Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Job 38:1-11

Ang Tugon ng Diyos kay Job

38 At mula sa ipu-ipo'y sumagot ang Panginoon kay Job:

“Sino ba itong nagpapadilim ng payo sa pamamagitan ng mga salitang walang kaalaman?
Bigkisan mo tulad sa lalaki ang iyong baywang,
    tatanungin kita at ikaw sa akin ay magsasaysay.

“Nasaan ka nang ilagay ko ang mga pundasyon ng lupa?
    Sabihin mo, kung mayroon kang pang-unawa.
Sinong nagpasiya ng mga sukat niyon—tiyak na alam mo!
    O sinong nag-unat ng panukat sa ibabaw nito?
Sa ano nakabaon ang kanyang mga pundasyon?
    O sinong naglagay ng batong panulok niyon;
nang sama-samang umawit ang mga tala sa umaga,
    at ang lahat ng mga anak ng Diyos ay nagsigawan sa tuwa?

“O(A) sinong nagsara ng mga pinto sa karagatan,
    nang ito'y magpumiglas mula sa sinapupunan;
nang gawin ko ang mga ulap na bihisan niyon,
    at ang malalim na kadiliman na pinakabalot niyon,
10 at nagtakda para doon ng mga hangganan,
    at naglagay ng mga halang at mga pintuan,
11 at aking sinabi, ‘Hanggang doon ka makakarating, at hindi ka na lalayo,
    at dito'y titigil ang iyong mga along palalo?’

Mga Awit 107:1-3

IKALIMANG AKLAT

107 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
    sapagkat magpakailanman ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili.
Sabihing gayon ng tinubos ng Panginoon,
    na kanyang tinubos mula sa kamay ng kaaway,
at tinipon mula sa mga lupain,
    mula sa silangan at mula sa kanluran,
    mula sa hilaga at mula sa timugan.

Mga Awit 107:23-32

23 Silang nagsisibaba sa dagat sa mga sasakyang-dagat,
    na nangangalakal sa tubig na malalawak;
24 nakita nila ang mga gawa ng Panginoon,
    ang kanyang kahanga-hangang mga gawa sa kalaliman.
25 Sapagkat siya'y nag-utos, at itinaas ang maunos na hangin,
    na nagpataas sa mga alon ng dagat.
26 Sila'y umakyat hanggang sa langit, sila'y nagsibaba sa mga kalaliman;
    ang kanilang kaluluwa ay natutunaw sa masama nilang kalagayan,
27 sila'y sumuray-suray at nagpagiray-giray na parang taong lasing,
    at ang kanilang karunungan ay nawala.
28 Nang magkagayo'y dumaing sila sa Panginoon sa kanilang kahirapan,
    at iniligtas niya sila sa kanilang kapighatian.
29 Kanyang pinatigil ang bagyo,
    anupa't ang mga alon ng dagat ay tumahimik.
30 Nang magkagayo'y natuwa sila sapagkat sila'y nagkaroon ng katahimikan,
    at dinala niya sila sa kanilang nais daungan.
31 Purihin nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
    at dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
32 Purihin nila siya sa kapulungan ng bayan,
    at purihin siya sa pagtitipon ng matatanda.

2 Corinto 6:1-13

Yamang gumagawa kaming kasama niya, nananawagan din kami sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Diyos nang walang kabuluhan.

Sapagkat(A) sinasabi niya,

“Sa panahong kanais-nais ay pinakinggan kita,
    at tinulungan kita sa araw ng kaligtasan.”

Ngayon na ang panahong kanais-nais; ngayon na ang araw ng kaligtasan.

Hindi kami naglalagay ng katitisuran ng sinuman, upang walang kapintasang matagpuan sa aming ministeryo.

Kundi, bilang mga lingkod ng Diyos, ipinagkakapuri namin ang aming sarili sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng maraming pagtitiis, mga kapighatian, mga kahirapan, mga paghihinagpis,

mga(B) pagkabugbog, mga pagkabilanggo, mga kaguluhan, mga paggawa, mga pagpupuyat, mga pagkagutom,

sa kalinisan, kaalaman, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabanalan ng espiritu, tunay na pag-ibig,

makatotohanang pananalita, kapangyarihan ng Diyos, sa pamamagitan ng mga sandata ng katuwiran sa kanang kamay at sa kaliwa,

sa pamamagitan ng karangalan at kasiraang-puri, sa pamamagitan ng masamang pagkakilala at ng mabuting pagkakilala. Itinuring kaming mga mandaraya, gayunma'y matatapat,

waring mga hindi kilala, gayunma'y kilalang-kilala, tulad sa naghihingalo, at narito, kami ay buháy; gaya ng mga pinarurusahan, subalit hindi pinapatay;

10 tulad sa nalulungkot, gayunma'y laging nagagalak; tulad sa mga dukha, gayunma'y pinayayaman ang marami, gaya ng walang pag-aari, gayunma'y mayroon ng lahat ng bagay.

11 Ang aming bibig ay bukas para sa inyo, mga taga-Corinto, ang aming puso ay pinalawak.

12 Kayo ay hindi namin hinihigpitan, subalit kayo ay hinihigpitan ng sarili ninyong damdamin.

13 Bilang ganti, nagsasalita akong tulad sa mga bata; palawakin din ninyo ang inyong mga puso.

Marcos 4:35-41

Pinatigil ni Jesus ang Unos(A)

35 Nang araw ding iyon, nang sumapit na ang gabi ay sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.”

36 Pagkaiwan sa maraming tao, siya'y kanilang isinama sa bangka, ayon sa kanyang kalagayan. At may iba pang mga bangka na kasama niya.

37 At nagkaroon ng isang malakas na unos, sumalpok ang mga alon sa bangka, anupa't ang bangka ay halos napupuno na ng tubig.

38 Ngunit siya'y nasa hulihan ng bangka at natutulog na may inuunan. Siya'y ginising nila, at sinabi sa kanya, “Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?”

39 Paggising niya ay sinaway niya ang hangin at sinabi sa dagat, “Pumayapa ka. Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng katahimikan.

40 Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natakot? Wala ba kayong pananampalataya?”

41 Sila'y sinidlan ng malaking takot at sinabi sa isa't isa, “Sino nga ito, na pati ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001