Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Ezekiel 27-29

Ang panaghoy sa Tiro.

27 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na nagsasabi:

At ikaw, anak ng tao, (A)panaghuyan mo ang Tiro;

At sabihin mo sa Tiro, Oh ikaw na tumatahan sa pasukan sa dagat, na ikaw ang mangangalakal sa mga bansa sa maraming pulo, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ikaw, Oh Tiro, nagsabi, Ako'y sakdal sa kagandahan.

Ang iyong mga hangganan ay nangasa kalaliman ng mga dagat, ang nagsipagtayo sa iyo ay nangagpasakdal ng iyong kagandahan.

Ang ginawa nilang makakapal mong tabla ay mga puno ng abeto na mula sa (B)Senir: sila'y nagsikuha ng cedro mula sa Libano, upang gawing palo ng sasakyan mo.

Ginawa nilang iyong mga saguwan ang mga encina sa Basan; ang kanilang ginawang mga bangko mong garing na nalalapat sa kahoy na boj ay mula sa (C)mga pulo ng Chittim.

Manipis na kayong lino na yaring may burda na mula sa Egipto ang iyong layag, upang maging sa iyo'y isang (D)watawat; kulay asul at morado na mula sa mga pulo ng (E)Elisah ang iyong kulandong.

Ang mga nananahan sa Sidon at Arvad ay iyong mga mananaguwan: ang iyong mga pantas, Oh Tiro, ay nangasa iyo, sila ang iyong mga tagaugit.

Ang mga matanda sa (F)Gebal at ang mga pantas niyao'y pawang tagapagpasak mo: ang lahat na sasakyan sa dagat sangpu ng mga tao ng mga yaon ay nangasa iyo upang pangasiwaan ang iyong kalakal.

10 Ang Persia, ang Lud, at ang (G)Phut ay nangasa iyong hukbo, na iyong mga lalaking mangdidigma: kanilang ibinitin ang kalasag at ang turbante sa iyo; nagpapaganda sa iyo.

11 Ang mga lalake sa Arvad na kasama ng iyong hukbo ay nangasa ibabaw ng iyong mga kuta sa palibot, at ang mga matatapang ay nasa iyong mga moog; kanilang isinabit ang kanilang mga kalasag sa iyong mga kuta sa palibot; kanilang pinasakdal ang iyong kagandahan.

Ang kalakal ng Tiro.

12 (H)Ang Tarsis ay iyong mangangalakal dahil sa karamihan ng sarisaring kayamanan; na ang pilak, bakal, lata, at tingga, ay ipinapalit nila sa iyong mga kalakal.

13 Ang Javan, ang (I)Tubal, at ang Mesec, mga mangangalakal mo: kanilang kinakalakal ang mga tao at ang mga sisidlang tanso na ipinapalit nila sa iyong mga kalakal.

14 Ang sangbahayan ni (J)Togarma ay nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng mga kabayo at ng mga kabayong pangdigma at ng mga mula.

15 Ang mga tao sa (K)Dedan ay iyong mangangalakal: maraming pulo ay nangagdadala ng kalakal sa iyong kamay: kanilang dinadala sa iyo na pinakapalit ay mga sungay na garing at ebano.

16 Naging mangangalakal mo ang Siria dahil sa karamihan ng iyong mga gawang kamay: sila'y nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng mga esmeralda, kulay ube, at yaring may burda, at manipis na kayong lino, at gasang at mga rubi.

17 Naging mga mangangalakal mo ang Juda, at ang lupain ng Israel: sila'y nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng trigo ng (L)Minith, at ng pannag, at ng pulot, at ng langis, at ng (M)balsamo.

18 Mangangalakal mo ang Damasko dahil sa karamihan ng iyong mga gawang kamay, dahil sa karamihan ng sarisaring kayamanan, sangpu ng alak sa Helbon, at maputing lana.

19 Nakikipagpalitan ang Vedan at Javan sa iyong mga kalakal ng sinulid na lana: ang makinang na bakal, (N)ang kasia, at ang kalamo, ay ilan sa iyong mga kalakal.

20 Naging iyong mangangalakal ang Dedan sa mga mahalagang kayo na ukol sa pangangabayo.

21 Ang Arabia, at lahat na prinsipe sa Cedar, mga naging mangangalakal ng iyong kamay; sa mga cordero, at mga lalaking tupa, at mga kambing, sa mga ito'y naging mga mangangalakal mo sila.

22 Ang mga mangangalakal sa Seba at sa Raama, mga naging mangangalakal mo; kanilang ipinapalit sa iyong mga kalakal ang mga pinakamainam na especia, at lahat na mahalagang bato, at ang ginto.

23 Ang Haran at ang Canneh at ang Eden, na mga mangangalakal sa Seba, ang Assur at ang Chilmad ay naging mga mangangalakal mo.

24 Ang mga ito ang iyong mga mangangalakal sa mga piling kalakal sa mga balutan ng mga yaring asul at may burda, at sa mga baul na may mainam na hiyas, natatalian ng mga sintas, at yaring cedro, na ilan sa iyong mga kalakal.

25 Ang mga sasakyan sa Tarsis ay (O)iyong mga pulutong sa iyong kalakal: at ikaw ay napuno at naging totoong maluwalhati sa kalagitnaan ng mga dagat.

26 Dinala ka ng iyong mga manggagaod sa malawak na dagat: binagbag ka ng hanging silanganan sa kalagitnaan ng dagat.

27 Ang iyong kayamanan, at ang iyong mga kalakal, ang iyong tinda, at ang iyong mga manggagaod, at ang iyong mga tagaugit, ang iyong mga tagapagpasak, at ang nagsisipamahala ng iyong mga kalakal, at ang lahat mong lalaking mangdidigma na nangasa iyo, sangpu ng iyong lahat na pulutong na nangasa gitna mo, mangalulubog sa kalagitnaan ng dagat sa kaarawan ng iyong pagkasira.

28 Sa lakas ng hiyaw ng iyong mga tagaugit, ang mga nayon ay mangayayanig.

29 At lahat na nagsisihawak ng gaod, ang mga tao sa sasakyan, at lahat ng tagaugit sa dagat, (P)ay magsisibaba sa kanilang mga sasakyan; sila'y magsisitayo sa ibabaw ng lupain,

30 At iparirinig ang kanilang tinig sa iyo, at hihiyaw ng kalagimlagim, at mangagbubuhos ng alabok sa kanilang mga ulo, sila'y magsisigumon sa mga abo:

31 At (Q)mangagpapakakalbo dahil sa iyo, at mangagbibigkis ng kayong magaspang, at kanilang iiyakan ka ng kapanglawpanglaw sa kalooban, na may mapanglaw na pananangis.

32 At sa kanilang pagtangis ay pananaghuyan ka nila, at tatangisan ka, na sasabihin, Sino ang gaya ng Tiro na gaya niya na nadala sa katahimikan sa gitna ng dagat?

33 Pagka ang iyong mga kalakal ay (R)inilalabas sa mga dagat, iyong binubusog ang maraming bayan; iyong pinayaman ang mga hari sa lupa ng karamihan ng iyong mga kayamanan at ng iyong mga kalakal.

34 Sa panahon na ikaw ay (S)bagbag sa tabi ng mga dagat sa kalaliman ng tubig, ang iyong kalakal at ang iyong buong pulutong ay lumubog sa gitna mo.

35 Lahat ng mananahan (T)sa mga pulo ay nangatitigilan dahil sa iyo, at ang kanilang mga hari ay nangatakot ng di kawasa, sila'y nangamanglaw sa kanilang mukha.

36 Pinagsutsutan ka ng mga mangangalakal sa gitna ng mga bayan; ikaw ay naging kakilakilabot, at hindi ka na mabubuhay pa.

Ang pagkakaalis ng hari sa Tiro.

28 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na nagsasabi,

Anak ng tao, sabihin mo sa prinsipe sa Tiro, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't ang iyong puso ay nagmataas, at iyong sinabi, Ako'y dios, ako'y nauupo sa upuan ng Dios, (U)sa gitna ng mga dagat; gayon man (V)ikaw ay tao, at hindi Dios, bagaman iyong inilagak ang iyong puso na parang puso ng Dios;

Narito, (W)ikaw ay lalong marunong kay Daniel; walang lihim na malilihim sa iyo;

Sa pamamagitan ng iyong karunungan, at ng iyong unawa, nagkaroon ka ng mga kayamanan, at nagkaroon ka ng ginto at pilak sa iyong mga ingatang-yaman;

Sa pamamagitan ng iyong dakilang karunungan at ng iyong pangangalakal ay napalago mo ang iyong mga kayamanan, at ang iyong puso ay nagmataas dahil sa iyong kayamanan;

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't iyong inilagak ang iyong puso na parang puso ng Dios,

Kaya't narito, ako'y magdadala ng mga (X)taga ibang lupa sa iyo, (Y)na kakilakilabot sa mga bansa; at kanilang bubunutin ang kanilang mga tabak laban sa kagandahan ng iyong karunungan, at kanilang dudumhan ang iyong kaningningan.

Kanilang ibababa ka sa hukay; at ikaw ay mamamatay ng kamatayan niyaong nangapatay sa kalagitnaan ng mga dagat.

Sabihin mo pa kaya sa harap niya na pumapatay sa iyo, Ako'y Dios? nguni't ikaw ay tao, at hindi Dios, sa kamay niya na sumusugat sa iyo.

10 Ikaw ay mamamatay ng pagkamatay (Z)ng mga hindi tuli sa pamamagitan ng kamay ng mga taga ibang lupa: sapagka't ako ang nagsalita, sabi ng Panginoong Dios.

Ang panaghoy sa hari sa Tiro.

11 Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

12 Anak ng tao, (AA)panaghuyan mo ang hari sa Tiro, at sabihin mo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, (AB)iyong tinatatakan ang kabuoan, na puno ng karunungan, at sakdal sa kagandahan.

13 Ikaw ay nasa Eden, (AC)na halamanan ng Dios; lahat na mahalagang bato ay iyong kasuutan, ang sardio, ang topacio, at ang diamante, ang berilo, ang onix, at ang jaspe, ang zafiro, ang esmeralda, at ang karbungko, at ang ginto: ang pagkayari ng iyong pandereta at iyong mga plauta ay napasa iyo; sa kaarawan na ikaw ay lalangin ay nangahanda.

14 Ikaw ang pinahirang (AD)kerubin na tumatakip: at itinatag kita, na anopa't ikaw ay nasa ibabaw ng (AE)banal na bundok ng Dios; ikaw ay nagpanhik manaog sa gitna ng mga (AF)batong mahalaga.

15 Ikaw ay sakdal sa iyong mga lakad mula sa araw na ikaw ay lalangin, hanggang sa ang kalikuan ay nasumpungan sa iyo.

16 Dahil sa karamihan ng iyong kalakal ay kanilang pinuno ang gitna mo ng pangdadahas, at ikaw ay nagkasala: kaya't inihagis kitang parang dumi mula sa bundok ng Dios; at ipinahamak kita, Oh tumatakip na kerubin, mula sa gitna ng mga batong mahalaga.

17 Ang iyong puso ay nagmataas dahil sa iyong kagandahan; iyong ipinahamak ang iyong karunungan dahil sa iyong kaningningan: aking inihagis ka sa lupa; aking inilagay ka sa harap ng mga hari, upang kanilang masdan ka.

18 Sa pamamagitan ng karamihan ng iyong mga kasamaan, sa kalikuan ng iyong pangangalakal, iyong nilapastangan ang iyong mga santuario: kaya't (AG)ako'y naglabas ng apoy sa gitna mo; sinupok ka, at pinapaging abo ka sa ibabaw ng lupa sa paningin ng lahat na nanganonood sa iyo.

19 Silang lahat na nangakakakilala sa iyo sa gitna ng mga bayan, mangatitigilan dahil sa iyo: ikaw ay naging kakilakilabot, at ikaw ay hindi na mabubuhay pa.

Ang hula laban sa Sidon.

20 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

21 Anak ng tao, ititig mo ang iyong mukha (AH)sa Sidon, at manghula ka laban doon,

22 At iyong sabihin, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y laban sa iyo, Oh Sidon; at ako'y luluwalhati sa gitna mo; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon, pagka ako'y naglapat ng kahatulan sa kaniya, at (AI)aariing banal sa kaniya.

23 Sapagka't ako'y magpaparating sa kaniya ng salot (AJ)at dugo sa kaniyang mga lansangan; at ang mga may sugat ay mangabubuwal sa gitna niya, sa pamamagitan ng tabak, na nakaumang sa kaniya sa lahat ng dako; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

24 At (AK)hindi na magkakaroon pa ng dawag na nakakasalubsob sa sangbahayan ni Israel, o ng tinik mang mapangpahirap sa alin man sa nangasa palibot niya, na nagwalang kabuluhan sa kanila; at kanilang malalaman na ako ang Panginoong Dios.

Muling pagkatatag ng Israel.

25 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Pagka (AL)aking napisan ang sangbahayan ni Israel mula sa mga bayan na kanilang pinangalatan, at ako'y aariing banal sa kanila sa paningin ng mga bansa, (AM)sila nga'y magsisitahan sa kanilang sariling lupain na aking ibinigay sa aking lingkod na kay Jacob.

26 At sila'y magsisitahang tiwasay roon, (AN)oo, sila'y mangagtatayo ng mga bahay, at mag-uubasan, at tatahang tiwasay, pagka ako'y nakapaglapat ng mga kahatulan sa lahat na nangagwawalang kabuluhan sa palibot nila: at kanilang malalaman na ako ang Panginoon nilang Dios.

Ang hula laban sa Egipto.

29 Nang ikasangpung taon, nang ikasangpung buwan, nang ikalabing dalawang araw ng buwan, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

Anak ng tao, ititig mo ang iyong mukha laban kay Faraon na hari sa Egipto, at manghula ka laban sa kaniya, at (AO)laban sa buong Egipto;

Iyong salitain, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y lalaban sa iyo, Faraong hari sa Egipto, na malaking (AP)buwaya na nahihiga sa gitna ng kaniyang mga ilog, na nagsabi: Ang ilog ko ay aking sarili, at aking ginawa sa ganang aking sarili.

At (AQ)kakawitan kita ng mga pangbingwit sa iyong mga panga, at aking padidikitin ang isda ng iyong mga ilog sa iyong mga kaliskis; at isasampa kita mula sa gitna ng iyong mga ilog, na kasama ng lahat na isda ng iyong mga ilog na magsisidikit sa iyong mga kaliskis.

At ikaw ay aking iiwan tapon sa ilang, ikaw at ang lahat na isda ng iyong mga ilog: ikaw ay mabubuwal sa luwal na parang; (AR)ikaw ay hindi pipisanin, o pupulutin man; aking ibinigay kang pagkain sa mga hayop sa lupa, at sa mga ibon sa himpapawid.

At lahat ng nananahan sa Egipto ay makakaalam na ako ang Panginoon, sapagka't sila'y naging (AS)tukod na tambo sa sangbahayan ni Israel.

Nang kanilang pigilan (AT)ka sa iyong kamay, iyong binali, at iyong nilabnot ang kanilang mga balikat; at nang sila'y sumandal sa iyo, iyong binalian, at iyong pinapanghina ang kanilang mga balakang.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, pagdadalhan kita ng tabak sa iyo, at aking ihihiwalay sa iyo ang tao at hayop.

At ang lupain ng Egipto ay magiging giba at sira; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon. Sapagka't kaniyang sinabi, Ang ilog ay akin, at aking ginawa;

10 Kaya't, narito, ako'y laban sa iyo, at laban sa iyong mga ilog, (AU)at aking lubos na gigibain at sisirain ang lupain ng Egipto, (AV)mula sa moog ng Seveneh hanggang sa hangganan ng Etiopia.

11 Walang paa ng tao na daraan doon, o paa man ng hayop ay daraan doon, o tatahanan man siyang apat na pung taon.

12 At aking gagawing sira ang lupain (AW)ng Egipto sa gitna ng mga lupain na sira; at ang kaniyang mga bayan sa gitna ng mga bayang giba ay magiging sira na apat na pung taon; (AX)at aking pangangalatin ang mga taga Egipto sa gitna ng mga bansa, at aking pananabugin sila sa mga lupain.

13 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa katapusan (AY)ng apat na pung taon ay aking pipisanin ang mga taga Egipto, mula sa mga bayan na kanilang pinangalatan;

14 At aking ibabalik uli ang mga bihag sa Egipto, at aking pababalikin sila sa lupain ng (AZ)Patros, na lupain na kinapanganakan sa kanila; at sila'y magiging doo'y isang mababang kaharian.

15 Siyang magiging pinakamababa sa mga kaharian; at hindi na matataas pa man ng higit kay sa mga bansa: at aking babawasan sila, upang huwag na silang magpuno sa mga bansa.

16 At hindi na magiging (BA)pagasa pa ng sangbahayan ni Israel, na nagpapaalaala ng kasamaan, pagka kanilang lilingunin sila: at kanilang malalaman na ako ang Panginoong Dios.

17 At nangyari, nang ikadalawang pu't pitong taon, nang unang buwan, nang unang araw ng buwan, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi:

18 Anak ng tao, (BB)pinapaglilingkod ng mabigat ni (BC)Nabucodonosor na hari sa Babilonia ang kaniyang kawal laban sa Tiro: lahat ng ulo ay nakalbo, at lahat ng balikat ay nalabnot; gayon ma'y wala siyang kaupahan, o ang kaniyang hukbo man, mula sa Tiro, sa paglilingkod na kaniyang ipinaglingkod laban doon.

19 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, (BD)aking ibibigay ang lupain ng Egipto kay Nabucodonosor na hari sa Babilonia; at dadalhin niya ang kaniyang karamihan, at kukunin ang samsam sa kaniya, at kukunin ang huli sa kaniya; at magiging kaupahan para sa kaniyang hukbo.

20 Ibinigay ko sa kaniya ang lupain ng Egipto na pinakaganti sa kaniya dahil sa kaniyang ipinaglingkod, sapagka't sila'y nagsipagpagal ng dahil sa akin, sabi ng Panginoong Dios.

21 Sa araw na yao'y (BE)aking palilitawin ang isang sungay upang tumulong sa sangbahayan ni Israel, at aking papangyayarihin ang (BF)iyong salita sa gitna nila: at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

1 Pedro 3

Gayon din naman, (A)kayong mga asawang babae, pasakop kayo sa inyong sarisariling asawa; upang, (B)kung ang ilan ay hindi tumalima sa salita, ay mangahikayat ng walang salita sa pamamagitan ng (C)ugali ng kanikaniyang asawang babae;

Sa pagkamasid nila ng inyong (D)ugaling mahinhin na may takot.

Na (E)huwag sa labas ang kanilang paggayak na gaya ng pagpapahiyas ng buhok, at pagsusuot ng mga hiyas na ginto, o pagbibihis ng maringal na damit;

Kundi (F)ang pagkataong natatago sa puso na may damit na walang kasiraan ng espiritung maamo at payapa, na may malaking halaga sa paningin ng Dios.

Sapagka't nang unang panahon, ay ganito naman nagsigayak ang mga babaing banal na nagsiasa sa Dios, (G)na pasakop sa kanikaniyang asawa;

Na gaya ni Sara na tumalima kay Abraham, na kaniyang tinawag na panginoon: na kayo ang mga anak niya ngayon, kung nagsisigawa kayo ng mabuti, at di kayo nangatatakot sa anomang kasindakan.

(H)Gayon din naman kayong mga lalake, magsipamahay kayong kasama ng inyo-inyong asawa ayon sa pagkakilala, na pakundanganan (I)ang babae, na gaya ng marupok na sisidlan, yamang kayo nama'y kasamang tagapagmana ng biyaya ng kabuhayan: (J)upang ang inyong mga panalangin ay huwag mapigilan.

Katapustapusan, (K)kayong lahat ay mangagkaisang akala, madamayin, (L)mangagibigang tulad sa magkakapatid, (M)mga mahabagin, mga mapagkumbabang pagiisip:

(N)Na huwag ninyong gantihin ng masama ang masama, (O)o ng alipusta ang pagalipusta; kundi (P)ng pagpapala; sapagka't dahil dito kayo'y tinawag, upang kayo'y mangagmana ng pagpapala.

10 Sapagka't,

(Q)Ang magnais umibig sa buhay,
At makakita ng mabubuting araw,
Ay magpigil ng kaniyang dila sa masama,
At ang kaniyang mga labi ay huwag magsalita ng daya:
11 At tumalikod siya sa masama, at gumawa ng mabuti;
Hanapin ang kapayapaan, at kaniyang sundan.
12 Sapagka't ang mga mata ng Panginoon ay nasa mga matuwid,
At ang kaniyang mga pakinig ay sa kanilang mga daing:
Nguni't ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga nagsisigawa ng masama.

13 At sino ang sa inyo ay aapi, kung kayo'y mapagmalasakit sa mabuti?

14 Datapuwa't (R)kung mangagbata kayo ng dahil sa katuwiran (S)ay mapapalad kayo: at (T)huwag kayong mangatakot sa kanilang pangtakot, o (U)huwag kayong mangagulo;

15 Kundi (V)inyong ariing banal si Cristo na Panginoon sa inyong mga puso: (W)na lagi kayong handa ng pagsagot sa bawa't tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo, nguni't sa (X)kaamuan at (Y)takot:

16 Na taglay (Z)ang mabuting budhi; (AA)upang, sa mga bagay na salitain laban sa inyo, ay mangapahiya ang (AB)nagsisialipusta sa inyong mabuting paraan ng (AC)pamumuhay kay Cristo.

17 Sapagka't lalong magaling, kung gayon ang iniibig ng kalooban ng Dios na kayo'y mangagbata dahil sa paggawa ng mabuti kay sa dahil sa paggawa ng masama.

18 Sapagka't si Cristo man ay (AD)nagbata ring (AE)minsan dahil sa mga kasalanan, ang matuwid dahil sa mga di matuwid, (AF)upang tayo'y madala niya sa Dios; siyang pinatay (AG)sa laman, nguni't (AH)binuhay (AI)sa espiritu;

19 Na iyan din ang kaniyang iniyaon at (AJ)nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan,

20 Na nang unang panahon ay mga suwail, (AK)na ang pagpapahinuhod ng Dios, ay nanatili noong mga araw ni Noe, samantalang (AL)inihahanda ang daong, na sa loob nito'y kakaunti, sa makatuwid ay walong kaluluwa, ang nangaligtas sa pamamagitan ng tubig:

21 Na ayon sa tunay (AM)na kahawig ngayo'y nagligtas, sa makatuwid baga'y (AN)ang bautismo, hindi sa pagaalis (AO)ng karumihan ng laman, kundi sa paghiling ng (AP)isang mabuting budhi sa Dios, (AQ)sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ni Jesucristo;

22 Na nasa kanan ng Dios, pagkaakyat niya sa langit; na (AR)ipinasakop (AS)sa kaniya ang mga anghel at ang mga kapamahalaan ang mga kapangyarihan.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978