Old/New Testament
Sigaion ni David na kanyang inawit sa Panginoon tungkol kay Cus na Benjaminita.
7 O Panginoon kong Diyos, nanganganlong ako sa iyo,
iligtas mo ako sa lahat ng humahabol sa akin, at iligtas mo ako,
2 baka gaya ng leon ay lurayin nila ako,
na kinakaladkad akong papalayo, at walang sumaklolo.
3 O Panginoon kong Diyos, kung ginawa ko ito,
kung may pagkakamali sa mga kamay ko,
4 kung ako'y gumanti ng kasamaan sa aking kaibigan
o nilooban ang aking kaaway na walang dahilan,
5 hayaang habulin ako ng aking kaaway at abutan ako,
at tapakan niya sa lupa ang buhay ko,
at ilagay sa alabok ang kaluwalhatian ko. (Selah)
6 Ikaw ay bumangon, O Panginoon, sa iyong galit,
itaas mo ang iyong sarili laban sa poot ng aking mga kagalit,
at gumising ka dahil sa akin; ikaw ay nagtakda ng pagsusulit.
7 Hayaang ang kapulungan ng mga tao ay pumaligid sa iyo;
at bumalik ka sa itaas sa ibabaw nito.
8 Ang Panginoon ay humahatol sa mga bayan;
hatulan mo ako, O Panginoon, ayon sa aking katuwiran,
at ayon sa taglay kong katapatan.
9 O(A) nawa'y magwakas na ang kasamaan ng masama,
ngunit itatag mo ang matuwid;
sapagkat sinusubok ng matuwid na Diyos
ang mga puso at mga pag-iisip.[a]
10 Ang Diyos ay aking kalasag,
na nagliligtas ng pusong tapat.
11 Ang Diyos ay hukom na matuwid,
at isang Diyos na araw-araw ay may galit.
12 Kung hindi magsisi ang tao, ihahasa ng Diyos ang tabak nito;
kanyang inihanda at iniumang ang kanyang palaso;
13 nakakamatay na mga sandata ang kanyang inihanda,
kanyang pinapagniningas ang kanyang mga pana.
14 Narito, siya'y nagdaramdam ng kasamaan;
at siya'y naglihi ng kasamaan, at nanganak ng kabulaanan.
15 Siya'y gumawa ng hukay at pinalalim pang kusa,
at nahulog sa butas na siya ang may gawa.
16 Bumabalik sa sarili niyang ulo ang gawa niyang masama,
at ang kanyang karahasan sa sarili niyang bumbunan ay bumababa.
17 Ibibigay ko sa Panginoon ang pasasalamat na nararapat sa kanyang katuwiran,
at ako'y aawit ng papuri sa pangalan ng Panginoon, ang Kataas-taasan.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith. Awit ni David.
8 O Panginoon, aming Panginoon,
sa buong lupa ay napakadakila ng iyong pangalan!
Sa itaas ng mga langit ay inaawit ang iyong kaluwalhatian
2 mula(B) sa bibig ng mga sanggol at mga musmos,
ikaw ay nagtatag ng tanggulan dahil sa mga kalaban mo,
upang patahimikin ang kaaway at ang maghihiganti sa iyo.
3 Kapag pinagmamasdan ko ang iyong kalangitan, ang gawa ng iyong mga daliri,
ang buwan at ang mga bituin na iyong inilagay;
4 ano(C) ang tao upang siya'y iyong alalahanin,
at ang anak ng tao upang siya'y iyong kalingain?
5 Gayunma'y ginawa mo siyang mababa lamang nang kaunti kaysa Diyos,
at pinutungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.
6 Binigyan(D) mo siya ng kapamahalaan sa mga gawa ng iyong mga kamay;
sa ilalim ng kanyang mga paa ay inilagay mo ang lahat ng mga bagay,
7 lahat ng tupa at baka,
gayundin ang mga hayop sa parang,
8 ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga isda sa dagat,
anumang nagdaraan sa mga daanan ng dagat.
9 O Panginoon, aming Panginoon,
sa buong lupa ay napakadakila ang iyong pangalan!
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Muth-labben. Awit ni David.
9 Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng buong puso ko;
aking sasabihin sa lahat ang kahanga-hangang mga gawa mo.
2 Ako'y magagalak at magsasaya sa iyo.
O Kataas-taasan, ako'y aawit ng pagpuri sa pangalan mo.
3 Nang magsibalik ang mga kaaway ko,
sila'y natisod at nalipol sa harapan mo.
4 Sapagkat iyong pinanatili ang matuwid na usapin ko,
ikaw ay naggagawad ng matuwid na hatol habang nakaupo sa trono.
5 Iyong sinaway ang mga bansa, nilipol mo ang masama,
pinawi mo ang kanilang pangalan magpakailanman.
6 Ang kaaway ay naglaho sa walang hanggang pagkawasak;
ang kanilang mga lunsod ay binunot mo,
ang tanging alaala nila ay naglaho.
7 Ngunit nakaupong hari magpakailanman ang Panginoon,
itinatag niya ang kanyang trono para sa paghatol;
8 at hinahatulan niyang may katarungan ang sanlibutan,
at ang mga tao'y pantay-pantay niyang hinahatulan.
9 Ang muog para sa naaapi ay ang Panginoon,
isang muog sa magugulong panahon.
10 At silang nakakakilala ng iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo;
sapagkat ikaw, O Panginoon, ay hindi nagpabaya sa mga naghahanap sa iyo.
11 Magsiawit kayo ng mga pagpuri sa Panginoon, sa mga nagsisitahan sa Zion!
Ipahayag ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa!
12 Sapagkat siya na naghihiganti ng dugo ay inaalala sila;
hindi niya kinalilimutan ang daing ng nagdurusa.
13 O Panginoon! Kahabagan mo ako,
mula sa kanila na napopoot sa akin, ang tinitiis ko'y masdan mo.
Yamang mula sa mga pintuan ng kamatayan, ako ay itinaas mo,
14 upang aking maisaysay ang lahat ng kapurihan mo,
upang sa mga pintuan ng anak na babae ng Zion,
ay ikagalak ko ang pagliligtas mo.
15 Nahulog ang mga bansa, sa hukay na kanilang ginawa;
sa lambat na kanilang ikinubli, sarili nilang mga paa ang nahuli.
16 Ipinakilala ng Panginoon ang sarili niya,
siya'y naglapat ng pasiya;
ang masama ay nasilo sa mga gawa
ng kanilang sariling mga kamay. (Higgaion. Selah)
17 Babalik sa Sheol ang masama
ang lumilimot sa Diyos sa lahat ng mga bansa.
18 Sapagkat ang nangangailangan ay hindi laging malilimutan,
at ang pag-asa ng dukha ay hindi mapapawi magpakailanman.
19 Bumangon ka, O Panginoon; huwag papanaigin ang tao;
hatulan mo ang mga bansa sa harapan mo!
20 Ilagay mo sila sa pagkatakot, O Panginoon!
Ipaalam mo sa mga bansa na sila'y mga tao lamang! (Selah)
Sa Corinto
18 Pagkatapos ng mga bagay na ito, umalis si Pablo[a] sa Atenas, at pumunta sa Corinto.
2 Natagpuan niya roon ang isang Judio na ang pangalan ay Aquila, isang lalaking tubong Ponto, na kararating pa lamang mula sa Italia, kasama si Priscila na kanyang asawa, sapagkat ipinag-utos ni Claudio na ang lahat ng Judio ay umalis sa Roma. Pumunta si Pablo[b] sa kanila;
3 at dahil ang hanapbuhay niya'y tulad din ng kanila, tumuloy siya sa kanila, at sila'y magkakasamang nagtrabaho—parehong paggawa ng tolda ang hanapbuhay nila.
4 At siya'y nakikipagtalo tuwing Sabbath sa sinagoga at sinisikap na mahikayat ang mga Judio at mga Griyego.
5 Nang sina Silas at Timoteo ay dumating mula sa Macedonia, si Pablo ay naging abala sa pangangaral at pinatotohanan sa mga Judio na ang Cristo ay si Jesus.
6 Nang sila'y tumutol at lapastanganin siya, ipinagpag niya ang kanyang kasuotan at sa kanila'y sinabi, “Ang inyong dugo'y sumainyong sariling mga ulo! Ako'y malinis. Mula ngayon, pupunta ako sa mga Hentil.”
7 Siya'y umalis doon at pumasok sa bahay ng isang lalaking ang pangalan ay Tito Justo, na sumasamba sa Diyos; ang kanyang bahay ay katabi ng sinagoga.
8 At si Crispo, ang pinuno sa sinagoga ay nanampalataya sa Panginoon, kasama ang kanyang buong sambahayan; at marami sa mga taga-Corinto dahil sa pakikinig kay Pablo ay nanampalataya at nabautismuhan.
9 Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa isang pangitain, “Huwag kang matakot, kundi magsalita ka, at huwag kang tumahimik;
10 sapagkat ako'y kasama mo, at walang taong gagalaw sa iyo upang saktan ka; sapagkat marami akong tao sa lunsod na ito.”
11 At siya'y nanatili roon ng isang taon at anim na buwan, na itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos.
12 Subalit nang si Galio ay proconsul ng Acaia, ang mga Judio ay nagkaisang dakpin si Pablo at siya'y dinala sa harapan ng hukuman.
13 Kanilang sinabi, “Hinihikayat ng taong ito ang mga tao na sumamba sa Diyos laban sa kautusan.”
14 Ngunit nang magsasalita na si Pablo ay sinabi ni Galio sa mga Judio, “Kung ito'y tungkol sa masamang gawa o mabigat na kasalanan, ay may dahilan akong pagtiisan kayong mga Judio,
15 ngunit yamang ito ay usapin tungkol sa mga salita at mga pangalan at sa inyong sariling kautusan, kayo na ang bahala rito; wala akong hangad na maging hukom sa mga bagay na ito.”
16 At sila'y pinaalis niya sa hukuman.
17 Sinunggaban nilang lahat si Sostenes, ang pinuno sa sinagoga, at siya'y binugbog sa harapan ng hukuman. Ngunit hindi pinansin ni Galio ang mga bagay na ito.
Ang Pagbabalik sa Antioquia
18 Ngunit(A) si Pablo ay nanatili pa ng ilang araw, pagkatapos ay nagpaalam na sa mga kapatid, at buhat doo'y naglakbay patungo sa Siria, at kasama niya sina Priscila at Aquila. Inahit niya ang kanyang buhok sa Cencrea, sapagkat siya'y may panata.
19 Pagdating nila sa Efeso sila'y iniwan niya roon; ngunit pumasok muna siya sa sinagoga at nakipagtalo sa mga Judio.
20 Nang siya'y pinakiusapan nila na tumigil pa roon ng mas mahabang panahon, ay hindi siya pumayag,
21 kundi nang siya'y nagpaalam sa kanila, ay sinabi, “Babalik uli ako sa inyo kung loloobin ng Diyos.” At siya'y naglakbay buhat sa Efeso.
22 Nang dumaong na siya sa Cesarea, siya'y pumunta[c] sa Jerusalem at bumati sa iglesya, at pagkatapos ay nagtungo sa Antioquia.
23 Pagkatapos gumugol ng ilang panahon doon, umalis siya at nagpalipat-lipat sa mga lupain ng Galacia at Frigia, na pinapalakas ang lahat ng mga alagad.
Si Apolos sa Efeso at sa Corinto
24 Dumating noon sa Efeso ang isang Judio na ang pangalan ay Apolos, na tubong Alejandria. Siya ay mahusay magsalita at dalubhasa sa mga kasulatan.
25 Ang taong ito'y tinuruan sa Daan ng Panginoon; at palibhasa'y may maalab na espiritu, nagsalita siya at nagturo nang wasto tungkol kay Jesus, bagaman ang nalalaman lamang niya ay ang bautismo ni Juan.
26 At siya'y nagsimulang magsalita ng buong tapang sa sinagoga, ngunit nang siya'y marinig nina Priscila at Aquila ay kanilang isinama siya at ipinaliwanag sa kanya nang mas matuwid ang Daan ng Diyos.
27 Nang ibig niyang lumipat sa Acaia, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob at sinulatan nila ang mga alagad na siya'y tanggapin. Nang siya'y dumating, kanyang lubos na tinulungan ang mga taong sa pamamagitan ng biyaya ay sumampalataya.
28 Sapagkat may kapangyarihan niyang dinaig nang hayagan ang mga Judio, ipinapakita niya sa pamamagitan ng mga kasulatan na ang Cristo ay si Jesus.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001