Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 30

Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.

30 Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,
    at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.
O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,
    at ako ay pinagaling mo.
O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,
iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.
Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
    at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.
Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,
    at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.
Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,
    ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.

Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,
    “Hindi ako matitinag kailanman.”
Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,
    ginawa mong matibay ang aking bundok;
ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.

Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
    at sa Panginoon ay nanawagan ako:
“Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,
    kung ako'y bumaba sa Hukay?
Pupurihin ka ba ng alabok?
    Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?
10 O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!
     Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”

11 Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;
    hinubad mo ang aking damit-sako,
    at binigkisan mo ako ng kagalakan,
12 upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.
    O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.

Mga Panaghoy 2:18-22

18 Ang kanilang puso ay dumaraing sa Panginoon!
    O pader ng anak na babae ng Zion!
Padaluyin mo ang mga luha na parang ilog
    araw at gabi!
Huwag kang magpahinga;
    huwag papagpahingahin ang iyong mga mata.

19 Bumangon ka, sumigaw ka sa gabi,
    sa pasimula ng mga pagbabantay!
Ibuhos mo ang iyong puso na parang tubig
    sa harapan ng mukha ng Panginoon!
Itaas mo ang iyong mga kamay sa kanya
    dahil sa buhay ng iyong mga anak
na nanghihina sa gutom
    sa dulo ng bawat lansangan.

20 Tingnan mo, O Panginoon, at masdan mo!
    Kanino mo ginawa ang ganito!
Kakainin ba ng mga babae ang kanilang anak,
    ang mga batang ipinanganak na malusog?
Papatayin ba ang pari at propeta
    sa santuwaryo ng Panginoon?

21 Ang bata at ang matanda ay nakahiga
    sa alabok ng mga lansangan.
Ang aking mga dalaga at mga binata
    ay nabuwal sa pamamagitan ng tabak;
pinatay mo sila sa araw ng iyong galit;
    pinatay mo nang walang awa.

22 Nag-anyaya ka
    na gaya ng sa araw ng takdang kapistahan,
ang aking mga kakilabutan ay nasa bawat panig;
at sa araw ng galit ng Panginoon
    ay walang nakatakas o nakaligtas;
yaong aking mga kinalong at pinalaki ay nilipol ng aking kaaway.

Lucas 4:31-37

Isang Taong may Masamang Espiritu(A)

31 Siya'y bumaba sa Capernaum, na isang bayan ng Galilea. At siya'y nagturo sa kanila sa araw ng Sabbath.

32 Sila'y(B) namangha sa kanyang pagtuturo, sapagkat ang kanyang salita ay may kapangyarihan.[a]

33 Sa sinagoga ay may isang lalaki na may espiritu ng karumaldumal na demonyo, at siya'y sumigaw nang malakas na tinig,

34 “Ah! anong pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Pumarito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita kung sino ka, ang Banal ng Diyos.”

35 Subalit sinaway siya ni Jesus, at sinabi, “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” At nang ang lalaki ay nailugmok ng demonyo sa gitna nila, ay lumabas siya sa lalaki na hindi ito sinaktan.

36 Namangha silang lahat at sinabi sa isa't isa, “Anong salita ito? Sapagkat may awtoridad at kapangyarihang inuutusan niya ang masasamang espiritu at lumalabas sila.”

37 Kumalat ang balita tungkol sa kanya sa lahat ng dako sa palibot ng lupaing iyon.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001