Old/New Testament
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
20 Ang Panginoon ay sumasagot sa iyo sa araw ng kaguluhan!
Ang pangalan ng Diyos ni Jacob ang magtataas sa iyo!
2 Nawa'y saklolohan ka niya mula sa santuwaryo,
at alalayan ka mula sa Zion!
3 Maalala nawa niya ang lahat mong mga handog,
at tanggapin niya ang iyong mga handog na sinusunog! (Selah)
4 Nawa'y ang nais ng iyong puso ay ipagkaloob niya sa iyo,
at tuparin ang lahat ng mga panukala mo!
5 Kami'y magagalak sa iyong pagliligtas,
at sa pangalan ng aming Diyos ay aming itataas ang aming mga watawat!
Ganapin nawa ng Panginoon ang kahilingan mong lahat!
6 Ngayo'y nalalaman ko na tutulungan ng Panginoon ang kanyang pinahiran ng langis;
sasagutin niya siya mula sa kanyang banal na langit
na may makapangyarihang pagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kanang kamay.
7 Ipinagmamalaki ng ilan ang mga karwahe, at ang iba ay ang mga kabayo;
ngunit ipinagmamalaki namin ang pangalan ng Panginoon naming Diyos.
8 Sila'y mabubuwal at guguho,
ngunit kami ay titindig at matuwid na tatayo.
9 Bigyan ng tagumpay ang hari, O Panginoon,
sagutin nawa kami kapag kami ay tumatawag.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
21 Ang hari ay nagagalak, O Panginoon, sa iyong kalakasan,
at sa iyong pagliligtas ay napakalaki ng kanyang kagalakan!
2 Ang nais ng kanyang puso, sa kanya'y iyong ipinagkaloob,
at ang hiling ng kanyang mga labi ay di mo ipinagdamot. (Selah)
3 Sapagkat sinasalubong mo siya ng mabubuting pagpapala,
pinuputungan mo siya ng koronang dalisay na ginto sa ulo niya.
4 Siya'y humingi sa iyo ng buhay, sa kanya'y iyong ibinigay,
haba ng mga araw magpakailanman.
5 Sa pamamagitan ng iyong pagliligtas dakila ang kanyang kaluwalhatian,
ipinagkakaloob mo sa kanya, karangalan at kamahalan.
6 Oo, ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailanman;
iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan.
7 Sapagkat ang hari ay nagtitiwala sa Panginoon,
at sa pamamagitan ng tapat na pag-ibig ng Kataas-taasan ay hindi siya matitinag.
8 Matatagpuan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway;
ang mga napopoot sa iyo'y masusumpungan ng iyong kanang kamay.
9 Gagawin mo silang gaya ng mainit na pugon
kapag ikaw ay lumitaw.
Sasakmalin sila ng Panginoon sa kanyang kagalitan;
at sa apoy sila'y malulusaw.
10 Pupuksain mo ang kanilang bunga mula sa mundo,
at ang kanilang binhi ay mula sa mga anak ng mga tao.
11 Kapag laban sa iyo sila'y magbalak ng kasamaan,
kapag sila'y nagpakana ng masama, hindi sila magtatagumpay.
12 Sapagkat iyong patatalikurin sila,
iyong iaakma sa kanilang mga mukha ang iyong mga pana.
13 Mataas ka, O Panginoon, sa iyong kalakasan!
Aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Usa ng Pagbubukang-liwayway. Awit ni David.
22 Diyos(A) ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?
Bakit napakalayo mo sa pagtulong sa akin, sa mga salita ng aking karaingan?
2 O Diyos ko, sumisigaw ako kapag araw, ngunit hindi ka sumasagot man lamang,
at kapag gabi, hindi ako makatagpo ng kapahingahan.
3 Gayunman ikaw ay banal,
nakaluklok sa mga papuri ng Israel.
4 Sa iyo ang aming mga magulang ay nagtiwala,
sila'y nagtiwala, at iyong iniligtas sila.
5 Sa iyo sila'y dumaing at naligtas;
sila'y nagtiwala sa iyo, at hindi nabigo.
6 Ngunit ako'y uod at hindi tao,
kinukutya ng mga tao, at hinahamak ng bayan.
7 Silang(B) lahat na nakakita sa akin ay tinatawanan ako;
nginungusuan nila ako, iiling-iling ang kanilang mga ulo,
8 “Ipinagkatiwala(C) niya ang kanyang usapin sa Panginoon; hayaang kanyang iligtas siya,
hayaang kanyang sagipin siya, sapagkat kanyang kinaluluguran siya!”
9 Ngunit ikaw ang kumuha sa akin mula sa bahay-bata;
iningatan mo ako nang ako'y nasa dibdib ng aking ina.
10 Sa iyo ako'y inilagak mula sa aking pagluwal,
at mula nang ako'y ipagbuntis ng aking ina ang Diyos ko'y ikaw.
11 Sa akin ay huwag kang lumayo,
sapagkat malapit ang gulo,
at walang sinumang sasaklolo.
12 Pinaliligiran ako ng maraming toro,
ng malalakas na toro ng Basan ay pinalilibutan ako.
13 Sa akin ang kanilang bibig ay binuksan nila nang maluwang,
gaya ng sumasakmal at leong umuungal.
14 Ako'y ibinubuhos na parang tubig,
at lahat ng aking mga buto ay nakakalas sa pagkakabit;
ang aking puso ay parang pagkit,
ito ay natutunaw sa loob ng aking dibdib.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang basag na banga,
at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngalangala;
sa alabok ng kamatayan ako'y iyong inihihiga.
16 Oo, ang mga aso ay nakapaligid sa akin;
pinaligiran ako ng isang pangkat ng mga gumagawa ng masama;
binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa.
17 Lahat ng aking mga buto ay aking mabibilang,
sa akin sila'y nakatingin at ako'y tinititigan.
18 Kanilang(D) pinaghatian ang aking mga kasuotan,
at para sa aking damit sila ay nagsapalaran.
19 Ngunit ikaw, O Panginoon, huwag kang lumayo!
O ikaw na aking saklolo, magmadali kang tulungan ako!
20 Mula sa tabak, kaluluwa ko'y iligtas mo,
ang aking buhay mula sa kapangyarihan ng aso!
21 Mula sa bibig ng leon ako'y iyong iligtas,
sagutin mo ako mula sa mga sungay ng torong mailap!
22 Sa(E) aking mga kapatid ay ipahahayag ko ang iyong pangalan,
pupurihin kita sa gitna ng kapulungan:
23 Kayong natatakot sa Panginoon, magpuri kayo sa kanya!
Kayong lahat na binhi ni Jacob, luwalhatiin ninyo siya,
at magsitayong may paggalang sa kanya, kayong lahat na mga anak ni Israel.
24 Sapagkat hindi niya hinamak o kinapootan man
ang kadalamhatian ng nagdadalamhati;
at hindi niya ikinubli ang kanyang mukha sa kanya;
kundi pinakinggan nang siya'y dumaing sa kanya.
25 Sa iyo nanggagaling ang aking papuri sa dakilang kapulungan;
tutuparin ko ang aking mga panata sa harapan ng mga sa kanya'y gumagalang.
26 Ang dukha ay kakain at masisiyahan,
yaong mga humanap sa kanya ay magpupuri sa Panginoon!
Mabuhay nawa ang inyong mga puso magpakailanman.
27 Maaalala ng lahat ng mga dulo ng lupa,
at sa Panginoon ay manunumbalik sila;
at lahat ng mga sambahayan ng mga bansa
ay sa harapan mo magsisamba.
28 Sapagkat sa Panginoon ang kaharian,
at siya ang namumuno sa mga bansa.
29 Oo, sa kanya ang lahat ng masasagana sa lupa ay kakain at sasamba;
sa harapan niya ay yumuyukod ang lahat ng bumabalik sa alabok,
at siya na hindi mapapanatiling buháy ang kanyang kaluluwa.
30 Ang susunod na salinlahi sa kanya ay magsisilbi,
ang Panginoon ay ibabalita ng mga tao sa darating na salinlahi.
31 Sila'y darating at maghahayag ng kanyang katuwiran sa isang bayang isisilang,
na dito ay siya ang may kagagawan.
Nagtungo si Pablo sa Jerusalem
21 Nang kami'y humiwalay sa kanila at naglakbay, tuluy-tuloy na tinungo namin ang Cos at nang sumunod na araw ay ang Rodas, at buhat doon ay ang Patara.
2 Nang aming matagpuan ang isang barko na daraan sa Fenicia, sumakay kami at naglakbay.
3 Natanaw namin ang Cyprus sa dakong kaliwa; at naglakbay kami hanggang sa Siria at dumaong sa Tiro, sapagkat ibinaba roon ng barko ang mga karga nito.
4 Hinanap namin doon ang mga alagad at tumigil kami roon ng pitong araw. Sa pamamagitan ng Espiritu ay sinabi nila kay Pablo na huwag siyang pumunta sa Jerusalem.
5 At nang matapos na ang aming mga araw doon, umalis kami at nagpatuloy sa aming paglalakbay, at silang lahat, kasama ang mga asawa at mga anak, ay inihatid kami sa aming patutunguhan hanggang sa labas ng bayan. Pagkatapos naming lumuhod sa baybayin at nanalangin,
6 kami ay nagpaalam sa isa't isa. Pagkatapos, lumulan na kami sa barko at sila'y umuwi na sa kanilang mga bahay.
7 Nang aming matapos na ang paglalakbay buhat sa Tiro, dumating kami sa Tolemaida; at binati namin ang mga kapatid at kami'y nanatiling kasama nila ng isang araw.
8 Kinabukasan,(A) lumabas kami at dumating sa Cesarea; at pumasok kami sa bahay ni Felipe na ebanghelista, na isa sa pito, at nanatili kaming kasama niya.
9 Siya ay may apat na anak na dalaga[a] na nagsasalita ng propesiya.
10 Habang(B) naroon kami ng ilang araw, isang propeta na ang pangalan ay Agabo ang dumating mula sa Judea.
11 Paglapit sa amin, kinuha niya ang sinturon ni Pablo, at ginapos niya ang kanyang sariling mga paa't kamay, at sinabi, “Ganito ang sinasabi ng Espiritu Santo, ‘Ganito gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking may-ari ng sinturong ito, at siya'y kanilang ibibigay sa mga kamay ng mga Hentil.’”
12 Nang marinig namin ang mga bagay na ito, kami at pati ang mga tagaroon ay nakiusap sa kanya na huwag nang umahon patungo sa Jerusalem.
13 Kaya't sumagot si Pablo, “Anong ginagawa ninyo, nag-iiyakan kayo at dinudurog ang aking puso? Handa ako na hindi lamang gapusin, kundi mamatay rin naman sa Jerusalem dahil sa pangalan ng Panginoong Jesus.”
14 Nang hindi siya mahimok, tumigil kami, na nagsasabi, “Hayaang mangyari ang kalooban ng Panginoon.”
15 At pagkaraan ng mga araw na ito, naghanda kami at umahon patungo sa Jerusalem.
16 Sumama sa amin ang ilang alagad mula sa Cesarea at dinala kami sa bahay ni Mnason, na taga-Cyprus, isa sa mga naunang alagad, na sa kanya kami manunuluyan.
Ang Pagdalaw ni Pablo kay Santiago
17 Nang makarating kami sa Jerusalem, masaya kaming tinanggap ng mga kapatid.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001