Old/New Testament
Ang Paratang ni Elifaz kay Job
22 Nang magkagayo'y sumagot si Elifaz na Temanita, at sinabi,
2 “Mapapakinabangan(A) ba ng Diyos ang isang tao?
Tunay na kapaki-pakinabang sa kanyang sarili ang matalino.
3 May kasiyahan ba sa Makapangyarihan sa lahat kung matuwid ka?
O kapag pinasasakdal mo ang iyong mga lakad ay may pakinabang ba siya?
4 Dahil ba sa iyong takot sa kanya na ikaw ay sinasaway niya,
at pumapasok siya sa paghuhukom na kasama ka?
5 Hindi ba malaki ang iyong kasamaan?
Mga kasamaan mo'y walang hangganan.
6 Sapagkat kumuha ka ng sangla sa iyong kapatid kapalit ng wala,
ang hubad ay hinubaran mo ng kasuotan nila.
7 Hindi ka nagbigay ng tubig sa pagod upang uminom,
at ikaw ay nagkait ng tinapay sa gutom.
8 Ang makapangyarihang tao ang nagmay-ari ng lupa;
at tumahan doon ang taong pinagpala.
9 Ang mga babaing balo ay pinaalis mong walang dala,
at nadurog ang mga kamay ng mga ulila.
10 Kaya't ang mga silo ay nasa palibot mo,
at biglang takot ang sumasaklot sa iyo,
11 dumilim ang iyong ilaw, anupa't hindi ka makakita,
at tinatabunan ka ng tubig-baha.
12 “Hindi ba ang Diyos ay nasa itaas ng kalangitan?
Masdan mo ang pinakamataas na mga bituin, sila'y napakaringal!
13 At iyong sinasabi, ‘Ano bang nalalaman ng Diyos?
Makakahatol ba siya sa kadilimang lubos?
14 Makakapal na ulap ang bumabalot sa kanya, kaya't hindi siya nakakakita;
sa balantok ng langit ay lumalakad siya!’
15 Mananatili ka ba sa dating daan,
na ang masasamang tao'y ito ang nilakaran?
16 Sila'y inagaw bago dumating ang kapanahunan nila;
ang kanilang patibayan ay nadala ng baha.
17 Sinabi nila sa Diyos, ‘Lumayo ka sa amin;’
at, ‘Anong magagawa sa amin ng Makapangyarihan sa lahat?’
18 Gayunma'y pinuno niya ang kanilang mga bahay ng mabubuting bagay—
ngunit ang payo ng masama ay malayo sa akin.
19 Nakikita ito ng matutuwid at sila'y natutuwa;
at tinatawanan sila ng walang sala na may pangungutya,
20 na nagsasabi, ‘Tiyak na malilipol ang ating mga kalaban,
at tinupok ng apoy ang sa kanila'y naiwan.’
21 “Sumang-ayon ka sa Diyos, at ikaw ay mapapayapa;
at ang mabuti ay darating sa iyo.
22 Iyong tanggapin ang turo mula sa kanyang bibig,
at ilagak mo ang kanyang mga salita sa iyong puso.
23 Kapag ikaw ay manunumbalik sa Makapangyarihan sa lahat, at magpapakumbaba ka,
kung iyong ilalayo ang kasamaan mula sa iyong mga tolda,
24 kapag inilagay mo ang ginto sa alabok,
at ang ginto ng Ofir sa gitna ng mga bato ng mga batis,
25 at kung ang iyong ginto ay ang Makapangyarihan sa lahat,
at siyang iyong mahalagang pilak,
26 kung gayo'y magagalak ka sa Makapangyarihan sa lahat,
at ang iyong mukha sa Diyos ay iyong itataas.
27 Ikaw ay dadalangin sa kanya, at kanyang diringgin ka;
at iyong tutuparin ang iyong mga panata.
28 Ikaw ay magpapasiya ng isang bagay, at iyon ay matatatag para sa iyo;
at ang liwanag ay sisilang sa iyong mga daan.
29 Sapagkat ibinababa ng Diyos ang mapagmataas,[a]
ngunit ang mapagpakumbaba ay kanyang inililigtas.
30 Kanyang ililigtas ang taong walang kasalanan;
maliligtas ka sa pamamagitan ng kalinisan ng iyong mga kamay.”
Nais ni Job na Iharap sa Diyos ang Kanyang Kalagayan
23 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,
2 “Ang aking sumbong ngayo'y mapait[b] din,
ang kamay niya'y mabigat sa kabila ng aking pagdaing.
3 O kung alam ko lamang kung saan ko siya matatagpuan,
upang ako'y makalapit maging sa kanyang upuan!
4 Ilalagay ko ang aking usapin sa kanyang harapan,
at pupunuin ko ang aking bibig ng mga pangangatuwiran.
5 Malalaman ko kung ano ang kanyang isasagot sa akin,
at mauunawaan ko kung ano ang kanyang sasabihin sa akin.
6 Makikipagtalo ba siya sa akin sa laki ng kanyang kapangyarihan?
Hindi; kundi ako'y kanyang papakinggan.
7 Makakapangatuwiran sa kanya ang matuwid doon;
at ako'y pawawalang-sala magpakailanman ng aking hukom.
8 “Ako'y lumalakad pasulong ngunit wala siya roon;
at pabalik, ngunit hindi ko siya maunawaan;
9 sa kaliwa ay hinahanap ko siya, ngunit hindi ko siya namataan,
bumaling ako sa kanan, ngunit hindi ko siya mamasdan.
10 Ngunit nalalaman niya ang daang nilalakaran ko;
kapag ako'y kanyang nasubok, ay lalabas akong parang ginto.
11 Lubos na sumunod sa kanyang mga hakbang ang mga paa ko,
ang kanyang landas ay aking iningatan, at hindi ako lumiko.
12 Ako'y hindi humiwalay sa utos ng kanyang mga labi;
pinagyaman ko ang mga salita ng kanyang bibig sa aking dibdib.
13 Ngunit siya'y hindi nagbabago, at sinong makakahimok sa kanya?
Kung ano ang kanyang ninanasa, iyon ang kanyang ginagawa.
14 Sapagkat kanyang lulubusin ang itinakda niya para sa akin;
at maraming gayong mga bagay ang nasa kanyang isipan.
15 Kaya't sa kanyang harapan ako'y nanghihilakbot;
kapag aking binubulay, sa kanya ako'y natatakot.
16 Pinapanlupaypay ng Diyos ang aking puso,
tinakot ako ng Makapangyarihan sa lahat;
17 gayunma'y hindi ako inihiwalay sa kadiliman,
at takpan ng makapal na kadiliman ang mukha ko!
Idinaing ni Job ang Ginagawa ng Masama
24 “Bakit hindi tinutupad ng Makapangyarihan sa lahat ang mga kapanahunan?
At bakit hindi nakikita ng mga nakakakilala sa kanya ang kanyang mga araw?
2 Inaalis ng mga tao ang mga palatandaang bato,
hinuhuli nila ang mga kawan, at ipinapastol ang mga ito.
3 Kanilang itinataboy ang asno ng ulila,
kinukuha nila ang baka ng babaing balo bilang sangla.
4 Kanilang itinataboy sa lansangan ang dukha;
nagkukubling magkakasama ang mga maralita sa lupa.
5 Gaya ng mababangis na asno sa ilang
sila'y humahayo patungo sa kanilang gawain,
na naghahanap sa ilang ng mabibiktima
bilang pagkain para sa mga anak nila.
6 Sila'y nagsisiani sa bukid na hindi kanila;
at sila'y namumulot sa ubasan ng masama.
7 Sila'y hubad na nakahiga buong magdamag na walang kasuotan,
at sila'y walang saplot laban sa ginaw.
8 Sila'y basa ng ulan sa mga kabundukan,
at yumayakap sa bato sa paghahanap ng makakanlungan.
9 (May mga umaagaw ng ulila mula pa sa suso ng ina,
at kinukuhang sangla ang sanggol ng dukha.)
10 Sila'y humahayong hubad, walang damit,
bagaman gutom, dinadala nila ang mga bigkis;
11 mula sa mga hanay ng olibo, sila'y gumagawa ng langis,
sila'y nagpipisa sa pisaan ng ubas, subalit sa uhaw sila'y nagtitiis.
12 Mula sa lunsod ay dumadaing ang naghihingalo,
at ang kaluluwa ng sugatan ay humihingi ng saklolo,
gayunma'y hindi pinapansin ng Diyos ang kanilang pagsamo.
13 “May mga naghihimagsik laban sa liwanag;
na hindi nakakaalam ng mga daan niyon,
at hindi nananatili sa mga landas niyon.
14 Ang mamamatay-tao ay bumabangon sa bukang-liwayway
upang mapatay niya ang dukha at nangangailangan;
at sa gabi naman ay gaya siya ng magnanakaw.
15 Ang mata ng mangangalunya ay naghihintay rin ng takipsilim,
na nagsasabing, ‘Walang matang makakakita sa akin;’
at siya'y nagbabalatkayo ng kanyang mukha.
16 Sa dilim ay naghuhukay sila sa mga bahay;
sila'y nagkukulong sa sarili kapag araw;
ang liwanag ay hindi nila nalalaman.
17 Sapagkat ang pusikit na kadiliman ay umaga para sa kanilang lahat,
sapagkat sila'y kaibigan ng pusikit na kadilimang nakakasindak.
18 “Inyong sinasabi, ‘Sa ibabaw ng tubig sila'y matuling dinadala,
ang kanilang bahagi ay sinumpa sa lupa;
walang mamimisa na babalik sa mga ubasan nila.
19 Inaagaw ng tagtuyot at init ang tubig ng niyebe,
gayundin ang ginagawa ng Sheol sa mga nagkasala.
20 Kalilimutan sila ng sinapupunan,
para sa bulati'y matamis silang matatagpuan,
hindi na maaalala ang kanilang pangalan,
kaya't babaliing parang punungkahoy ang kasamaan.’
21 “Ginagawan ng masama ang hindi nanganganak na babae,
at ang babaing balo ay hindi ginagawan ng mabuti.
22 Ngunit pinahahaba ng Diyos[c] ang buhay ng malakas sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan;
sila'y bumabangon ngunit walang katiyakan sa buhay.
23 Pinagkakalooban niya sila ng katiwasayan, at sila'y inaalalayan;
at ang kanyang mga mata ay nasa kanilang mga daanan.
24 Sila'y itinaas nang ilang sandali, at pagkatapos ay wala na.
At sila'y nalalanta at kumukupas na gaya ng lahat ng mga iba,
sila'y pinuputol na gaya ng mga uhay.
25 Kung hindi gayon, sinong magpapatunay na ako'y bulaan,
at magpapakita na ang sinasabi ko'y walang kabuluhan?”
Nag-ulat si Pedro sa Iglesya sa Jerusalem
11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid na nasa Judea na tinanggap din ng mga Hentil ang salita ng Diyos.
2 Kaya't nang umahon si Pedro sa Jerusalem ay nakipagtalo sa kanya ang mga nasa panig ng pagtutuli,
3 na sinasabi, “Bakit pumunta ka sa mga taong hindi tuli at kumain kang kasalo nila?”
4 Ngunit si Pedro ay nagpasimulang magpaliwanag sa kanila nang sunud-sunod, na sinasabi:
5 “Ako'y nananalangin sa bayan ng Joppa; habang nasa kawalan ng malay ay nakakita ako ng isang pangitain na may isang bagay na bumababa, gaya ng isang malapad na kumot, na sa apat na sulok ay inihuhugos mula sa langit at bumaba sa akin.
6 Nang titigan ko iyon ay nakita ko ang mga hayop sa lupa na may apat na paa at mga hayop na mababangis at mga hayop na gumagapang at mga ibon sa himpapawid.
7 Nakarinig din ako ng isang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.’
8 Subalit sinabi ko, ‘Hindi maaari, Panginoon, sapagkat kailanman ay walang anumang marumi o karumaldumal ang pumasok kailanman sa aking bibig.’
9 Ngunit sumagot sa ikalawang pagkakataon ang tinig mula sa langit, ‘Ang nilinis ng Diyos ay huwag mong ituring na marumi.’
10 Ito'y nangyari ng tatlong ulit, at muling binatak ang lahat ng iyon papaakyat sa langit.
11 Nang sandaling iyon, may dumating na tatlong lalaki sa bahay na aming kinaroroonan, na mga sinugo sa akin buhat sa Cesarea.
12 Iniutos sa akin ng Espiritu na ako'y sumama sa kanila at huwag mag-atubili. At sinamahan din ako nitong anim na kapatid; at pumasok kami sa bahay ng lalaki.
13 Kanyang isinalaysay sa amin kung paanong nakita niya ang anghel na nakatindig sa kanyang bahay, at nagsasabi, ‘Magsugo ka sa Joppa at ipatawag mo si Simon, na tinatawag na Pedro.
14 Magsasabi siya sa iyo ng mga salitang ikaliligtas mo, ikaw at ng buong sambahayan mo.’
15 Nang ako'y magsimulang magsalita, bumaba sa kanila ang Espiritu Santo na kung paanong bumaba rin sa atin noong una.
16 At(A) naalala ko ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya, ‘Si Juan ay nagbautismo sa tubig, subalit kayo'y babautismuhan sa Espiritu Santo.’
17 Kung ibinigay sa kanila ng Diyos ang gayunding kaloob na gaya naman ng kanyang ibinigay sa atin nang tayo'y nanampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ba ako na makakahadlang sa Diyos?”
18 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, tumahimik sila at niluwalhati ang Diyos, na sinasabi, “Kung gayo'y binigyan din ng Diyos ang mga Hentil ng pagsisisi tungo sa buhay.”
Ang Iglesya sa Antioquia
19 Samantala,(B) ang mga nagkawatak-watak dahil sa pag-uusig na nangyari kay Esteban ay naglakbay hanggang sa Fenicia, sa Cyprus, at sa Antioquia, na hindi sinasabi kaninuman ang salita, maliban sa mga Judio.
20 Subalit may ilan sa kanila, mga lalaking taga-Cyprus at taga-Cirene, nang dumating sa Antioquia, ay nagsalita din sa mga Griyego, na ipinangangaral ang Panginoong Jesus.
21 Sumasakanila ang kamay ng Panginoon at ang napakalaking bilang na sumampalataya ay nagbalik-loob sa Panginoon.
22 Nakarating ang balita tungkol sa kanila sa mga pandinig ng iglesya na nasa Jerusalem at kanilang sinugo si Bernabe sa Antioquia.
23 Nang siya'y dumating at nakita ang biyaya ng Diyos, ay nagalak siya at kanyang hinimok ang bawat isa upang manatili sa Panginoon na may katapatan ng puso;
24 sapagkat siya'y mabuting lalaki at puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya. At napakaraming tao ang idinagdag sa Panginoon.
25 At si Bernabe ay nagtungo sa Tarso upang hanapin si Saulo.
26 Nang siya'y kanyang matagpuan ay kanyang dinala siya sa Antioquia. At nangyari na sa buong isang taon ay nakasama nila ang iglesya, at nagturo sa napakaraming tao; at sa Antioquia ang mga alagad ay pinasimulang tawaging mga Cristiano.
27 Nang mga araw ngang ito ay may lumusong sa Antioquia na mga propetang galing sa Jerusalem.
28 (C) Isa sa kanila na ang pangalan ay Agabo, ang tumayo at ipinaalam sa pamamagitan ng Espiritu na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong sanlibutan; at ito'y nangyari sa kapanahunan ni Claudio.
29 Ang mga alagad, ayon sa kakayahan ng bawat isa, ay nagpasiyang magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea;
30 at kanilang ginawa ito at ipinadala nila sa matatanda sa pamamagitan ng mga kamay nina Bernabe at Saulo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001