Old/New Testament
Ang Pagsasalita ni Elihu
32 Kaya't ang tatlong lalaking ito ay huminto na sa pagsagot kay Job, sapagkat siya'y matuwid sa kanyang sariling paningin.
2 Nang magkagayo'y nagalit si Elihu, na anak ni Barakel na Buzita, mula sa angkan ni Ram. Nagalit siya kay Job sapagkat binigyang-katuwiran niya ang sarili sa halip na ang Diyos.
3 Galit din siya sa tatlong kaibigan ni Job, sapagkat sila'y hindi nakatagpo ng sagot, bagaman ipinahayag nilang mali si Job.
4 Si Elihu nga ay naghintay upang magsalita kay Job, sapagkat sila'y matanda kaysa kanya.
5 At nagalit si Elihu nang makita niya na walang kasagutan sa bibig ng tatlong lalaking ito.
6 Si Elihu na anak ni Barakel na Buzita ay sumagot at nagsabi:
“Ako'y bata pa,
at matatanda na kayo,
kaya't ako'y nahihiya at natakot
na ipahayag sa inyo ang aking kuru-kuro.
7 Aking sinabi, ‘Hayaang magsalita ang mga araw,
at ang maraming mga taon ay magturo ng karunungan.’
8 Ngunit ang espiritu na nasa tao,
ang hininga ng Makapangyarihan sa lahat ang nagbibigay sa kanya ng unawa.
9 Hindi ang dakila ang siyang matalino,
ni ang matanda man ang siyang nakakaunawa ng wasto.
10 Kaya't aking sinasabi, ‘Pakinggan ninyo ako;
hayaan ninyong ipahayag ko rin ang aking kuru-kuro.’
11 “Narito, aking hinintay ang inyong mga salita,
pinakinggan ko ang inyong matatalinong pananalita,
samantalang kayo'y naghahagilap ng masasabi.
12 Ang aking pansin sa inyo'y aking ibinigay,
at narito, kay Job ay walang nakapagpabulaan,
o sa inyo'y may nakasagot sa kanyang mga tinuran.
13 Mag-ingat nga kayo, baka sabihin ninyo, ‘Kami ay nakatagpo ng karunungan;
madadaig siya ng Diyos, hindi ng tao.’
14 Hindi niya itinukoy sa akin ang kanyang mga salita,
at hindi ko siya sasagutin ng inyong mga pananalita.
15 “Sila'y nalito, sila'y hindi na sumagot pa;
sila'y walang masabi pang salita.
16 At ako ba'y maghihintay, sapagkat sila'y hindi nagsasalita,
sapagkat sila'y nakatigil doon, at hindi na sumasagot?
17 Ibibigay ko rin naman ang sagot ko,
ipahahayag ko rin ang aking kuru-kuro.
18 Sapagkat sa mga salita ako'y punung-puno,
ako'y pinipilit ng espiritung nasa loob ko.
19 Narito, ang aking puso ay parang alak na walang pasingawan,
parang mga bagong sisidlang-balat na malapit nang sumambulat.
20 Ako'y dapat magsalita, upang ako'y maginhawahan;
dapat kong buksan ang aking mga labi at magbigay kasagutan.
21 Sa kaninumang tao'y wala akong kakampihan,
o gagamit ng papuring pakunwari sa kaninuman.
22 Sapagkat hindi ako marunong sumambit ng mga pakunwaring salita;
kung hindi ay madali akong wawakasan ng sa akin ay Lumikha.
Pinagsabihan ni Elihu si Job
33 “Gayunman, Job, pagsasalita ko'y iyong dinggin,
at makinig ka sa lahat ng aking mga sasabihin.
2 Narito, ang bibig ko'y aking ibinubuka,
ang dila sa aking bibig ay nagsasalita.
3 Ipinahahayag ng aking mga salita ang katuwiran ng aking puso;
at ang nalalaman ng aking mga labi, ang mga ito'y nagsasalitang may pagtatapat.
4 Ang espiritu ng Diyos ang sa aki'y maylalang,
at ang hininga ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa akin ng buhay.
5 Sagutin mo ako, kung iyong makakaya;
ayusin mo ang iyong mga salita sa harapan ko; manindigan ka.
6 Tingnan mo, sa harapan ng Diyos ako'y kagaya mo,
ako ma'y nilalang mula sa luwad na kapiraso.
7 Hindi mo kailangang katakutan ako,
ang aking pamimilit ay hindi magiging mabigat sa iyo.
8 “Tunay na ikaw ay nagsalita sa aking pandinig,
at ang tunog ng iyong mga salita ay aking narinig.
9 Iyong sinasabi, ‘Ako'y malinis at walang pagsuway;
ako'y dalisay, at sa akin ay walang kasamaan.
10 Tingnan mo, naghahanap siya laban sa akin ng kadahilanan,
ibinibilang niya ako na kanyang kaaway;
11 ang(A) aking mga paa'y kanyang tinatanikalaan,
lahat ng aking mga landas ay kanyang binabantayan.’
12 “Ngunit sa bagay na ito'y hindi ka wasto. Sasagutin kita.
Ang Diyos ay dakila kaysa tao.
13 Bakit ka nakikipagtalo laban sa kanya,
na sinasabi, ‘Hindi niya sasagutin ang alinman sa aking mga salita’?
14 Sapagkat ang Diyos ay nagsasalita sa isang paraan,
at sa dalawa, bagaman sa tao'y hindi ito nauunawaan.
15 Sa(B) isang panaginip, sa isang pangitain sa gabi,
kapag ang mahimbing na pagkakaidlip ay dumating sa mga tao,
habang sila'y natutulog sa kanilang mga higaan,
16 kung magkagayo'y ang mga tainga ng mga tao'y binubuksan niya,
at sa mga babala'y tinatakot sila,
17 upang sa kanyang gawa siya'y maibaling,
at ang kapalaluan sa tao ay putulin;
18 pinipigil niya ang kanyang kaluluwa mula sa hukay,
at ang kanyang buhay sa pagkamatay sa tabak.
19 “Pinarurusahan din ng sakit sa kanyang higaan ang tao,
at ng patuloy na paglalaban sa kanyang mga buto;
20 anupa't kinaiinisan ng kanyang buhay ang tinapay,
at ng kanyang kaluluwa ang pagkaing malinamnam.
21 Ang kanyang laman ay natutunaw na anupa't hindi makita;
at ang kanyang mga buto na hindi dating nakikita ay nakalitaw na.
22 Ang kanyang kaluluwa ay papalapit sa hukay,
at ang kanyang buhay sa mga nagdadala ng kamatayan.
23 Kung mayroong isang anghel para sa kanya,
isang tagapamagitan, sa isang libo ay isa,
upang ipahayag sa tao kung ano ang matuwid sa kanya;
24 at siya'y mapagpala sa taong iyon, at nagsasabi,
‘Sa pagbaba sa hukay ay iligtas mo siya,
pantubos ay natagpuan ko na;
25 hayaang maging sariwa sa kabataan ang kanyang laman;
siya'y pabalikin sa mga araw ng kanyang lakas ng kabataan.
26 At ang tao'y nananalangin sa Diyos, at siya'y kanyang tinatanggap,
siya'y lumalapit sa kanyang harapan na mayroong galak,
at gagantihin ng Diyos[a] dahil sa kanyang katuwiran,
27 siya'y umaawit sa harapan ng mga tao, at nagsasaysay,
‘Ako'y nagkasala, at binaluktot ang matuwid,
at iyo'y hindi iginanti sa akin.
28 Kanyang tinubos ang kaluluwa ko mula sa pagbaba sa hukay,
at makakakita ng liwanag ang aking buhay.’
29 “Narito, gawa ng Diyos ang lahat ng mga bagay na ito,
makalawa, makaikatlo sa isang tao,
30 upang ibalik ang kanyang kaluluwa mula sa hukay,
upang kanyang makita ang liwanag ng buhay.
31 Makinig kang mabuti, O Job, ako'y iyong dinggin;
tumahimik ka, at ako'y may sasabihin.
32 Kung ikaw ay mayroong sasabihin, bigyan mo ako ng kasagutan,
ikaw ay magsalita, sapagkat ibig kong ikaw ay bigyang-katuwiran.
33 Kung hindi, ako'y iyong pakinggan,
tumahimik ka, at tuturuan kita ng karunungan.”
Sa Iconio
14 Ang gayunding bagay ay nangyari din sa Iconio, na doon sina Pablo at Bernabe[a] ay magkasamang pumasok sa sinagoga ng mga Judio, at nagsalita ng gayon na sumampalataya ang marami sa mga Judio at sa mga Griyego.
2 Ngunit inudyukan ng mga hindi nananampalatayang Judio ang mga Hentil, at nilason ang kanilang isipan laban sa mga kapatid.
3 Kaya't nanatili sila ng mahabang panahon na nagsasalita ng buong katapangan para sa Panginoon, na nagpapatotoo sa salita ng kanyang biyaya sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga tanda at mga kababalaghan na gawin ng kanilang mga kamay.
4 Ngunit nagkabaha-bahagi ang mga taong-bayan sa lunsod. Ang iba ay pumanig sa mga Judio, at ang iba ay sa mga apostol.
5 Nang magtangka ang mga Hentil at ang mga Judio, kasama ang kanilang mga pinuno, upang sila'y saktan at batuhin,
6 nalaman ito ng mga apostol[b] at sila'y tumakas patungo sa Listra at Derbe, na mga lunsod ng Licaonia at sa palibot na lupain,
7 at doon nila ipinangaral ang magandang balita.
Sa Listra
8 Sa Listra ay may isang lalaking nakaupo, na walang lakas ang mga paa at kailanma'y hindi makalakad sapagkat pilay na siya mula nang ipanganak.
9 Nakinig siya sa pagsasalita ni Pablo. Nang titigan siya ni Pablo at makitang mayroon siyang pananampalataya upang mapagaling,
10 ay sinabi niya sa malakas na tinig, “Tumindig ka nang matuwid sa iyong mga paa.” At ang lalaki[c] ay lumukso at nagpalakad-lakad.
11 Nang makita ng maraming tao ang ginawa ni Pablo, nagsigawan sila na sinasabi sa wikang Licaonia, “Ang mga diyos ay bumaba sa atin sa anyo ng mga tao!”
12 Tinawag nilang Zeus[d] si Bernabe at Hermes[e] si Pablo, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita.
13 Ang pari ni Zeus[f] na ang templo ay nasa harap ng lunsod ay nagdala ng mga baka at mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan, at ibig maghandog kasama ng napakaraming tao.
14 Ngunit nang marinig ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at tumakbo sa gitna ng karamihan, na sumisigaw,
15 “Mga(A) ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami'y mga tao rin na gaya ninyo, nagdadala kami ng magandang balita sa inyo upang mula sa walang kabuluhang mga bagay na ito ay bumaling kayo sa Diyos na buháy, na siyang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng nasa mga iyon.
16 Noong nakaraang mga panahon ay hinayaan niya ang lahat ng mga bansa na lumakad sa kanilang mga sariling daan.
17 Gayunman ay hindi niya hinayaang mawalan siya ng saksi sa paggawa ng mabuti—na nagbigay sa inyo ng ulan mula sa langit at ng masasaganang panahon, at pinupuno kayo ng pagkain at ang inyong mga puso ng kagalakan.”
18 Maging sa pamamagitan ng mga pananalitang ito ay bahagya na nilang napigil ang mga tao sa paghahandog sa kanila.
19 Ngunit dumating doon ang mga Judiong buhat sa Antioquia at Iconio; at nang mahikayat nila ang maraming tao, kanilang pinagbabato si Pablo at kanilang kinaladkad siya sa labas ng lunsod, na inaakalang siya'y patay na.
20 Ngunit nang paligiran siya ng mga alagad, tumayo siya at pumasok sa lunsod. Kinabukasan, umalis siya kasama ni Bernabe patungo sa Derbe.
Bumalik Sila sa Antioquia
21 Nang maipangaral na nila ang ebanghelyo sa lunsod na iyon, at ginawang mga alagad ang marami, nagbalik sila sa Listra, sa Iconio, at sa Antioquia,
22 na pinapalakas ang mga kaluluwa ng mga alagad, at pinapatatag ang loob nila na manatili pa sa pananampalataya, at sinasabi na sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian ay kailangang pumasok tayo sa kaharian ng Diyos.
23 Nang makapagtalaga na sila ng matatanda para sa kanila sa bawat iglesya, matapos manalangin na may pag-aayuno, ay kanilang ipinagtagubilin sila sa Panginoon na kanilang sinampalatayanan.
24 At sila'y dumaan sa Pisidia at nagtungo sa Pamfilia.
25 Nang maipahayag na nila ang salita sa Perga ay lumusong sila sa Atalia;
26 at buhat doon ay naglayag sila patungong Antioquia. Doon ay itinagubilin sila sa biyaya ng Diyos dahil sa gawaing kanilang natapos na.
27 Nang sila'y dumating, tinipon nila ang iglesya at iniulat ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong binuksan niya para sa mga Hentil ang pinto ng pananampalataya.
28 Nanatili sila roon na kasama ang mga alagad nang mahaba-habang panahon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001