Old/New Testament
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
31 Sa iyo, O Panginoon, ako'y humahanap ng kanlungan;
huwag mong hayaang ako'y mapahiya kailanman;
iligtas mo ako sa pamamagitan ng iyong katuwiran!
2 Ikiling mo ang iyong pandinig sa akin;
iligtas mo ako agad!
Maging batong kanlungan ka nawa sa akin,
isang matibay na muog upang ako'y iligtas.
3 Oo, ikaw ang aking malaking bato at aking tanggulan;
alang-alang sa iyong pangalan ako'y iyong akayin at patnubayan.
4 Alisin mo ako sa bitag na kanilang lihim na inilagay para sa akin;
sapagkat ikaw ang aking kalakasan.
5 Sa(A) iyong kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu,
O Panginoon, tapat na Diyos, tinubos mo ako.
6 Kinapopootan ko ang mga nagpapahalaga sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan,
ngunit nagtitiwala ako sa Panginoon.
7 Ako'y matutuwa at magagalak dahil sa iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat nakita mo ang aking kapighatian,
iyong binigyang-pansin ang aking mga kahirapan,
8 at hindi mo ako ibinigay sa kamay ng kaaway;
inilagay mo ang aking mga paa sa dakong malawak.
9 Maawa ka sa akin, O Panginoon, sapagkat ako'y nasa kahirapan;
ang aking mata ay namumugto dahil sa kapanglawan,
gayundin ang aking kaluluwa at katawan.
10 Sapagkat ang aking buhay ay pagod na sa lungkot,
at ang aking mga taon sa paghihimutok;
dahil sa aking kasalanan, lakas ko'y nauubos,
at ang aking mga buto ay nanghihina.
11 Sa lahat kong mga kaaway, ako ang tampulan ng pagkutya,
lalung-lalo na sa aking mga kapwa,
sa aking mga kakilala ay bagay na kinasisindakan,
yaong mga nakakakita sa akin sa lansangan sa aki'y naglalayuan.
12 Ako'y lumipas na sa isip gaya ng isang patay;
ako'y naging gaya ng isang basag na sisidlan.
13 Oo, aking naririnig ang bulungan ng marami—
kakilabutan sa bawat panig!—
habang sila'y magkakasamang nagpapanukala laban sa akin,
habang sila'y nagsasabwatan upang buhay ko'y kunin.
14 Ngunit nagtitiwala ako sa iyo, O Panginoon,
sinasabi ko, “Ikaw ang aking Diyos.”
15 Ang aking mga panahon ay nasa iyong kamay;
iligtas mo ako sa mga umuusig sa akin at sa kamay ng aking mga kaaway!
16 Sa iyong lingkod, mukha mo nawa'y magliwanag,
iligtas mo ako ng iyong pag-ibig na tapat!
17 Huwag mong hayaang malagay ako sa kahihiyan, O Panginoon,
sapagkat sa iyo ako'y nananawagan,
hayaang malagay ang masasama sa kahihiyan,
na magsitahimik nawa sila sa Sheol.
18 Mapipi nawa ang mga sinungaling na labi,
na walang pakundangang nagsasalita
laban sa matuwid nang may kapalaluan at paglait.
19 O napakasagana ng kabutihan mo,
na iyong inilaan para sa mga natatakot sa iyo,
at ginawa para doon sa nanganganlong sa iyo,
sa lihim na dako ng iyong harapan, sila'y iyong ikubli!
20 Sa iyong harapan ay palihim mo silang ikinubli
sa mga banta ng mga tao;
ligtas mo silang iniingatan sa lilim ng iyong tirahan
mula sa palaaway na mga dila.
21 Purihin ang Panginoon,
sapagkat kahanga-hanga niyang ipinakita sa akin ang kanyang kagandahang-loob
sa isang lunsod na nakubkob.
22 Tungkol sa akin, sa pagkatakot ay aking sinabi,
“Ako ay inilayo mula sa iyong paningin.”
Gayunma'y pinakinggan mo ang mga tinig ng aking mga daing,
nang ako'y dumaing sa iyo.
23 Ibigin ninyo ang Panginoon, kayong lahat niyang mga banal!
Iniingatan ng Panginoon ang tapat,
ngunit lubos niyang ginagantihan ang gumagawa na may kapalaluan.
24 Kayo'y magpakalakas, at magpakatapang ang inyong puso,
kayong lahat na umaasa sa Panginoon!
Awit ni David. Isang Maskil.
32 Mapalad(B) siya na pinatawad ang pagsuway,
na ang kasalanan ay tinakpan.
2 Mapalad ang tao na hindi pinaparatangan ng kasamaan ng Panginoon,
at sa kanyang espiritu ay walang pandaraya.
3 Nang hindi ko ipinahayag ang aking kasalanan, nanghina ang aking katawan
sa pamamagitan ng aking pagdaing sa buong araw.
4 Sa araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay,
ang aking lakas ay natuyong gaya ng sa init ng tag-araw. (Selah)
5 Kinilala ko ang aking kasalanan sa iyo,
at hindi ko ikinubli ang aking kasamaan;
aking sinabi, “Ipahahayag ko ang aking paglabag sa Panginoon;”
at iyong ipinatawad ang bigat ng aking kasalanan. (Selah)
6 Kaya't ang bawat isang banal
ay manalangin sa iyo;
sa panahong matatagpuan ka, tunay na sa pagragasa ng malaking tubig,
siya'y hindi nila aabutan.
7 Ikaw ay aking dakong kublihan;
iniingatan mo ako sa kaguluhan;
pinalibutan mo ako ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)
8 Aking ipapaalam at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo.
9 Huwag kayong maging gaya ng kabayo o ng mola na walang unawa,
na ang gayak ay may busal at pamingkaw upang sila'y pigilin
na kung wala ito, sila'y hindi lalapit sa iyo.
10 Marami ang paghihirap ng masasama;
ngunit tapat na pag-ibig ay nakapalibot sa kanya na sa Panginoon ay nagtitiwala.
11 Magsaya kayo sa Panginoon, at magalak kayong matutuwid,
at sumigaw sa kagalakan, kayong lahat na matutuwid sa puso!
16 Ngunit narinig ng anak na lalaki ng kapatid na babae ni Pablo ang tungkol sa kanilang pag-aabang kaya siya'y pumunta sa himpilan at ibinalita kay Pablo.
17 At tinawag ni Pablo ang isa sa mga senturion, at sinabi, “Dalhin mo ang binatang ito sa punong kapitan sapagkat siya'y mayroong sasabihin sa kanya.”
18 Kaya't siya'y isinama at dinala sa punong kapitan, at sinabi, “Tinawag ako ng bilanggong si Pablo, at ipinakiusap sa aking dalhin ko sa iyo ang binatang ito na mayroong sasabihin sa iyo.”
19 At hinawakan siya sa kamay ng punong kapitan at sa isang tabi ay lihim na tinanong siya, “Ano ang sasabihin mo sa akin?”
20 Sinabi niya, “Pinagkasunduan ng mga Judio na sa iyo'y ipakiusap na iyong dalhin bukas si Pablo sa Sanhedrin, na kunwari'y may sisiyasatin pa silang mabuti tungkol sa kanya.
21 Subalit huwag kang maniniwala sa kanila, sapagkat mahigit na apatnapu sa kanilang mga tao ang nag-aabang sa kanya. Sila'y namanata sa ilalim ng isang sumpa na hindi kakain ni iinom man hanggang sa siya'y kanilang mapatay. Ngayo'y handa na sila at naghihintay ng iyong pagsang-ayon.”
22 Kaya't pinaalis ng punong kapitan ang binata, at ipinagbilin sa kanya, “Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinagbigay-alam mo sa akin ang mga bagay na ito.”
Ipinadala si Pablo kay Gobernador Felix
23 Pagkatapos ay kanyang tinawag ang dalawa sa mga senturion, at sinabi, “Sa ikatlong oras[a] ng gabi, ihanda ninyo ang dalawandaang kawal kasama ang pitumpung mangangabayo at dalawandaang may sibat upang magtungo sa Cesarea.
24 Ipaghanda rin ninyo sila ng mga hayop na masasakyan ni Pablo, at siya'y ihatid na ligtas kay Felix na gobernador.”
25 At siya'y sumulat ng isang sulat, na ganito:
26 “Si Claudio Lisias sa kagalang-galang na gobernador Felix, ay bumabati.
27 Ang taong ito'y hinuli ng mga Judio, at papatayin sana nila, ngunit nang malaman kong siya'y mamamayan ng Roma dumating ako na may kasamang mga kawal at siya'y iniligtas ko.
28 At sa pagnanais kong malaman ang dahilan kung bakit siya'y kanilang isinakdal, ay dinala ko siya sa kanilang Sanhedrin.
29 Nalaman ko na siya'y kanilang isinasakdal tungkol sa mga usaping may kinalaman sa kanilang kautusan, ngunit walang anumang paratang laban sa kanya na marapat sa kamatayan o sa mga tanikala.
30 Nang ipaalam sa akin na may banta laban sa taong iyan, ipinadala ko siya agad sa iyo, at aking ipinag-utos din sa mga nagsasakdal sa kanya na sabihin sa harapan mo ang laban sa kanya.”
31 Kaya't kinuha si Pablo ng mga kawal, ayon sa iniutos sa kanila, at nang gabi ay dinala siya sa Antipatris.
32 Nang sumunod na araw, pinabayaan nilang samahan siya ng mga mangangabayo, samantalang sila'y nagbalik sa himpilan.
33 Nang makarating sila sa Cesarea at maibigay ang sulat sa gobernador, iniharap din nila si Pablo sa kanya.
34 At pagkabasa sa sulat, itinanong niya kung taga-saang lalawigan siya at nang malaman niya na siya'y taga-Cilicia,
35 ay sinabi niya, “Papakinggan kita pagdating ng mga nagsakdal sa iyo.” At ipinag-utos niya na siya'y bantayan sa palasyo ni Herodes.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001