Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 52

Ang Paghuhukom at Biyaya ng Diyos

Sa Punong Mang-aawit. Maskil ni David, nang dumating at magsaysay kay Saul si Doeg na Edomita at magsabi sa kanya, “Si David ay naparoon sa bahay ni Ahimelec.”

52 Bakit ka naghahambog, O makapangyarihang tao?
    Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sa buong araw.
    Sa buong araw
    ang dila mo'y nagbabalak ng pagkawasak.
Ang dila mo'y gaya ng matalas na labaha,
    ikaw na gumagawa ng kataksilan.
Iniibig mo ang kasamaan ng higit kaysa kabutihan;
    at ang pagsisinungaling kaysa pagsasalita ng katotohanan. (Selah)
Iniibig mo ang lahat ng mga nananakmal na salita,
    O ikaw na mandarayang dila.

Ngunit ilulugmok ka ng Diyos magpakailanman,
    aagawin at hahatakin ka niya mula sa iyong tolda,
    at bubunutin ka niya sa lupain ng mga buháy. (Selah)
Makikita ng matuwid, at matatakot,
    at pagtatawanan siya, na nagsasabi,
“Pagmasdan ninyo ang tao na hindi niya ginawang kanlungan ang Diyos;
kundi nagtiwala sa kasaganaan ng kanyang mga kayamanan,
    at nagpakalakas sa kanyang nasa.”

Ngunit ako'y gaya ng sariwang punungkahoy ng olibo
    sa bahay ng Diyos.
Nagtitiwala ako sa tapat na pag-ibig ng Diyos
    magpakailanpaman.
Ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman,
    sapagkat iyon ay iyong ginawa.
At ako'y maghihintay sa iyong pangalan sapagkat ito'y mabuti,
    sa harapan ng mga banal.

Jeremias 22:1-9

Ang Mensahe ni Jeremias sa mga Namumuno sa Juda

22 Ganito ang sabi ng Panginoon: “Bumaba ka sa bahay ng hari ng Juda, at sabihin mo doon ang salitang ito,

at iyong sabihin, ‘Pakinggan mo ang salita ng Panginoon, O hari ng Juda, na nakaluklok sa trono ni David, ikaw, at ang iyong mga lingkod, at ang iyong mga mamamayan na pumapasok sa mga pintuang ito.

Ganito ang sabi ng Panginoon: Gumawa kayo nang may katarungan at katuwiran, at iligtas ninyo ang ninakawan mula sa kamay ng mapang-api. At huwag ninyong gawan ng masama o karahasan ang mga dayuhan, ang mga ulila at ang mga balo, o magpadanak man ng walang salang dugo sa dakong ito.

Sapagkat kung tunay na inyong susundin ang salitang ito, kung gayo'y papasok sa mga pintuan ng bahay na ito ang mga hari na nakaupo sa trono ni David, na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo, sila at ang kanyang mga lingkod, at ang kanilang taong-bayan.

Ngunit(A) kung hindi ninyo susundin ang mga salitang ito, ako'y sumusumpa sa aking sarili, sabi ng Panginoon, na ang bahay na ito ay mawawasak.

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa sambahayan ng hari ng Juda,

“‘Ikaw ay gaya ng Gilead sa akin,
    gaya ng tuktok ng Lebanon;
tiyak na gagawin kitang isang disyerto,
    gaya ng mga lunsod na hindi tinatahanan.
Ako'y maghahanda ng mga mamumuksa laban sa iyo,
    bawat isa'y may kanya-kanyang mga sandata;
at kanilang puputulin ang iyong mga piling sedro,
    at ihahagis sa apoy.

“‘Maraming bansa ang daraan sa lunsod na ito, at sasabihin ng bawat isa sa kanyang kapwa, “Bakit ganito ang ginawa ng Panginoon sa dakilang lunsod na ito?”

At sila'y sasagot, “Sapagkat kanilang pinabayaan ang tipan ng Panginoon nilang Diyos, at sumamba sa ibang mga diyos, at naglingkod sa kanila.”’”

Lucas 6:43-45

Ang Punungkahoy at ang Bunga Nito(A)

43 “Sapagkat walang mabuting punungkahoy na nagbubunga ng masama, at wala rin namang masamang punungkahoy na mabuti ang bunga.

44 Sapagkat(B) ang bawat punungkahoy ay nakikilala sa kanyang sariling bunga. Sapagkat ang mga igos ay di naaani mula sa mga tinikan at hindi napipitas ang mga ubas sa dawagan.

45 Ang(C) mabuting tao mula sa mabuting kayamanan ng kanyang puso ay nagbubunga ng kabutihan. At ang masamang tao mula sa masamang kayamanan ay nagbubunga ng kasamaan. Sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kanyang bibig.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001