Revised Common Lectionary (Complementary)
23 sariwa ang mga iyon tuwing umaga,
dakila ang iyong katapatan.
24 “Ang Panginoon ay aking bahagi,” sabi ng aking kaluluwa;
“kaya't ako'y aasa sa kanya.”
25 Ang Panginoon ay mabuti sa kanila na naghihintay sa kanya,
sa kaluluwa na humahanap sa kanya.
26 Mabuti nga na ang tao ay tahimik na maghintay
para sa pagliligtas ng Panginoon.
27 Mabuti nga sa tao na pasanin ang pamatok sa kanyang kabataan.
28 Maupo siyang mag-isa sa katahimikan
kapag kanyang iniatang sa kanya;
29 ilagay niya ang kanyang bibig sa alabok—
baka mayroon pang pag-asa;
30 ibigay niya ang kanyang pisngi sa mananampal,
at mapuno siya ng pagkutya.
31 Sapagkat ang Panginoon ay hindi magtatakuwil nang walang hanggan.
32 Ngunit bagaman siya'y sanhi ng kalungkutan,
siya'y mahahabag ayon sa kasaganaan ng kanyang tapat na pagmamahal;
33 sapagkat hindi niya kusang pinahihirapan
o ang mga anak ng mga tao ay sinasaktan man.
Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.
30 Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,
at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.
2 O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,
at ako ay pinagaling mo.
3 O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,
iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.
4 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.
5 Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,
at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.
Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,
ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.
6 Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,
“Hindi ako matitinag kailanman.”
7 Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,
ginawa mong matibay ang aking bundok;
ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.
8 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
at sa Panginoon ay nanawagan ako:
9 “Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,
kung ako'y bumaba sa Hukay?
Pupurihin ka ba ng alabok?
Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?
10 O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!
Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”
11 Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;
hinubad mo ang aking damit-sako,
at binigkisan mo ako ng kagalakan,
12 upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.
O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.
7 Ngunit, yamang kayo'y sumasagana sa lahat ng mga bagay, sa pananampalataya, sa pananalita, sa kaalaman, sa buong kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin, sikapin din ninyo na kayo ay sumagana sa biyayang ito.
8 Sinasabi ko ito hindi bilang isang utos, ngunit aking sinusubok ang pagiging tunay ng inyong pag-ibig kapag inihambing sa kasigasigan ng iba.
9 Sapagkat nalalaman ninyo ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na bagaman siya'y mayaman, subalit alang-alang sa inyo ay naging dukha, upang sa pamamagitan ng kanyang kadukhaan ay maging mayaman kayo.
10 At sa bagay na ito ay nagbibigay ako ng payo: pinakamabuti para sa inyo ngayon na tapusin ang sinimulan ninyo nang nakaraang taon, hindi lamang upang gumawa kundi magkaroon ng pagnanais na gumawa.
11 At ngayon, tapusin ninyo ang paggawa, upang kung paanong may sigasig sa pagnanais ay gayundin sa pagtatapos, ayon sa inyong kakayahan.
12 Sapagkat kung mayroong pagnanais, tinatanggap ang kaloob ayon sa tinataglay, at hindi ayon sa hindi tinataglay.
13 Hindi ko ibig sabihin na ang iba ay maginhawahan at kayo'y mabigatan, kundi para sa pagkakapantay-pantay,
14 ang inyong kasaganaan sa kasalukuyang panahon ang magpuno sa kanilang kakulangan, upang ang kanilang kasaganaan ay magpuno sa inyong pangangailangan, upang magkaroon ng pagkakapantay-pantay.
15 Gaya(A) ng nasusulat,
“Ang nagtipon ng marami ay hindi nagkaroon ng labis,
at ang nagtipon ng kaunti ay hindi kinulang.”
Binuhay ang Anak ni Jairo at Pinagaling ang Isang Babae(A)
21 Nang si Jesus ay muling tumawid sakay ng bangka sa kabilang ibayo, nagtipon sa palibot niya ang napakaraming tao; at siya'y nasa tabi ng dagat.
22 Pagkatapos ay dumating ang isa sa mga pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Pagkakita sa kanya, nagpatirapa siya sa kanyang paanan,
23 at nagsumamo sa kanya, na sinasabi, “Ang aking munting anak na babae ay naghihingalo. Pumaroon ka at ipatong mo ang iyong mga kamay sa kanya upang siya'y gumaling at mabuhay.”
24 Siya'y sumama sa kanya. Sinundan siya ng napakaraming tao at siya'y siniksik nila.
25 May isang babae na labindalawang taon nang dinudugo,
26 at lubhang naghirap na sa maraming manggagamot. Nagugol na niya ang lahat ng nasa kanya at hindi siya gumaling ni kaunti man, kundi lalo pang lumubha.
27 Narinig niya ang tungkol kay Jesus, lumapit siya sa karamihan sa likuran niya, at hinipo ang kanyang damit.
28 Sapagkat sinasabi niya, “Kung mahipo ko man lamang ang kanyang damit ay gagaling na ako.”
29 Kaagad napigil ang kanyang pagdurugo, at kanyang naramdaman sa kanyang katawan na magaling na siya sa malubha niyang sakit.
30 Pagkabatid na may lumabas na kapangyarihan mula sa kanya, bumaling si Jesus sa karamihan at nagsabi, “Sino ang humipo sa aking damit?”
31 Sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad, “Nakikita mong sinisiksik ka ng karamihan, at sinasabi mo pang ‘Sino ang humipo sa akin?’”
32 Tumingin siya sa buong paligid upang makita kung sino ang gumawa niyon.
33 Ngunit ang babae palibhasa'y nalalaman ang nangyari sa kanya ay lumapit na natatakot at nanginginig, nagpatirapa sa harap niya, at sinabi sa kanya ang buong katotohanan.
34 At sinabi ni Jesus sa kanya, “Anak, pinagaling ka ng pananampalataya mo; umalis kang payapa, at gumaling ka sa sakit mo.”
35 Samantalang nagsasalita pa siya, may mga taong dumating na galing sa bahay ng pinuno ng sinagoga, na nagsasabi, “Namatay na ang anak mong babae. Bakit mo pa inaabala ang Guro?”
36 Ngunit hindi pinansin[a] ni Jesus ang sinabi, at sinabi niya sa pinuno ng sinagoga, “Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang.”
37 At hindi niya ipinahintulot na may sumunod sa kanya, maliban kina Pedro, Santiago, at Juan na kapatid ni Santiago.
38 Nang makarating sila sa bahay ng pinuno ng sinagoga, nakita niya ang pagkakagulo, ang mga pagtangis at malakas na iyakan.
39 Pagkapasok niya ay kanyang sinabi sa kanila, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata, kundi natutulog lamang.”
40 Siya'y kanilang pinagtawanan, ngunit pinalabas niya ang lahat at isinama niya ang ama at ang ina ng bata at ang kanyang mga kasamahan. Pumasok sila sa kinaroroonan ng bata.
41 Hinawakan niya ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, “Talitha cum,”[b] na ang kahulugan ay “Munting batang babae, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!”
42 Kaagad bumangon ang batang babae at nagpalakad-lakad (siya'y may labindalawang taon na). Kaagad silang namangha ng ganoon na lamang.
43 Mahigpit niyang ipinag-utos sa kanila na walang dapat makaalam nito; at sinabi niya sa kanila na ang bata[c] ay bigyan ng makakain.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001