Old/New Testament
Ang Diyos ay Kasama Natin
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora, ayon sa Alamot.
46 Ang Diyos ay ating kanlungan at kalakasan,
isang handang saklolo sa kabagabagan.
2 Kaya't hindi tayo matatakot bagaman mabago ang lupa,
bagaman ang mga bundok ay madulas sa puso ng dagat.
3 bagaman ang tubig nito ay bumula at humugong,
bagaman ang mga bundok ay mauga dahil sa unos niyon. (Selah)
4 May isang ilog na ang mga agos ay nagpapasaya sa lunsod ng Diyos,
ang banal na tahanan ng Kataas-taasan.
5 Ang Diyos ay nasa gitna niya; siya'y hindi makikilos;
tutulungan siyang maaga ng Diyos.
6 Ang mga bansa ay nagkagulo, ang mga kaharian ay nagpasuray-suray,
binigkas niya ang kanyang tinig, ang lupa ay natunaw.
7 Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin,
ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)
8 Pumarito kayo, inyong masdan ang sa Panginoong gawa,
kung paanong gumawa siya ng pagwasak sa lupa.
9 Kanyang pinahinto ang mga digmaan hanggang sa mga dulo ng lupa;
kanyang pinuputol ang sibat at binabali ang pana,
kanyang sinusunog ng apoy ang mga karwahe![a]
10 “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.
Ako'y mamumuno sa mga bansa,
ako'y mamumuno sa lupa.”
11 Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin;
ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)
Kataas-taasang Pinuno
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.
47 Ipalakpak ang inyong mga kamay, kayong lahat na mga bayan!
Sumigaw kayo sa Diyos nang malakas na tinig ng kagalakan!
2 Sapagkat ang Panginoon, ang Kataas-taasan, ay kakilakilabot;
isang dakilang hari sa buong lupa.
3 Ang mga bayan sa ilalim natin ay pinasusuko niya,
at ang mga bansa sa ilalim ng ating mga paa.
4 Kanyang pinili ang pamanang para sa atin,
ang kaluwalhatian ni Jacob na kanyang minamahal. (Selah)
5 Ang Diyos ay pumailanglang na may sigaw,
ang Panginoon na may tunog ng trumpeta.
6 Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa Diyos, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa ating Hari, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
7 Sapagkat ang Diyos ang hari ng buong lupa;
magsiawit kayo ng mga papuri na may awit!
8 Ang Diyos ay naghahari sa mga bansa;
ang Diyos ay nakaupo sa kanyang banal na trono.
9 Ang mga pinuno ng mga bayan ay nagtipun-tipon
bilang bayan ng Diyos ni Abraham;
sapagkat ang mga kalasag ng lupa ay sa Diyos;
siya'y napakadakila.
Isang Awit. Awit ng mga Anak ni Kora.
48 Dakila ang Panginoon, at marapat purihin,
sa lunsod ng aming Diyos, ang kanyang banal na bundok.
2 Maganda(A) sa kataasan, ang kagalakan ng buong lupa,
ang Bundok ng Zion, sa malayong hilaga, ang lunsod ng dakilang Hari.
3 Sa loob ng kanyang kuta ay ipinakita ng Diyos
ang sarili bilang isang tiyak na tanggulan.
4 Sapagkat narito, ang mga hari ay nagtipon,
sila'y dumating na magkakasama.
5 Nang kanilang nakita, sila'y nanggilalas,
sila'y natakot, sila'y nagsitakas.
6 Sila'y nanginig,
nahapis na gaya ng isang babaing manganganak.
7 Sa pamamagitan ng hanging silangan
ay winasak mo sa Tarsis ang kanilang mga sasakyan.
8 Gaya ng aming narinig, ay gayon ang aming nakita
sa lunsod ng Panginoon ng mga hukbo,
sa lunsod ng aming Diyos,
na itinatag ng Diyos magpakailanman. (Selah)
9 Aming inaalala ang iyong tapat na pag-ibig, O Diyos,
sa gitna ng iyong templo.
10 Gaya ng iyong pangalan, O Diyos, gayon ang papuri sa iyo,
ay nakakarating hanggang sa mga dulo ng lupa.
Ang iyong kanang kamay ay puspos ng tagumpay.
11 Hayaang magalak ang Bundok ng Zion!
Hayaang magalak ang mga anak na babae ng Juda
dahil sa iyong mga paghatol!
12 Libutin ninyo ang Zion, at inyong paligiran siya;
inyong bilangin ang mga tore niya.
13 Isaalang-alang ninyong mabuti ang kanyang mga balwarte,
inyong pasukin ang kanyang mga muog,
upang inyong maibalita sa susunod na salinlahi
14 na ito ang Diyos,
ang ating Diyos magpakailanpaman:
Siya'y magiging ating patnubay magpakailanman.
Sa Malta
28 Nang kami'y makaligtas na, noon namin nalaman na ang pulo ay tinatawag na Malta.
2 Pinagpakitaan kami ng hindi karaniwang kabutihan ng mga katutubo, sapagkat sila'y nagsiga, at tinanggap kaming lahat, dahil sa nagsimula nang umulan at maginaw.
3 Ngunit pagkatapos matipon ni Pablo ang isang bigkis na kahoy at mailagay sa apoy, lumabas ang isang ulupong dahil sa init, at kumapit sa kanyang kamay.
4 Nang makita ng mga katutubo ang hayop na nakabitin sa kanyang kamay, ay sinabi sa isa't isa, “Tiyak na mamamatay-tao ang taong ito. Kahit siya'y nakatakas sa dagat, gayunma'y hindi hinayaan ng Katarungan na siya'y mabuhay.”
5 Ngunit ipinagpag niya ang hayop sa apoy at siya'y hindi nasaktan.
6 Naghintay sila na inaasahang mamamaga siya o biglang mabuwal na patay; subalit nang matagal na silang naghihintay, at nakitang walang masamang nangyari sa kanya ay nagbago ang kanilang isip at nagsabing siya'y isang diyos.
7 Malapit sa lugar na iyon ay may mga lupaing pag-aari ng pinuno ng pulong iyon, na ang pangalan ay Publio, na tumanggap sa amin at kinupkop kami na may kagandahang-loob sa loob ng tatlong araw.
8 Nagkataon na nakaratay ang ama ni Publio na maysakit na lagnat at disenteriya. Pinuntahan siya ni Pablo at nanalangin, at nang maipatong sa kanya ang kanyang mga kamay ay pinagaling siya.
9 Pagkatapos mangyari ito, nagtungo rin doon ang ibang maysakit sa pulo at sila'y pinagaling.
10 Kami nama'y kanilang binigyan ng maraming parangal; at nang maglalayag na kami ay kanilang isinakay sa barko ang mga bagay na kailangan namin.
Mula sa Malta Patungong Roma
11 Makaraan ang tatlong buwan ay naglayag kami sa isang barkong Alejandria na nagpalipas ng tagginaw sa pulo, na ang sagisag ay Ang Magkapatid na Kambal.
12 Nang dumaong kami sa Siracusa ay tumigil kami roon ng tatlong araw.
13 Mula roo'y lumigid kami at nakarating sa Regio; at pagkaraan ng isang araw ay humihip ang hanging habagat, at nang ikalawang araw ay nakarating kami sa Puteoli.
14 Doon ay nakatagpo kami ng mga kapatid, at kami'y pinakiusapan nilang tumigil sa kanila sa loob ng pitong araw. Sa gayo'y nakarating kami sa Roma.
15 Ang mga kapatid doon, nang mabalitaan ang tungkol sa amin, ay dumating mula sa Pamilihan ng Appio at sa Tatlong Bahay-Tuluyan upang salubungin kami. Pagkakita sa kanila, si Pablo ay nagpasalamat sa Diyos at lumakas ang kanyang loob.
Sa Roma
16 Nang makarating kami sa Roma, si Pablo ay pinahintulutang manirahang mag-isa kasama ang kawal na sa kanya'y nagbabantay.
17 Pagkaraan ng tatlong araw, tinipon niya ang mga pinuno ng mga Judio at nang sila'y matipon na, ay sinabi niya sa kanila, “Mga kapatid, bagaman wala akong ginawang anuman laban sa bayan, o sa mga kaugalian ng ating mga ninuno, ay ibinigay akong bilanggo buhat sa Jerusalem sa mga kamay ng mga taga-Roma.
18 Nang ako'y kanilang nasiyasat na, ibig sana akong palayain ng mga taga-Roma,[a] sapagkat walang anumang kadahilanang marapat sa kamatayan na natagpuan sa akin.
19 Subalit(A) nang tumutol ang mga Judio, napilitan akong dumulog kay Cesar, bagaman wala akong paratang laban sa aking bansa.
20 Kaya't sa dahilang ito, tinawag ko kayo upang makipagkita at makipag-usap sa inyo, yamang dahil sa pag-asa ng Israel ay nagagapos ako ng tanikalang ito.”
21 At sinabi nila sa kanya, “Kami'y walang natanggap na mga sulat na galing sa Judea tungkol sa iyo, ni walang pumaritong kapatid na nagbalita o nagsalita ng anumang masama tungkol sa iyo.
22 Subalit ibig naming marinig sa iyo kung ano ang iyong mga iniisip, sapagkat alam namin na maraming nagsasalita ng laban sa sektang ito sa lahat ng mga lugar.”
23 Nang sila'y makapagtalaga ng isang araw para sa kanya, nagtungo sila sa kanyang tinutuluyan at napakarami nila. Ipinaliwanag niya sa kanila ang pangyayari buhat umaga hanggang gabi na nagpapatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos, at sinikap na sila'y mahikayat tungkol kay Jesus, mula sa kautusan ni Moises at mula sa mga propeta.
24 Ang iba'y nahikayat sa mga bagay na sinabi niya at ang iba'y hindi naniwala.
25 Nang sila'y hindi magkaisa, umalis sila pagkasabi ni Pablo ng isang pahayag: “Tama ang Espiritu Santo sa pagsasalita sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni propeta Isaias na sinasabi,
26 ‘Pumaroon(B) ka sa bayang ito, at sabihin mo,
tunay na inyong mapapakinggan, ngunit hindi kailanman mauunawaan,
tunay na inyong titingnan ngunit hindi ninyo mamamasdan.
27 Sapagkat pumurol na ang puso ng bayang ito,
at mahirap nang makarinig ang kanilang mga tainga,
at pumikit na ang kanilang mga mata;
baka sila'y makakita sa kanilang mga mata,
at makarinig sa kanilang mga tainga,
at makaunawa sa kanilang puso, at magbalik-loob,
at sila'y aking pagalingin.’
28 Maging hayag nawa sa inyo na ang kaligtasang ito ng Diyos ay ipinadala sa mga Hentil at sila'y makikinig.”
[29 At nang masabi na niya ang mga salitang ito'y nagsialis ang mga Judio, at sila-sila'y nagtalong mabuti.]
30 Nanirahan siya roon ng buong dalawang taon sa kanyang sariling inuupahang bahay, at tinatanggap ang lahat ng sa kanya'y nagsasadya,
31 na ipinangangaral ang kaharian ng Diyos at itinuturo ang mga bagay na tungkol sa Panginoong Jesu-Cristo, na may buong katapangan at walang sagabal.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001