Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 40-42

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

40 Matiyaga akong naghintay sa Panginoon;
    kumiling siya sa akin at pinakinggan ang aking daing.
Iniahon niya ako sa hukay ng pagkawasak,
    mula sa putikang lusak,
at itinuntong niya ang mga paa ko sa isang malaking bato,
    at pinatatag ang aking mga hakbang.
Nilagyan niya ng bagong awit ang aking bibig,
    isang awit ng pagpupuri sa ating Diyos.
Marami ang makakakita at matatakot,
    at magtitiwala sa Panginoon.

Mapalad ang tao na kaniyang ginawang tiwala ang Panginoon,
na hindi bumabaling sa mga mapagmataas,
    pati sa mga naligaw sa kamalian.
Pinarami mo, O Panginoon kong Diyos,
    ang iyong mga kagila-gilalas na gawa at ang iyong mga pag-aalala sa amin;
    walang maaaring sa iyo'y ihambing!
Kung aking ipahahayag ang mga iyon at isasaysay,
    ang mga iyon ay higit kaysa mabibilang.

Hain(A) at handog ay hindi mo ibig,
    ngunit binigyan mo ako ng bukas na pandinig.
Handog na sinusunog at handog pangkasalanan
    ay hindi mo kinailangan.
Nang magkagayo'y sinabi ko: “Narito, ako'y dumarating;
    sa balumbon ng aklat ay nakasulat ang tungkol sa akin;
kinaluluguran kong sundin ang iyong kalooban, O Diyos ko;
    ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.”

Ako'y nagpahayag ng masayang balita ng kaligtasan
    sa dakilang kapulungan;
narito, ang aking mga labi ay hindi ko pipigilan,
    O Panginoon, iyong nalalaman.
10 Hindi ko ikinubli ang iyong katuwiran sa loob ng aking puso;
ibinalita ko ang iyong katapatan at ang pagliligtas mo;
hindi ko inilihim ang iyong tapat na pag-ibig at ang iyong katapatan
    sa dakilang kapulungan.

11 Huwag mong ipagkait sa akin, O Panginoon,
    ang iyong kahabagan,
    lagi nawa akong ingatan
    ng iyong tapat na pag-ibig at ng iyong katapatan!
12 Sapagkat pinaligiran ako ng kasamaang di mabilang,
inabutan ako ng aking mga kasamaan,
    hanggang sa ako'y hindi makakita;
sila'y higit pa kaysa mga buhok ng aking ulo,
    nanghihina ang aking puso.

13 Kalugdan[a] mo nawa, O Panginoon, na ako'y iligtas mo!
    O Panginoon, ikaw ay magmadaling tulungan ako!
14 Sila nawa'y mapahiya at hamaking sama-sama
    silang nagsisikap na agawin ang aking buhay;
sila nawa'y mapaurong at madala sa kahihiyan,
    silang nagnanais ng aking kapahamakan.
15 Matakot nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan
    na nagsasabi sa akin, “Aha! Aha!”

16 Ngunit magalak at matuwa nawa sa iyo
    ang lahat ng sa iyo'y nagsisihanap;
yaong umiibig sa iyong pagliligtas
    ay patuloy nawang magsabi, “Dakilain ang Panginoon!”
17 Dahil sa ako'y nahihirapan at nangangailangan,
    alalahanin nawa ako ng Panginoon.
Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas;
    huwag kang magtagal, O aking Diyos.

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

41 Mapalad siya na nagbibigay-pansin sa dukha!
    Ililigtas siya ng Panginoon sa araw na masama.
Iniingatan siya ng Panginoon at pinananatiling buháy
    siya'y tatawaging pinagpala sa lupain;
    hindi mo siya ibinigay sa kagustuhan ng kanyang mga kaaway.
Aalalayan siya ng Panginoon sa kanyang higaan ng karamdaman,
    sa kanyang pagkakasakit ay iyong inaayos ang buo niyang higaan.

Tungkol sa akin, aking sinabi, “O Panginoon, sa akin ay maawa ka,
    pagalingin mo ako, sapagkat laban sa iyo, ako'y nagkasala!”
Ang mga kaaway ko ay nagsalita ng kasamaan laban sa akin,
    “Kailan siya mamamatay, at ang kanyang pangalan ay mapapawi rin?”
At nang siya'y pumarito upang tingnan ako, siya'y nagsasalita ng mga salitang walang laman,
    habang ang kanyang puso ay nagtitipon ng kasamaan,
    kapag siya'y lumabas, ipinamamalita niya ito.
Lahat ng napopoot sa akin ay nagbubulung-bulungan laban sa akin;
    kanilang iniisip ang pinakamasama para sa akin.

Kanilang sinasabi, “Isang masamang bagay ang ibinuhos sa kanya,
    hindi na siya muling babangon sa kanyang pagkahiga.”
Maging(B) ang matalik kong kaibigan na aking pinagtitiwalaan,
    na kumain ng aking tinapay, ay nagtaas ng kanyang sakong sapagkat sa akin ay laban.
10 Ngunit ikaw, O Panginoon ko, maawa ka sa akin,
    at ibangon mo ako, upang sa kanila'y makaganti ako!

11 Sa pamamagitan nito ay nalalaman ko na nalulugod ka sa akin,
    dahil sa ang aking kaaway ay hindi sisigaw sa pagtatagumpay laban sa akin.
12 At tungkol sa akin, inaalalayan mo ako sa aking katapatan,
    at inilalagay mo ako sa iyong harapan magpakailanman.

13 Purihin(C) ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
    mula sa walang pasimula at hanggang sa walang hanggan.
Amen at Amen.

IKALAWANG AKLAT

Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.

42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
    gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
    sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
    ang mukha ng Diyos?
Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
    “Nasaan ang iyong Diyos?”
Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
    habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
    at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
    napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
    dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.

O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
    kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
    mula sa Bundok ng Mizhar.
Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
    sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
    sa akin ay tumabon.
Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
    at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
    isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.

Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
    “Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
    dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
    ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
    “Nasaan ang Diyos mo?”

11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
    ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.

Mga Gawa 27:1-26

Naglayag si Pablo Patungong Roma

27 Nang ipasiya na kami ay maglalayag patungo sa Italia, inilipat nila si Pablo at ang iba pang bilanggo sa senturion na ang pangalan ay Julio, mula sa mga kawal ni Augusto.

Pagkalulan sa isang barkong Adrameto na maglalayag sa mga daungan sa baybayin ng Asia, tumulak kami kasama si Aristarco na isang taga-Macedonia mula sa Tesalonica.

Nang sumunod na araw ay dumaong kami sa Sidon; at pinakitunguhang mabuti ni Julio si Pablo at pinahintulutan siyang pumaroon sa kanyang mga kaibigan upang siya'y matulungan.

Nang kami'y tumulak buhat doon, naglayag kami na nanganganlong sa Cyprus, sapagkat pasalungat sa amin ang hangin.

Pagkatapos na makapaglayag kami sa kabila ng dagat na nasa tapat ng Cilicia at Pamfilia, nakarating kami sa Mira ng Licia.

Nakatagpo roon ang senturion ng isang barkong Alejandria na naglalayag patungo sa Italia at pinasakay niya kami roon.

Marahan kaming naglayag nang maraming araw at may kahirapan kaming nakarating sa tapat ng Cnido. Nang hindi kami pinahintulutan ng hanging makasulong pa, naglayag kami na nanganganlong sa Creta, sa tapat ng Salmone.

Sa pamamaybay namin dito na may kahirapan ay nakarating kami sa isang lugar na tinatawag na Mabubuting Daungan, malapit sa lunsod ng Lasea.

Yamang maraming panahon na ang nawala at ang paglalayag ay mapanganib na, sapagkat maging ang pag-aayuno ay nakalampas na, ay pinayuhan sila ni Pablo,

10 na sinasabi, “Mga ginoo, nakikita ko na ang paglalayag na ito ay makakapinsala at magiging malaking kapahamakan, hindi lamang sa kargamento at sa barko, kundi pati na rin sa ating mga buhay.”

11 Ngunit higit na pinaniwalaan ng senturion ang kapitan at ang may-ari ng barko, kaysa mga bagay na sinabi ni Pablo.

12 Sapagkat hindi bagay hintuan sa tagginaw ang daungan, ipinayo ng karamihan na tumulak mula roon at baka sakaling makarating sila sa Fenix at magpalipas ng taglamig doon. Ito ay daungan ng Creta na nasa dakong hilagang-silangan at timog-silangan.

Bumagyo sa Dagat

13 Nang marahang humihip ang hanging habagat, na inakala nilang maisasagawa nila ang kanilang layunin; kaya itinaas nila ang angkla at namaybay sa baybayin ng Creta.

14 Subalit hindi nagtagal at bumulusok ang isang maunos na hangin na tinatawag na Euraclidon.

15 Yamang inabutan ang barko at hindi makasalungat sa hangin, nagpadala na lamang kami at kami'y ipinadpad.

16 Sa paglalayag na nanganganlong sa isang maliit na pulo na tinatawag na Cauda, ay bahagya naming napatakbo ang bangka.

17 Nang maitaas na ito, gumawa sila ng paraan upang matalian ng lubid ang barko. Dahil sa takot na baka sila mapapadpad sa Sirte, ibinaba nila ang mga layag at sa gayo'y naanod sila.

18 Kami ay binabayo ng malakas na bagyo, kaya't nang sumunod na araw ay nagsimula silang magtapon ng mga kargamento sa dagat.

19 Nang ikatlong araw ay kanilang ipinagtatapon ang mga kasangkapan ng barko.

20 Nang hindi sumikat sa amin ang araw ni ang mga bituin man nang maraming araw, at humahampas pa rin sa amin ang isang malakas na bagyo, nawala ang buong pag-asa naming makakaligtas.

21 Sapagkat matagal na silang hindi kumakain, tumayo si Pablo sa gitna nila, at sinabi, “Mga ginoo, nakinig sana kayo sa akin, at hindi naglayag mula sa Creta, at naiwasan ang kapinsalaan at kapahamakang ito.

22 Ngayon ay ipinapakiusap ko sa inyo na inyong lakasan ang inyong loob sapagkat walang buhay na mapapahamak sa inyo, kundi ang barko lamang.

23 Sapagkat sa gabing ito ay tumayo sa tabi ko ang isang anghel ng Diyos na nagmamay-ari sa akin, at siya ko namang pinaglilingkuran,

24 na nagsasabi, ‘Huwag kang matakot, Pablo. Kailangan mong humarap kay Cesar. At tunay na ipinagkaloob ng Diyos ang kaligtasan sa lahat ng kasama mo sa paglalayag.’

25 Kaya, mga ginoo, lakasan ninyo ang inyong loob, sapagkat ako'y sumasampalataya sa Diyos na mangyayari ito ayon sa sinabi sa akin.

26 Subalit tayo'y kailangang mapadpad sa isang pulo.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001