Old/New Testament
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ng Panginoon, na iniukol ang mga salita ng awit na ito sa Panginoon nang araw na iligtas siya ng Panginoon sa kamay ng lahat niyang mga kaaway, at mula sa kamay ni Saul. Sinabi niya:
18 Iniibig kita, O Panginoon, aking kalakasan.
2 Ang Panginoon ay aking malaking bato, at aking muog, at tagapagligtas ko,
aking Diyos, aking malaking bato na sa kanya'y nanganganlong ako;
aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, matibay na kuta ko.
3 Ako'y tumatawag sa Panginoon na marapat purihin,
at naligtas ako sa aking mga kaaway.
4 Nakapulupot sa akin ang mga tali ng kamatayan
inaalon ako ng mga baha ng kasamaan.
5 Ang mga tali ng Sheol ay nasa buong palibot ko,
hinarap ako ng mga bitag ng kamatayan.
6 Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon,
sa aking Diyos ay humingi ako ng tulong.
Mula sa kanyang templo ay napakinggan niya ang aking tinig.
At ang aking daing sa kanya ay nakarating sa kanyang pandinig.
7 Nang magkagayo'y nauga at nayanig ang lupa,
ang mga saligan ng mga bundok ay nanginig
at nauga, sapagkat siya'y galit.
8 Ang usok ay pumailanglang mula sa mga butas ng kanyang ilong,
at mula sa kanyang bibig ay apoy na lumalamon,
at sa pamamagitan niyon, mga baga ay nag-aapoy.
9 Kanyang iniyuko ang mga langit at bumaba;
ang makapal na kadiliman ay nasa ilalim ng kanyang mga paa.
10 At siya'y sumakay sa isang kerubin, at lumipad,
siya'y lumipad na maliksi sa mga pakpak ng hangin.
11 Ginawa niyang panakip ang kadiliman,
ang kanyang kulandong sa palibot niya ay mga kadiliman ng tubig, at mga makakapal na ulap sa langit.
12 Mula sa kaliwanagang nasa harapan niya
ay lumabas ang kanyang mga ulap,
ang mga granizo at mga bagang apoy.
13 Ang Panginoon ay kumulog din sa mga langit,
at sinalita ng Kataas-taasan ang kanyang tinig, mga yelo at mga bagang apoy.
14 At kanyang itinudla ang kanyang mga pana, at pinangalat sila,
nagpakidlat siya at ginapi sila.
15 Nang magkagayo'y nakita ang sa mga dagat na lagusan,
at ang mga saligan ng sanlibutan ay nahubaran,
sa iyong pagsaway, O Panginoon,
sa hihip ng hinga ng mga butas ng iyong ilong.
16 Siya'y nakaabot mula sa itaas, kinuha niya ako;
mula sa maraming tubig ay sinagip niya ako.
17 Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway,
at sa mga napopoot sa akin,
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
18 Sila'y nagsidating sa akin sa araw ng aking kasakunaan,
ngunit ang Panginoon ang aking gabay.
19 Inilabas niya ako sa maluwag na dako;
iniligtas niya ako, sapagkat sa akin siya'y nalulugod.
20 Ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ako'y kanyang ginantihan.
21 Sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay aking iningatan,
at sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan.
22 Sapagkat lahat niyang mga batas ay nasa harapan ko,
at ang kanyang mga tuntunin sa akin ay hindi ko inilayo.
23 Ako'y walang dungis sa harapan niya,
at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala.
24 Kaya't ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kanyang harapan.
25 Sa tapat ay ipinakita mo ang iyong sarili bilang tapat;
sa mga walang dungis ay ipinakita mo ang sarili bilang walang dungis.
26 Sa dalisay ay ipinakita mo ang sarili bilang dalisay;
at sa liko ay ipinakita mo ang sarili bilang masama.
27 Sapagkat iyong ililigtas ang mapagpakumbabang bayan,
ngunit ang mga mapagmataas na mata ay ibababa mo naman.
28 Oo, iyong papagniningasin ang aking ilawan;
pinaliliwanag ng Panginoon kong Diyos ang aking kadiliman.
29 Oo, sa pamamagitan mo ang isang hukbo ay madudurog ko,
at sa pamamagitan ng aking Diyos ang pader ay aking malulukso.
30 Tungkol sa Diyos—sakdal ang lakad niya;
ang salita ng Panginoon ay subok na;
siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kanya.
31 Sapagkat sino ang Diyos, kundi ang Panginoon?
At sino ang malaking bato, maliban sa ating Diyos?
32 Ang Diyos na nagbibigkis sa akin ng kalakasan,
at ginagawang ligtas ang aking daan.
33 Kanyang(A) ginagawa ang aking mga paa na gaya ng sa mga usa,
at sa mataas na dako ako'y matatag na inilalagay niya.
34 Sinasanay niya ang aking mga kamay para sa pakikidigma,
anupa't kayang baluktutin ng aking mga kamay ang panang tanso.
35 Ang kalasag ng iyong pagliligtas sa akin ay ibinigay mo,
at ng iyong kanang kamay ay inalalayan ako,
at pinadakila ako ng kahinahunan mo.
36 Maluwag na lugar ay binibigyan mo ako, para sa aking mga hakbang sa ilalim ko,
at hindi nadulas ang mga paa ko.
37 Hinabol ko ang aking mga kaaway, at inabutan ko sila,
at hindi bumalik hanggang sa malipol sila.
38 Ganap ko silang sinaktan kaya't sila'y hindi makatayo;
sila'y nalugmok sa ilalim ng aking mga paa.
39 Sapagkat binigkisan ako ng lakas para sa pakikipaglaban;
pinalubog mo sa ilalim ko ang sa akin ay sumalakay.
40 Pinatatalikod mo sa akin ang mga kaaway ko,
at yaong napopoot sa akin ay winasak ko.
41 Sila'y humingi ng tulong, ngunit walang magligtas,
sila'y dumaing sa Panginoon, subalit sila'y hindi niya tinugon.
42 Dinurog ko silang gaya ng alabok sa harap ng hangin;
inihagis ko sila na gaya ng putik sa mga lansangan.
43 Sa mga pakikipagtalo sa taong-bayan ako ay iniligtas mo;
at sa mga bansa'y ginawa mo akong puno,
ang naglingkod sa akin ay mga di ko kilalang mga tao.
44 Pagkarinig nila sa akin ay sinunod nila ako;
ang mga dayuhan sa akin ay nagsisisuko.
45 Nanlulupaypay ang mga dayuhan,
sila'y nagsisilabas na nanginginig mula sa dakong kanilang pinagtataguan.
46 Buháy ang Panginoon; at purihin ang aking malaking bato;
at dakilain ang Diyos na kaligtasan ko.
47 Ang Diyos na nagbigay sa akin ng paghihiganti
at nagpapasuko ng mga tao sa ilalim ko,
48 inililigtas niya ako sa mga kaaway ko.
Oo, sa mga naghihimagsik laban sa akin ay itinaas mo ako,
inililigtas mo ako sa mararahas na tao.
49 Dahil(B) dito'y magpapasalamat ako sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bansa,
at aawit ako ng mga pagpupuri sa pangalan mo.
50 Mga dakilang tagumpay ang sa kanyang hari'y ibinibigay
at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa kanyang pinahiran ng langis,
kay David at sa kanyang binhi magpakailanman.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
19 Nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos ang kalangitan,
at ang mga gawa ng kanyang kamay ay inihahayag ng kalawakan.
2 Sa araw-araw ay nagsasalita,
at gabi-gabi ay nagpapahayag ng kaalaman.
3 Walang pananalita o mga salita man;
ang kanilang tinig ay hindi narinig.
4 Ngunit(C) lumalaganap sa buong lupa ang kanilang tinig,
at ang kanilang mga salita ay hanggang sa dulo ng daigdig.
Sa kanila ay naglagay siya ng tolda para sa araw,
5 na dumarating na gaya ng kasintahang lalaki na papalabas sa kanyang silid,
at nagagalak gaya ng malakas na tao na tumatakbo sa takbuhan.
6 Ang kanyang pagsikat ay mula sa dulo ng mga langit,
at sa mga dulo niyon ay ang kanyang pagligid,
at walang bagay na nakukubli sa kanyang init.
Ang Kautusan ng Diyos
7 Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal,
na nagpapanauli ng kaluluwa;
ang patotoo ng Panginoon ay tiyak,
na nagpapatalino sa kulang sa kaalaman.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid,
na nagpapagalak sa puso;
ang utos ng Panginoon ay dalisay,
na nagpapaliwanag ng mga mata.
9 Ang pagkatakot sa Panginoon ay malinis,
na nananatili magpakailanman:
ang mga kahatulan ng Panginoon ay totoo
at lubos na makatuwiran.
10 Higit na dapat silang naisin kaysa ginto,
lalong higit kaysa maraming dalisay na ginto;
higit ding matamis kaysa pulot
at sa pulot-pukyutang tumutulo.
11 Bukod dito'y binalaan ang iyong lingkod sa pamamagitan nila;
sa pagsunod sa mga iyon ay may dakilang gantimpala.
12 Sinong makakaalam ng kanyang mga kamalian?
Patawarin mo ako sa mga pagkakamaling di nalalaman.
13 Ilayo mo rin ang iyong lingkod sa mga mapangahas na pagkakasala.
Huwag mong hayaang ang mga iyon ay magkaroon ng kapangyarihan sa akin!
Kung gayo'y magiging matuwid ako,
at magiging walang sala sa malaking paglabag.
14 Nawa'y ang mga salita ng bibig ko, at ang pagbubulay-bulay ng aking puso
ay maging katanggap-tanggap sa paningin mo,
O Panginoon, ang aking malaking bato at manunubos ko.
Nagpaalam si Pablo sa Matatanda sa Efeso
17 Mula sa Mileto ay nagpasugo siya sa Efeso at ipinatawag ang matatanda ng iglesya.
18 Nang sila'y makarating sa kanya, ay sinabi niya sa kanila,
“Nalalaman ninyo kung paanong namuhay akong kasama ninyo sa buong panahon mula sa unang araw na ako'y tumuntong sa Asia,
19 na naglilingkod sa Panginoon ng buong kapakumbabaan at may luha, at may mga pagsubok na dumating sa akin dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio.
20 Hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang anumang bagay na kapaki-pakinabang, at hayag na nagtuturo sa inyo, at sa mga bahay-bahay,
21 na nagpapatotoo sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego tungkol sa pagsisisi tungo sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
22 At ngayon, bilang bihag sa Espiritu[a] ay patungo ako sa Jerusalem, na hindi nalalaman ang mga bagay na mangyayari sa akin doon;
23 maliban na ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa akin sa bawat lunsod, na sinasabing ang mga tanikala at ang kapighatian ay naghihintay sa akin.
24 Ngunit(A) hindi ko itinuturing ang aking buhay na mahalaga sa aking sarili, upang maganap ko lamang ang aking katungkulan at ang ministeryong tinanggap ko sa Panginoong Jesus, na magpatotoo sa magandang balita ng biyaya ng Diyos.
25 “At ngayon, nalalaman ko na kayong lahat na aking nilibot na pinapangaralan ng kaharian, ay hindi na muling makikita pa ang aking mukha.
26 Kaya nga pinatototohanan ko sa inyo sa araw na ito, na ako'y walang pananagutan sa dugo ng sinuman sa inyo,[b]
27 sapagkat hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang buong kapasiyahan ng Diyos.
28 Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan. Sa kanila'y inilagay kayo ng Espiritu Santo na mga tagapangasiwa[c] upang pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos[d] na binili niya ng kanyang sariling dugo.
29 Alam ko na pag-alis ko ay papasok sa kalagitnaan ninyo ang mababangis na asong-gubat na walang patawad sa kawan;
30 at lilitaw mula sa inyo na ring kasamahan ang mga taong magsasalita ng mga bagay na lihis, upang akitin ang mga alagad na sumunod sa kanila.
31 Kaya't kayo'y maging handa at alalahanin ninyo na sa loob ng tatlong taon ay hindi ako tumigil sa gabi at araw ng pagbibigay-babala na may pagluha sa bawat isa.
32 Ngayo'y ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos, at sa salita ng kanyang biyaya, na makapagpapatibay sa inyo at makapagbibigay sa inyo ng mana na kasama ng lahat na mga ginawang banal.
33 Hindi ko pinag-imbutan ang pilak, o ang ginto, o ang damit ninuman.
34 Kayo mismo ang nakakaalam na ang mga kamay na ito ay naglingkod sa aking mga pangangailangan at sa mga kasama ko.
35 Sa lahat ng bagay ay ipinakita ko sa inyo na sa ganitong paggawa ay dapat tulungan ang mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya mismo ang nagsabi, ‘Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.’”
36 Pagkatapos niyang magsalita ay lumuhod siya at nanalanging kasama nilang lahat.
37 At silang lahat ay nag-iyakan, niyakap si Pablo at siya'y hinagkan,
38 na ikinalulungkot higit sa lahat ang salitang sinabi niya, na siya'y hindi na nila makikita pang muli. Pagkatapos ay kanilang inihatid siya sa barko.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001