabing-isang taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, sabihin mo kay Faraon na hari ng Ehipto, at sa kanyang karamihan:

“Sino ang iyong kawangis sa iyong kadakilaan?
    Narito, tingnan mo, ikaw ay ihahambing ko sa sedro sa Lebanon,
na may magagandang sanga, at may mayabong na lilim,
    at napakataas,
    at ang kanyang dulo ay nasa gitna ng mayayabong na sanga.
Dinidilig siya ng tubig,
    pinalalaki siya ng kalaliman,
ang kanyang mga ilog ay umaagos
    sa palibot ng kanyang kinatataniman;
at kanyang pinaaagos ang kanyang mga tubig
    sa lahat ng punungkahoy sa kagubatan.
Kaya't ito ay naging napakataas
    at higit kaysa lahat ng punungkahoy sa gubat;
at ang kanyang mga sanga ay dumami,
    at ang kanyang mga sanga ay humaba,
    dahil sa saganang tubig nang kanyang pabugsuan.
Lahat ng ibon sa himpapawid
    ay gumawa ng kanilang mga pugad sa kanyang mga sanga;
at sa ilalim ng kanyang mga sanga
    ay nanganak ang lahat ng mga hayop sa parang;
at sa kanyang lilim ay nanirahan
    ang lahat ng malalaking bansa.
Ito ay maganda sa kanyang kadakilaan,
    sa haba ng kanyang mga sanga;
sapagkat ang kanyang ugat ay bumaba
    hanggang sa saganang tubig.
Ang(A) mga sedro sa halamanan ng Diyos ay hindi makapantay sa kanya;
    ni ang mga puno ng abeto ay hindi gaya ng kanyang mga sanga,
at ang mga puno ng kastano ay walang halaga
    kapag inihambing sa kanyang mga sanga;
walang anumang punungkahoy sa halamanan ng Diyos
    na kagaya niya sa kanyang kagandahan.
Pinaganda ko siya
    sa karamihan ng kanyang mga sanga,
kaya't lahat ng punungkahoy sa Eden,
    na nasa halamanan ng Diyos, ay nainggit sa kanya.

10 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat ikaw ay nagpakataas at inilagay niya ang kanyang dulo sa gitna ng mayayabong na sanga, at ang kanyang puso ay nagmataas sa kanyang kataasan,

11 aking ibibigay siya sa kamay ng makapangyarihan sa mga bansa. Kanyang haharapin siya na gaya ng nararapat sa kanyang kasamaan. Aking pinalayas siya.

12 Ang mga dayuhan na siyang kakilakilabot sa mga bansa ang puputol sa kanya at siya'y iiwan. Sa ibabaw ng mga bundok at sa lahat ng mga libis ay malalaglag ang kanyang mga sanga, at ang kanyang mga sanga ay mababali sa tabi ng lahat ng mga ilog ng lupain; ang lahat ng tao sa lupa ay lalayo mula sa kanyang lilim at iiwan siya.

Galacia 6:11-18

Babala at Basbas

11 Tingnan ninyo kung sa gaano kalalaking mga titik sumusulat ako sa inyo sa pamamagitan ng aking sariling kamay!

12 Ang mga nais gumawa ng magandang palabas sa laman ang siyang pumipilit sa inyo na magpatuli, upang hindi sila usigin dahil sa krus ni Cristo.

13 Sapagkat maging ang mga nagpatuli ay hindi rin naman tumutupad ng kautusan; ngunit ibig nila kayong magpatuli upang sila'y makapagmalaki sa inyong laman.

14 Subalit huwag nawang mangyari sa akin ang magmalaki, maliban sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan nito ang sanlibutan ay ipinako sa krus para sa akin, at ako'y sa sanlibutan.

15 Sapagkat[a] ang pagtutuli o ang di-pagtutuli ay walang kabuluhan, kundi ang bagong nilalang.

16 Kapayapaan at kaawaan nawa ang sumakanilang lahat na lumalakad sa alituntuning ito, at maging sa Israel ng Diyos.

17 Buhat ngayon ay huwag akong guluhin ng sinuman; sapagkat taglay ko sa aking katawan ang mga bakas ng paghihirap ni Jesus.

18 Mga kapatid, ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawang espiritu. Amen.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001