Old/New Testament
Inilarawan ni Zofar ang Bahagi ng Masama
20 Nang magkagayo'y sumagot si Zofar na Naamatita, at sinabi,
2 “Kaya't sinasagot ako ng aking mga pag-iisip,
dahil sa pagmamadali na taglay ko.
3 Aking naririnig ang saway na humihiya sa akin,
at mula sa espiritu ng aking pagkaunawa ay sumasagot sa akin.
4 Hindi mo ba nalalaman ito nang una,
mula nang ang tao'y ilagay sa lupa,
5 na ang pagbubunyi ng masama ay maikli,
at ang kagalakan ng masasama ay sandali lamang?
6 Bagaman ang kanyang kataasan ay pumapailanglang hanggang sa langit,
at ang kanyang ulo ay umaabot hanggang sa mga ulap;
7 gayunman ay matutunaw siya magpakailanman, na gaya ng kanyang sariling dumi;
silang nakakita sa kanya ay magsasabi, ‘Nasaan siya?’
8 Siya'y lilipad na papalayong gaya ng panaginip, at hindi masusumpungan.
Siya'y hahabulin na parang pangitain sa gabi.
9 Ang mata na nakakita sa kanya ay hindi na siya makikita pa;
ni mamamalas pa man siya sa kanyang lugar.
10 Hahanapin ng kanyang mga anak ang lingap ng dukha,
at ang kanyang mga kamay ay magsasauli ng kanyang kayamanan.
11 Ang kanyang mga buto ay punô ng lakas ng kabataan,
ngunit ito'y hihiga na kasama niya sa alabok.
12 “Bagaman ang kasamaan ay masarap sa kanyang bibig,
bagaman kanyang itago sa ilalim ng kanyang dila;
13 bagaman ayaw niyang pakawalan,
kundi iniingatan pa sa kanyang bibig;
14 gayunma'y ang kanyang pagkain ay nabago na sa kanyang tiyan,
siyang kamandag ng mga ahas sa loob niya.
15 Siya'y sumakmal ng mga kayamanan, at kanyang isinusuka uli;
aalisin ng Diyos ang mga iyon sa kanyang tiyan.
16 Kanyang sisipsipin ang kamandag ng mga ahas;
papatayin siya ng dila ng ulupong.
17 Hindi niya titingnan ang mga ilog,
ang umaagos na mga bukal ng pulot at mantekilya.
18 Kanyang isasauli ang bunga na kanyang pinagpagalan,
at hindi niya lulunukin,
mula sa pakinabang ng kanyang pangangalakal,
hindi siya magtatamo ng kasiyahan.
19 Sapagkat kanyang dinurog at pinabayaan ang dukha;
kanyang kinamkam ang isang bahay na hindi niya itinayo.
20 “Sapagkat hindi nakakilala ng katahimikan ang kanyang kasakiman,
hindi siya makapag-iimpok ng anuman sa kanyang kinaluluguran.
21 Walang naiwan pagkatapos niyang kumain;
kaya't ang kanyang kasaganaan ay hindi mananatili.
22 Sa lubos niyang kasaganaan ay mapipighati sila,
lahat ng lakas ng kahirapan ay darating sa kanya.
23 Upang ganap na mapuno ang kanyang tiyan,
ihuhulog ng Diyos ang kanyang mabangis na poot sa kanya,
at pauulanin sa kanya bilang pagkain niya.
24 Kanyang tatakasan ang bakal na sandata,
isang panang tanso ang tatama sa kanya.
25 Ito ay binunot, at lumabas sa kanyang katawan,
oo, ang makintab na talim ay lumalabas mula sa apdo niya;
ang panghihilakbot ang dumating sa kanya.
26 Lubos na kadiliman ang nakahanda para sa kanyang kayamanan;
ang tutupok sa kanya ay apoy na hindi hinipan,
tutupukin niyon ang sa kanyang tolda ay naiwan.
27 Ihahayag ng mga langit ang kanyang kasamaan,
at ang lupa ay babangon na sa kanya ay laban.
28 Ang bunga ng kanyang bahay ay kukunin,
sa araw ng poot ng Diyos ay kakaladkarin.
29 Ito ang bahagi ng masamang tao mula sa Diyos,
at ang manang itinakda sa kanya ng Diyos.”
Pinatunayan ni Job na Masagana ang Buhay ng Masama
21 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,
2 “Pakinggan ninyong mabuti ang mga salita ko,
at ito'y maging kaaliwan ninyo.
3 Pagtiisan ninyo ako, at ako nama'y magsasalita,
at pagkatapos na ako'y makapagsalita, ay saka kayo manuya.
4 Sa ganang akin, ang sumbong ko ba ay laban sa tao?
Bakit hindi ako dapat mainip?
5 Tingnan ninyo ako, at manghilakbot kayo,
at ilagay ninyo ang inyong kamay sa bibig ninyo.
6 Kapag ito'y aking naaalala ay nanlulumo ako,
at nanginginig ang laman ko.
7 Bakit nabubuhay ang masama,
tumatanda, at nagiging malakas sa kapangyarihan?
8 Ang kanilang mga anak ay matatag sa kanilang paningin,
at nasa harapan ng kanilang mga mata ang kanilang supling.
9 Ligtas sa takot ang mga bahay nila,
ang pamalo ng Diyos ay wala sa kanila.
10 Ang kanilang baka ay naglilihi nang walang humpay,
ang kanilang baka ay nanganganak, at hindi napapahamak ang kanyang guya.
11 Kanilang inilabas ang kanilang mga bata na gaya ng kawan,
at ang kanilang mga anak ay nagsasayawan.
12 Sila'y nag-aawitan sa saliw ng tamburin at lira,
at nagkakatuwaan sa tunog ng plauta.
13 Ang kanilang mga araw sa kaginhawahan ay ginugugol,
at sila'y payapang bumababa sa Sheol.
14 At sinasabi nila sa Diyos, ‘Lumayo ka sa amin!
Hindi namin ninanasa na ang inyong mga lakad ay aming alamin.
15 Ano ang Makapangyarihan sa lahat, upang siya'y paglingkuran namin?
At anong pakinabang ang makukuha namin, kung kami sa kanya ay manalangin?’
16 Narito, hindi ba ang kanilang kaginhawahan ay nasa kanilang kamay?
Ang payo ng masama ay malayo sa akin.
17 “Gaano kadalas pinapatay ang ilaw ng masama?
Na ang kanilang kapahamakan ay dumarating sa kanila?
Na ipinamamahagi ng Diyos ang sakit sa kanyang galit?
18 Na sila'y gaya ng dayami sa harap ng hangin,
at gaya ng ipa na tinatangay ng bagyo?
19 Inyong sinasabi, ‘Iniipon ng Diyos ang kanilang kasamaan para sa kanyang mga anak.’
Iganti nawa niya sa kanilang sarili, upang ito'y malaman nila.
20 Makita nawa ng kanilang mga mata ang kanilang pagkagiba,
at painumin nawa sila ng poot ng Makapangyarihan sa lahat.
21 Sapagkat anong pinapahalagahan nila para sa kanilang bahay pagkamatay nila,
kapag ang bilang ng kanilang mga buwan ay natapos na?
22 May makakapagturo ba sa Diyos ng kaalaman?
Gayong ang nasa itaas ay kanyang hinahatulan?
23 Ang isa'y namamatay sa kanyang lubos na kasaganaan,
ganap na matatag at may katiwasayan.
24 Ang kanyang katawan ay punô ng taba,
at ang utak ng kanyang mga buto ay basa.
25 At ang isa pa'y namatay sa paghihirap ng kaluluwa,
at kailanman ay hindi nakatikim ng mabuti.
26 Sila'y nakahigang magkasama sa alabok,
at tinatakpan sila ng uod.
27 “Tingnan mo, aking nalalaman ang inyong haka,
at ang inyong mga balak na gawan ako ng masama.
28 Sapagkat inyong sinasabi, ‘Saan naroon ang bahay ng pinuno?
At saan naroon ang tolda na tinatahanan ng masama?’
29 Sa mga naglalakbay sa lansangan ay di ba itinanong ninyo?
At hindi ba ninyo tinatanggap ang kanilang mga patotoo?
30 Na ang masamang tao ay kaaawaan sa araw ng kapahamakan?
Na siya'y ililigtas sa araw ng kapootan?
31 Sinong magpapahayag ng kanyang lakad sa kanyang mukha?
At sinong maniningil sa kanya sa kanyang ginawa?
32 Kapag siya'y dinala sa libingan,
ay binabantayan ang kanyang himlayan.
33 Ang mga kimpal ng lupa ng libis ay mabuti sa kanya;
lahat ng tao ay susunod sa kanya,
at hindi mabilang ang mga nauna sa kanya.
34 Paano ngang inyong aaliwin ako ng walang kabuluhan?
Walang naiiwan sa inyong mga sagot kundi kabulaanan.”
24 Nang sumunod na araw ay dumating sila sa Cesarea. Sila'y hinihintay ni Cornelio, at tinipon ang kanyang mga kamag-anak at ang kanyang malalapit na kaibigan.
25 Pagpasok ni Pedro, sinalubong siya ni Cornelio at nagpatirapa sa kanyang paanan, at siya'y sinamba.
26 Ngunit pinatayo siya ni Pedro, na sinasabi, “Tumayo ka, ako man ay tao rin.”
27 At habang nakikipag-usap sa kanya, pumasok siya at kanyang naratnan ang maraming taong nagkakatipon.
28 Sinabi niya sa kanila, “Nalalaman ninyo na hindi ipinahihintulot sa isang Judio na makisama o lumapit sa isang banyaga; ngunit ipinakita sa akin ng Diyos, na huwag kong tawagin ang isang tao na marumi o karumaldumal.
29 Kaya't nang ipasundo ako, sumama ako nang walang pagtutol. Ngayon, itinatanong ko kung bakit mo ako ipinasundo.”
30 Sinabi ni Cornelio, “Apat na araw na ang nakakaraan, mga ganitong oras, nang ikasiyam na oras,[a] ako'y nananalangin sa aking bahay nang biglang tumindig sa harapan ko ang isang lalaki na may nagniningning na damit.
31 Sinabi niya, ‘Cornelio, dininig ang dalangin mo, at ang iyong mga limos ay inalala sa harapan ng Diyos.
32 Magsugo ka sa Joppa, at ipatawag mo si Simon, na tinatawag na Pedro. Siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simon na tagapagluto ng balat sa tabi ng dagat.’
33 Kaya't agad kitang ipinasundo, at mabuti ang ginawa mo na naparito ka. Ngayon kaming lahat ay naririto sa harapan ng Diyos, upang pakinggan ang lahat ng mga bagay na ipinag-utos sa iyo ng Panginoon.”
Nangaral si Pedro
34 Nagsimulang magsalita(A) si Pedro at kanyang sinabi, “Tunay ngang nauunawaan ko na walang kinikilingan ang Diyos,
35 kundi sa bawat bansa ang sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kanya.
36 Nalalaman ninyo ang salita na kanyang ipinadala sa mga anak ni Israel, na ipinangangaral ang magandang balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo—siya'y Panginoon ng lahat,
37 nalalaman ninyo na ipinahayag ang salitang iyon sa buong Judea, simula sa Galilea, pagkatapos ng bautismo na ipinangaral ni Juan:
38 kung paanong si Jesus na taga-Nazaret ay binuhusan ng Diyos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan; kung paanong naglibot siya na gumagawa ng mabuti, at nagpapagaling ng lahat ng mga pinahihirapan ng diyablo, sapagkat kasama niya ang Diyos.
39 Mga saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng Judea, at sa Jerusalem. Siya'y kanila ring pinatay nang kanilang ibitin siya sa isang punungkahoy.
40 Siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw, at siya'y hinayaang mahayag;
41 hindi sa buong bayan, kundi sa amin na hinirang ng Diyos bilang mga saksi na kumain at uminom na kasalo niya, pagkatapos na siya'y mabuhay mula sa mga patay.
42 Sa ami'y ipinagbilin niya na mangaral sa mga tao at sumaksi na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at ng mga patay.
43 Siya ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta, na ang bawat sumasampalataya sa kanya ay makakatanggap ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”
Ipinagkaloob ang Espiritu sa mga Hentil
44 Samantalang sinasabi pa ni Pedro ang mga salitang ito, bumaba ang Espiritu Santo sa lahat ng nakikinig ng salita.
45 Ang mga mananampalatayang Judio[b] na dumating na kasama ni Pedro ay namangha sapagkat ibinuhos din maging sa mga Hentil ang kaloob ng Espiritu Santo.
46 Sapagkat narinig nilang nagsasalita ang mga ito ng mga wika at nagpupuri sa Diyos. Nang magkagayo'y ipinahayag ni Pedro,
47 “Maaari bang hadlangan ng sinuman ang tubig upang huwag mabautismuhan itong mga tumanggap ng Espiritu Santo na gaya naman natin?”
48 At kanyang inutusan sila na mabautismuhan sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos, siya'y pinakiusapan nilang manatili ng mga ilang araw.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001