Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 43-45

43 O Diyos, pawalang-sala mo ako, at ang aking usapin ay ipagtanggol mo
    laban sa isang bayang masama;
iligtas mo ako sa mga taong hindi makatarungan at mandaraya.
Sapagkat ikaw ang Diyos na aking kalakasan,
    bakit mo ako itinakuwil?
Bakit ako lalakad na tumatangis
    dahil sa kaaway kong malupit?

O suguin mo ang iyong liwanag at iyong katotohanan;
    patnubayan nawa ako ng mga iyon,
dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok,
    at sa iyong tirahan!
Kung magkagayo'y pupunta ako sa dambana ng Diyos,
    sa Diyos na aking malabis na kagalakan;
at pupurihin kita ng alpa,
    O Diyos, aking Diyos.
Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat ikaw ay muling pupurihin ko,
    ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.

Panalangin para sa Pag-iingat

Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.

44 Narinig ng aming mga tainga, O Diyos,
    isinaysay sa amin ng aming mga ninuno,
kung anong mga gawa ang iyong ginawa nang panahon nila,
    nang mga unang araw:
sa pamamagitan ng iyong kamay itinaboy mo ang mga bansa,
    ngunit itinanim mo sila;
iyong pinarusahan ang mga bayan,
    at iyong ikinalat sila.
Sapagkat hindi nila pinagwagian ang lupain sa pamamagitan ng kanilang sariling tabak,
    ni ang sarili nilang kamay ay nagbigay sa kanila ng tagumpay;
kundi ng iyong kanang kamay, at ng iyong bisig,
    at ng liwanag ng iyong mukha,
    sapagkat ikaw ay nalulugod sa kanila.

Ikaw ang aking Hari at aking Diyos,
    na nag-utos ng kaligtasan para kay Jacob.
Sa pamamagitan mo'y itutulak namin ang aming mga kaaway:
    sa pamamagitan ng iyong pangalan ay tatapakan namin ang mga sumasalakay sa amin.
Sapagkat hindi ako magtitiwala sa aking pana,
    ni ililigtas man ako ng aking tabak.
Ngunit iniligtas mo kami sa aming mga kaaway,
    at ang mga napopoot sa amin ay inilagay mo sa kahihiyan.
Sa pamamagitan ng Diyos ay patuloy kaming nagmamalaki,
at sa iyong pangalan magpakailanman ay magpapasalamat kami. (Selah)

Gayunma'y itinakuwil at kasiraang-puri sa amin ay ibinigay mo,
    at hindi ka lumalabas na kasama ng aming mga hukbo.
10 Pinatalikod mo kami sa kaaway;
    at silang mga galit sa amin ay kumuha ng samsam para sa kanilang sarili.
11 Ibinigay mo kami upang kainin na parang tupa,
    at ikinalat mo kami sa mga bansa.
12 Ipinagbili mo ang iyong bayan sa napakaliit na halaga,
    at hindi humingi ng malaking halaga para sa kanila.

13 Ginawa mo kaming katatawanan ng aming mga kapwa,
    ang tudyuhan at paglibak ng mga nasa palibot namin.
14 Sa gitna ng mga bansa'y ginawa mo kaming kawikaan,
    isang bagay na pinagtatawanan ng mga bayan.
15 Buong araw ay nasa harapan ko ang aking kasiraang-puri,
    at ang kahihiyan ay tumakip sa aking mukha,
16 dahil sa tinig niya na nang-uuyam at nanlalait,
    dahil sa paningin ng kaaway at naghihiganti.

17 Lahat ng ito'y dumating sa amin;
    bagaman hindi ka namin kinalimutan,
    at hindi kami gumagawa ng kamalian sa iyong tipan.
18 Ang aming puso ay hindi tumalikod,
    ni ang amin mang mga hakbang ay humiwalay sa iyong daan;
19 upang kami ay iyong durugin sa lugar ng mga asong-gubat,
    at tinakpan mo kami ng anino ng kamatayan.

20 Kung aming kinalimutan ang pangalan ng aming Diyos,
    o iniunat ang aming mga kamay sa ibang diyos;
21 hindi ba ito'y matutuklasan ng Diyos?
    Sapagkat nalalaman niya ang mga lihim ng puso.
22 Dahil(A) sa iyo ay pinapatay kami buong araw;
    at itinuturing na parang mga tupa para sa katayan.

23 Ikaw ay bumangon! Bakit ka natutulog, O Panginoon?
    Gumising ka! Huwag mo kaming itakuwil magpakailanman.
24 Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha?
    Bakit mo kinalilimutan ang aming kalungkutan at kapighatian?
25 Sapagkat ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok;
    ang aming katawan ay dumidikit sa lupa.
26 Ikaw ay bumangon, tulungan mo kami!
    Iligtas mo kami alang-alang sa iyong tapat na pag-ibig!

Maskil para sa Maharlikang Kasalan

Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora. Awit tungkol sa Pag-ibig.

45 Ang aking puso ay nag-uumapaw sa mabuting paksa,
    ipinatutungkol ko ang aking mga salita sa hari;
    ang aking dila ay gaya ng panulat ng bihasang manunulat.

Ikaw ang pinakamaganda sa mga anak ng mga tao;
    ang biyaya ay ibinubuhos sa mga labi mo,
    kaya't pinagpala ka ng Diyos magpakailanman.
Ibigkis mo ang iyong tabak sa iyong hita, O makapangyarihan,
    sa iyong kaluwalhatian at kamahalan!

At sa iyong kamahalan ay sumakay kang nananagumpay
    para sa mga bagay ng katotohanan, at kaamuan at katuwiran;
    ang iyong kanang kamay nawa ay magturo sa iyo ng kakilakilabot na mga gawa!
Ang iyong mga palaso ay matalas
    sa puso ng mga kaaway ng hari,
    ang mga bayan ay nabuwal sa ilalim mo.

Ang(B) iyong banal na trono ay magpakailanpaman.
    Ang iyong setro ng kaharian ay setro ng katarungan;
    iyong iniibig ang katuwiran at kinasusuklaman ang kasamaan.
Kaya't ang Diyos, ang iyong Diyos, ay pinahiran ka ng langis,
    ng langis ng kagalakan na higit kaysa iyong mga kasamahan.
    Lahat ng iyong mga damit ay mabango dahil sa mira, mga aloe, at kasia.
Mula sa palasyong garing ay pinasasaya ka ng mga panugtog na may kuwerdas.
    Ang mga anak na babae ng mga hari ay kabilang sa iyong mararangal na babae;
    sa iyong kanang kamay ay nakatayo ang reyna na may ginto ng Ofir.

10 Pakinggan mo, O anak na babae, iyong isaalang-alang, at ikiling mo ang iyong pandinig,
    kalimutan mo ang iyong bayan at ang bahay ng iyong magulang;
11     at nanasain ng hari ang iyong ganda;
yamang siya'y iyong panginoon, yumukod ka sa kanya.
12     At ang anak na babae ng Tiro ay magsisikap na kunin ang iyong pagtatangi na may kaloob;
    at ang pinakamayaman sa mga bayan ay hahanap ng iyong kagandahang-loob.

13 Ang anak na babae ng hari ay puspos ng kaluwalhatian sa loob niya, mga gintong hinabi ang kasuotang nasa kanya.
14     Siya'y inihahatid sa hari na may kasuotang makulay,
    ang mga birhen, kanyang mga kasama na sumusunod sa kanya, ay dadalhin sa kanya.
15 May kasayahan at kagalakan na inihahatid sila
    habang sila'y nagsisipasok sa palasyo ng hari.
16 Sa halip ng iyong mga magulang ay ang iyong mga anak,
    gagawin mo silang mga pinuno sa buong lupa.
17 Aking ipapaalala sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan,
    kaya't ang mga bayan ay magpapasalamat sa iyo magpakailanpaman.

Mga Gawa 27:27-44

27 Nang dumating ang ikalabing-apat na gabi, samantalang kami'y ipinapadpad ng hangin sa kabila ng Dagat ng Adriatico, nang maghahating-gabi na ay inakala ng mga mandaragat na sila'y papalapit na sa lupa.

28 Nang kanilang tarukin ay nalamang dalawampung dipa; at pagkasulong ng kaunti ay tinarok nilang muli at nalamang may labinlimang dipa.

29 Sa takot naming mapapadpad sa batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan at nanalanging mag-umaga na.

30 Subalit nang magtangka ang mga mandaragat na makaalis sa barko at ibinaba ang bangka sa dagat, na ang idinadahilan ay maghuhulog sila ng mga angkla sa unahan,

31 ay sinabi ni Pablo sa senturion at sa mga kawal, “Malibang manatili ang mga taong ito sa barko, kayo'y hindi makakaligtas.”

32 Nang magkagayo'y pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangka, at pinabayaang mahulog.

33 Nang mag-uumaga na, hinimok silang lahat ni Pablo na kumain, na sinasabi, “Ang araw na ito ang ikalabing-apat na araw na kayo'y naghihintay na walang kinakaing anuman.

34 Kaya't ipinapakiusap ko sa inyo na kayo'y kumain; ito ay para sa inyong kaligtasan, sapagkat hindi malalaglag kahit ang isang buhok sa ulo ng sinuman sa inyo.”

35 Nang masabi na niya ito, at makakuha ng tinapay, ay nagpasalamat siya sa Diyos sa harapan ng lahat. Ito'y kanyang pinagputul-putol at nagsimulang kumain.

36 Nang magkagayo'y lumakas ang loob ng lahat, at sila nama'y kumain din.

37 Kaming lahat na nasa barko ay dalawandaan at pitumpu't anim na kaluluwa.

38 Nang makakain na sila nang sapat, pinagaan nila ang barko sa pamamagitan ng pagtatapon ng trigo sa dagat.

Nagpatuloy ang Barko

39 Nang mag-umaga na, hindi nila napansin ang lupa, ngunit nababanaagan nila ang isang look na may baybayin, at sila'y nagbalak na maisadsad doon ang barko.

40 Inihulog nila ang mga angkla at kanilang iniwan iyon sa dagat samantalang kinakalag ang mga tali ng mga ugit. Nang maitaas na nila sa hangin ang layag sa unahan ay nagtungo sila sa baybayin.

41 Ngunit pagdating sa isang dako na pinagsasalubungan ng dalawang dagat, ay kanilang isinadsad ang barko at ang unahan ng barko ay hindi nakaalis at nanatiling hindi kumikilos, at ang hulihan ay winasak ng lakas ng mga alon.

42 Ang balak ng mga kawal ay pagpapatayin ang mga bilanggo upang ang sinuma'y hindi makalangoy at makatakas.

43 Sa pagnanais na iligtas si Pablo, pinigil sila ng senturion sa kanilang balak. Ipinag-utos niya na ang mga marunong lumangoy ay tumalon, at mauna na sa lupa;

44 at ang mga naiwan ay sumunod, ang ilan ay sa ibabaw ng mga kahoy, at ang iba ay sa bahagi ng barko. Sa gayon ang lahat ay ligtas na nakarating sa lupa.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001