Revised Common Lectionary (Complementary)
Isang Awit. Awit ng mga Anak ni Kora. Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Mahalath Leannoth. Maskil ni Heman na Ezrahita.
88 O Panginoon, Diyos ng aking kaligtasan,
ako'y dumaing araw at gabi sa harap mo.
2 Paratingin mo nawa ang aking panalangin sa harapan mo,
ang iyong pandinig sa aking daing ay ikiling mo!
3 Sapagkat ang aking kaluluwa ay punô ng mga kaguluhan,
at papalapit sa Sheol ang aking buhay.
4 Ako'y ibinilang sa kanila na bumababa sa Hukay;
ako'y taong walang lakas,
5 gaya ng pinabayaan sa gitna ng mga patay,
gaya ng pinatay na nakahiga sa libingan,
gaya ng mga hindi mo na inaalala,
sapagkat sila'y inihiwalay sa iyong kamay.
6 Inilagay mo ako sa pinakamalalim na Hukay,
sa madidilim na dako at kalaliman.
7 Ang iyong poot ay mabigat na sa akin ay nakapatong,
at iyong sinaktan ako ng lahat mong mga alon. (Selah)
8 Pinalayo mo sa akin ang aking mga kasamahan;
ginawa mo akong isang bagay na kanilang katatakutan.
Ako'y nakakulong upang ako'y hindi makatakas;
9 dahil sa kalungkutan ay lumabo ang mata ko,
O Panginoon, araw-araw ay tumatawag ako sa iyo,
aking iniabot sa iyo ang mga kamay ko.
10 Gagawa ka ba ng mga kababalaghan para sa mga patay?
Ang mga patay ba ay babangon upang purihin ka? (Selah)
11 Ang iyo bang tapat na pag-ibig ay ipahahayag sa libingan,
o sa Abadon ang iyong katapatan?
12 Ang iyo bang mga kababalaghan ay malalaman sa kadiliman,
o ang iyong katuwiran sa lupain ng pagkalimot?
13 O Panginoon, ako sa iyo'y dumaraing,
sa umaga'y dumarating sa harapan mo ang aking panalangin.
14 O Panginoon, bakit mo itinatakuwil ang aking kaluluwa?
Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha sa akin?
15 Pinahihirapan at malapit sa kamatayan mula sa aking kabataan,
tiniis ko ang pagkatakot sa iyo, wala akong kakayahan.
16 Ang iyong mabangis na poot ay dumaan sa akin,
winasak ako ng iyong mga kakilakilabot na bagay.
17 Kanilang pinaligiran ako na gaya ng tubig sa buong araw;
kinubkob nila akong magkakasama.
18 Inalis mo sa akin ang aking mangingibig at kaibigan,
ang aking mga kasamahan ay nasa kadiliman.
19 “Kapag ang isang babae ay nilalabasan ng dugo na kanyang buwanang pagdurugo mula sa kanyang katawan, siya ay marumi sa loob ng pitong araw; at sinumang humipo sa kanya ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
20 Anumang kanyang mahigaan sa panahon ng kanyang karumihan ay magiging marumi; at anumang maupuan niya ay magiging marumi.
21 Sinumang humipo ng kanyang higaan ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
22 At ang sinumang humipo ng alinmang bagay na kanyang maupuan ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
23 Maging ito ay nasa ibabaw ng higaan o nasa anumang bagay na inupuan niya, kapag kanyang hinipo, siya ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
24 Kung ang sinumang lalaki ay sumiping sa kanya, at mapasa lalaki ang karumihan niya, ang lalaki ay magiging marumi sa loob ng pitong araw; at bawat higaan na kanyang higaan ay magiging marumi.
25 “Kung ang isang babae ay labasan ng dugo sa loob ng maraming araw sa hindi kapanahunan ng kanyang karumihan, o kung labasan ng dugo na lampas sa panahon ng kanyang karumihan; siya ay marumi sa buong panahon ng kanyang karumihan.
26 Bawat higaan na kanyang hinihigan sa buong panahon ng kanyang pagdurugo, ay magiging sa kanya'y gaya ng higaan ng kanyang karumihan; at bawat bagay na kanyang maupuan ay magiging marumi, na gaya ng pagiging marumi ng kanyang karumihan.
27 Sinumang humipo ng mga bagay na iyon ay magiging marumi, at maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
28 Subalit kapag siya'y gumaling sa kanyang pagdurugo, bibilang siya ng pitong araw, at pagkatapos niyon ay magiging malinis siya.
29 Sa ikawalong araw ay kukuha siya ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati, at dadalhin niya sa pari sa pintuan ng toldang tipanan.
30 Ihahandog ng pari ang isa bilang handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog; at itutubos sa kanya ng pari sa harap ng Panginoon, dahil sa kanyang maruming pagdurugo.
31 “Ganito ninyo ihihiwalay ang mga anak ni Israel sa kanilang pagiging marumi, upang huwag silang mamatay sa kanilang karumihan, kapag dinungisan ang aking tabernakulo na nasa kanilang kalagitnaan.
Ang Ambagan para sa mga Taga-Jerusalem
9 Ngayon, kalabisan na para sa akin na sulatan kayo tungkol sa paglilingkod para sa mga banal,
2 sapagkat nalalaman ko ang inyong pananabik, na aking ipinagmamalaki tungkol sa inyo sa mga taga-Macedonia, na ang Acaia ay nakapaghanda na noong nakaraang taon pa, at ang inyong sigasig ay nakapukaw sa karamihan sa kanila.
3 Subalit aking isinugo ang mga kapatid upang ang aming pagmamalaki tungkol sa inyo ay huwag mawalan ng kabuluhan sa bagay na ito, upang ayon sa aking sinabi, kayo'y makapaghanda,
4 baka sakaling kung ang ilang taga-Macedonia ay dumating na kasama ko at kayo'y maratnang hindi handa, kami ay mapapahiya upang hindi na namin sabihing pati kayo, sa pagtitiwalang ito.
5 Kaya't inisip ko na kailangang himukin ang mga kapatid na maunang pumariyan sa inyo, at ihanda agad ang inyong kaloob na ipinangako nang una, upang ito'y maihanda bilang isang kusang-loob na handog at hindi sapilitan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001