Old/New Testament
Papuri sa Karunungan
28 “Tunay na para sa pilak ay may minahan,
at sa ginto ay may dakong dalisayan.
2 Ang bakal ay kinukuha sa lupa,
at sa tinunaw na mahalagang bato, ang tanso ay nagmumula.
3 Ang tao'y naglalagay ng wakas sa kadiliman,
at hinahanap hanggang sa pinakamalayong hangganan
ang mga bato sa kalungkutan at pusikit na kadiliman.
4 Sila'y nagbubukas ng lagusan sa libis na malayo sa tinatahanan ng mga tao;
sila'y nalimutan ng mga manlalakbay,
sila'y nakabitin na malayo sa mga tao, sila'y umuugoy na paroo't parito.
5 Tungkol sa lupa, ang tinapay ay dito nanggagaling,
ngunit waring tinutuklap ng apoy sa ilalim.
6 Ang mga bato nito'y kinaroroonan ng mga zafiro,
at ito ay may alabok na ginto.
7 “Yaong landas na walang ibong mandaragit na nakakaalam,
at hindi pa nakita maging ng mata ng falkon man.
8 Ang mga palalong hayop dito'y di pa nakakatuntong
ni nadaanan man ng mabangis na leon.
9 “Inilalagay ng tao ang kanyang kamay sa batong kiskisan,
at binabaligtad sa mga ugat ang mga kabundukan.
10 Sa gitna ng mga bato'y gumagawa siya ng daluyan,
at nakikita ng kanyang mata ang bawat mahalagang bagay.
11 Kanyang tinatalian ang mga batis upang huwag lumagaslas,
at ang bagay na nakakubli, sa liwanag ay kanyang inilalabas.
12 “Ngunit saan matatagpuan ang karunungan?
At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan?
13 Hindi nalalaman ng tao ang daan patungo roon,[a]
at hindi nasusumpungan sa lupain ng mga buháy.
14 Sinasabi ng kalaliman, ‘Wala sa akin,’
at sinasabi ng dagat, ‘Hindi ko kapiling.’
15 Hindi ito mabibili ng ginto,
ni matitimbangan man ng pilak bilang halaga nito.
16 Hindi mahahalagahan ng ginto ng Ofir,
ng mahalagang onix, o ng zafiro.
17 Ginto at salamin dito ay hindi maipapantay,
ni maipagpapalit man sa mga hiyas na gintong dalisay.
18 Hindi babanggitin ang tungkol sa coral o sa cristal;
higit kaysa mga perlas ang halaga ng karunungan.
19 Ang topacio ng Etiopia doon ay hindi maipapantay,
ni mahahalagahan man sa gintong lantay.
20 “Saan nanggagaling kung gayon, ang karunungan?
At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan?
21 Nakakubli ito sa mga mata ng lahat ng nabubuhay,
at natatago sa mga ibon sa kalangitan.
22 Ang Abadon at Kamatayan ay nagsasabi,
‘Narinig ng aming mga tainga ang bulung-bulungan tungkol doon!’
23 “Nauunawaan ng Diyos ang daan patungo roon,
at nalalaman niya ang kinaroroonan niyon.
24 Sapagkat tumitingin siya hanggang sa mga dulo ng daigdig,
at nakikita niya ang lahat ng bagay sa silong ng langit.
25 Nang ibinigay niya sa hangin ang kanyang bigat,
at ipinamahagi ang tubig ayon sa sukat,
26 nang siya'y gumawa ng utos para sa ulan,
at para sa kidlat ng kulog ay ang kanyang daan;
27 nang magkagayo'y nakita niya ito, at inihayag;
ito'y kanyang itinatag, at siniyasat.
28 At(A) sa tao ay sinabi niya,
‘Narito, ang takot sa Panginoon ay siyang karunungan;
at ang paghiwalay sa kasamaan ay kaunawaan.’”
Sinariwa ni Job ang Maliligaya Niyang Araw
29 At muling ipinagpatuloy ni Job ang kanyang pagsasalita, at nagsabi:
2 “O, ako sana'y tulad nang nakaraang mga buwan,
gaya noong mga araw na ang Diyos ang sa akin ay nagbabantay,
3 nang sa ibabaw ng aking ulo ay sumisikat ang kanyang ilawan,
at sa pamamagitan ng kanyang ilaw ay lumalakad ako sa kadiliman;
4 gaya noong ako'y namumukadkad pa,
noong ang pakikipagkaibigan ng Diyos ay nasa aking tolda;
5 nang kasama ko pa ang Makapangyarihan sa lahat,
nang nasa palibot ko ang aking mga anak;
6 noong ang aking mga hakbang ay naliligo sa gatas,
at ang bato ay nagbubuhos para sa akin ng langis na tumatagas!
7 Noong ako'y lumabas sa pintuan ng bayan,
noong ihanda ko ang aking upuan sa liwasan,
8 nakita ako ng mga kabataang lalaki, at sila'y umalis,
at ang matatanda ay tumayo;
9 ang mga pinuno ay nagtimpi sa pagsasalita,
at inilagay ang kanilang kamay sa bibig nila.
10 Ang tinig ng mga maharlika ay pinatahimik,
nang sa ngalangala ng kanilang bibig, ang dila nila ay dumikit.
11 Nang marinig ng tainga, tinawag nito akong mapalad,
at nang makita ito ng mata, iyon ay pumayag.
12 Sapagkat aking iniligtas ang dumaraing na dukha,
maging sa mga ulila na walang tumutulong.
13 Ang basbas ng malapit nang mamamatay sa akin ay dumating,
at ang puso ng babaing balo ay pinaawit ko sa kagalakan.
14 Ako'y nagbihis ng katuwiran, at ako'y dinamitan;
parang isang balabal at isang turbante ang aking katarungan.
15 Sa bulag ako'y naging mga mata,
at sa pilay ako'y naging mga paa.
16 Sa dukha ako'y naging isang ama,
at siniyasat ko ang usapin niyaong hindi ko nakikilala.
17 Aking binali ang mga pangil ng masama,
at ipinalaglag ko ang kanyang biktima sa mga ngipin niya.
18 Nang magkagayo'y sinabi ko, ‘Sa aking pugad ako mamamatay,
at gaya ng buhangin aking pararamihin ang aking mga araw.
19 Kumalat hanggang sa tubig ang aking mga ugat,
at may hamog sa aking sanga sa buong magdamag,
20 sariwa sa akin ang aking kaluwalhatian,
at ang aking busog ay laging bago sa aking kamay!’
21 “Sa akin ay nakikinig at naghihintay ang mga tao,
at tumatahimik para sa aking payo.
22 Pagkatapos ng aking pagsasalita, ay hindi na sila muling nagsalita,
at ang aking salita ay bumagsak sa kanila.
23 At kanilang hinihintay ako, na gaya ng paghihintay sa ulan,
at kanilang ibinuka ang kanilang bibig na gaya sa huling ulan.
24 Kapag sila'y hindi nagtitiwala, ako sa kanila'y ngumingiti,
at ang liwanag ng aking mukha ay hindi nila pinababa.
25 Pinili ko ang kanilang daan, at umupo bilang puno,
at namuhay gaya ng hari sa gitna ng kanyang hukbo,
gaya ng isang umaaliw sa mga nagdadalamhati.
Isinugo sina Bernabe at Saulo
13 Sa iglesya na nasa Antioquia ay may mga propeta at mga guro, si Bernabe, si Simeon na tinatawag na Niger, si Lucio na taga-Cirene, si Manaen na kinakapatid ni Herodes na tetrarka, at si Saulo.
2 Samantalang sila'y sumasamba sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo para sa akin sina Bernabe at Saulo sa gawaing itinawag ko sa kanila.”
3 Nang magkagayon, nang sila'y makapag-ayuno na at makapanalangin at maipatong ang mga kamay nila sa kanila, ay kanilang pinahayo sila.
Ang Pangangaral sa Cyprus
4 Sila na isinugo ng Espiritu Santo ay pumunta sa Seleucia at buhat doo'y naglayag patungong Cyprus.
5 Nang sila'y makarating sa Salamis, kanilang ipinangaral ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio. Kasama rin nila si Juan bilang katulong.
6 Nang kanilang mapuntahan na ang buong pulo hanggang sa Pafos, nakatagpo sila ng isang salamangkero, isang bulaang propetang Judio, na ang pangalan ay Bar-Jesus.
7 Kasama siya ng proconsul na si Sergio Paulo na isang lalaking matalino. Kanyang ipinatawag sina Bernabe at Saulo at nais na mapakinggan ang salita ng Diyos.
8 Ngunit si Elimas na salamangkero (sapagkat iyon ang kahulugan ng kanyang pangalan) ay humadlang sa kanila na pinagsisikapang ilayo sa pananampalataya ang proconsul.
9 Subalit si Saulo, na tinatawag ding Pablo, na puspos ng Espiritu Santo ay tumitig sa kanya nang mabuti,
10 at sinabi niya, “Ikaw na anak ng diyablo, at kaaway ng lahat ng katuwiran, punung-puno ng lahat ng pandaraya at panlilinlang, hindi ka ba titigil sa pagbaluktot sa matutuwid na daan ng Panginoon?
11 At ngayon, laban sa iyo ang kamay ng Panginoon, mabubulag ka, at hindi mo makikita ang araw ng ilang panahon.”
May ulap at kadiliman na agad nahulog sa kanya at siya'y lumibot na humahanap ng sa kanya'y aakay sa kamay.
12 Nang makita ng proconsul ang nangyari, siya'y naniwala sapagkat siya'y namangha sa turo ng Panginoon.
Sa Antioquia ng Pisidia
13 At umalis mula sa Pafos si Pablo at ang kanyang mga kasama at nakarating sa Perga sa Pamfilia. Ngunit iniwan sila ni Juan at nagbalik sa Jerusalem.
14 Ngunit naglakbay sila mula sa Perga at nakarating sa Antioquia ng Pisidia. At nang araw ng Sabbath, sila'y pumasok sa sinagoga at umupo.
15 Pagkatapos ng pagbasa ng kautusan at ng mga propeta, ang mga pinuno sa sinagoga ay nagpautos sa kanila na sinasabi, “Mga kapatid, kung mayroon kayong anumang salitang magpapalakas ng loob ng mga tao ay sabihin ninyo.”
16 Kaya't tumindig si Pablo at sa pagsenyas ng kanyang kamay ay nagsabi,
“Mga lalaking Israelita, at kayong may takot sa Diyos, makinig kayo.
17 Hinirang(A) ng Diyos nitong bayang Israel ang ating mga ninuno, at ginawang dakila ang bayan nang sila'y nakipamayan sa Ehipto, at sa pamamagitan ng nakataas na bisig ay kanyang inilabas sila roon.
18 (B) Sa halos apatnapung taon ay kanyang pinagtiyagaan sila sa ilang.
19 Nang(C) mawasak na niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan, ibinigay niya sa kanila ang kanilang lupain bilang pamana,
20 sa(D) loob ng halos apatnaraan at limampung taon. Pagkatapos ng mga bagay na ito ay kanyang binigyan sila ng mga hukom hanggang kay Samuel na propeta.
21 (E) Pagkatapos ay humingi sila ng hari at ibinigay sa kanila ng Diyos si Saulo na anak ni Kish na isang lalaki sa lipi ni Benjamin na naghari sa loob ng apatnapung taon.
22 (F) Nang siya'y alisin niya, si David ay ginawang hari nila. Sa kanyang patotoo ay sinabi niya tungkol sa kanya, ‘Natagpuan ko si David na anak ni Jesse, na isang lalaking kinalulugdan ng aking puso, na gagawa ng buong kalooban ko.’
23 Mula sa binhi ng taong ito, ang Diyos ay nagkaloob ng isang Tagapagligtas sa Israel na si Jesus, gaya ng kanyang ipinangako.
24 Bago(G) pa siya dumating ay nangaral si Juan ng bautismo ng pagsisisi sa buong bayan ng Israel.
25 At(H) samantalang tinatapos ni Juan ang kanyang gawain ay sinabi niya, ‘Sino ba ako sa inyong akala? Hindi ako siya. Ngunit may dumarating na kasunod ko. Hindi ako karapat-dapat na magkalag ng sandalyas ng kanyang mga paa.’
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001