Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Jeremias 46-47

Ang pagkatalo ni Faraon sa Carchemis.

46 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias na propeta tungkol sa (A)mga bansa.

Tungkol sa Egipto: (B)tungkol sa hukbo ni Faraon Nechao na hari sa Egipto, na nasa tabi ng ilog ng Eufrates sa Carchemis na sinaktan ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia nang ikaapat na taon ni Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda.

Inyong iayos ang (C)pansalag at kalasag, at kayo'y magsilapit sa pagbabaka.

Singkawan ninyo ang mga kabayo, at kayo'y magsisakay, kayong mga nangangabayo, at magsitayo kayong mga turbante; pakintabin ninyo ang mga sibat, at mangagsuot kayo ng sapyaw.

Bakit ko nakita? sila'y nanganglulupaypay at nagsisibalik; at ang kanilang mga makapangyarihan ay buwal, at nagsisitakas na maliksi, at hindi nagsisilingon: kakilabutan ay nasa bawa't dako, sabi ng Panginoon.

Huwag tumakas ang maliksi, o tumanan man ang makapangyarihan; sa hilagaan sa tabi ng ilog Eufrates ay nangatisod sila at nangabuwal.

Sino itong bumabangon na (D)parang Nilo na ang mga tubig ay nagiinalong parang mga ilog?

Ang Egipto ay bumabangong parang Nilo, at ang tubig ay nagiinalong parang mga ilog: at kaniyang sinasabi, Ako'y babangon, aking tatakpan ang lupa; aking ipapahamak ang bayan at ang mga mananahan doon.

Kayo'y magsisampa, kayong mga kabayo; at kayo'y magsihagibis, kayong mga karo; at magsilabas ang mga lalaking makapangyarihan: ang Cus at ang Phut, na humahawak ng kalasag; at ang mga Ludio, na nagsisihawak at nangagaakma ng busog.

10 Sapagka't ang (E)araw na yaon ay sa Panginoon, sa Panginoon ng mga hukbo, araw ng panghihiganti, upang maipanghiganti niya siya sa kaniyang mga kaaway: at ang tabak ay lalamon at mabubusog, at magpapakalango sa dugo nila: sapagka't ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo, (F)may hain (G)sa lupaing hilagaan sa tabi ng ilog Eufrates.

11 Sumampa ka sa Galaad, (H)at kumuha ka ng balsamo, Oh anak na (I)dalaga ng Egipto: sa walang kabuluhan gumagamit ka ng maraming gamot; hindi ka na gagaling.

12 Nabalitaan ng mga bansa ang iyong kahihiyan, at ang lupa ay puno ng iyong hiyaw, sapagka't ang makapangyarihan ay natisod laban sa makapangyarihan, sila'y nangabuwal kapuwa na magkasama.

13 Ang salita na sinalita ng Panginoon kay Jeremias na propeta, kung paanong si Nabucodonosor na hari sa Babilonia ay darating, at sasaktan ang lupain ng Egipto.

Ang pagsalakay sa Egipto ay hinulaan.

14 Ipahayag ninyo sa Egipto, at inyong ihayag sa (J)Migdol, at inyong ihayag sa (K)Memphis, at sa (L)Taphnes: sabihin ninyo, Tumayo ka, at humanda ka; sapagka't ang tabak ay nanakmal sa palibot mo.

15 Bakit ang iyong mga malakas ay napaalis? sila'y hindi nagsitayo, sapagka't itinaboy ng Panginoon.

16 Kaniyang itinisod ang marami, oo, sila'y nangabuwal na patongpatong, at kanilang sinabi, Bumangon ka, at magsiparoon tayo uli sa ating sariling bayan, at sa lupain na kinapanganakan sa atin, mula sa mapagpighating tabak.

17 Sila'y nagsihiyaw roon, Si Faraong hari sa Egipto ay isang hugong lamang; (M)kaniyang pinaraan ang takdang panahon.

18 Buháy ako, (N)sabi ng Hari, na ang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo, tunay na kung paano ang (O)Tabor sa gitna ng mga bundok, at kung paano ang Carmel sa tabi ng dagat, gayon siya darating.

19 Oh ikaw na anak na babae na (P)tumatahan sa Egipto, gumayak ka sa pagpasok sa pagkabihag; sapagka't ang Memphis ay masisira, at magniningas na mawawalan ng mananahan.

20 Ang Egipto ay napakagandang dumalagang baka; nguni't pagkasirang (Q)mula sa hilagaan ay dumarating, dumarating.

21 Ang kaniya namang mga taong upahan sa gitna niya ay parang mga guya sa kulungan; sapagka't sila man ay nagsibalik, sila'y nagsitakas na magkakasama, sila'y hindi nagsitayo: sapagka't ang kaarawan ng kanilang kasakunaan ay dumating sa kanila, ang panahon ng pagdalaw sa kanila.

22 Ang hugong niyaon ay yayaong parang ahas; sapagka't sila'y magsisiyaong kasama ng hukbo, at magsisiparoong laban sa kaniya na mga may palakol, na parang mga mamumutol ng kahoy.

23 Kanilang puputulin ang kaniyang gubat, sabi ng Panginoon, bagaman mahirap pasukin; sapagka't sila'y higit kay sa mga balang, at walang bilang.

24 Ang anak na babae ng Egipto ay malalagay sa kahihiyan; siya'y mabibigay sa kamay ng bayan ng hilagaan.

25 Sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking parurusahan si Amon na taga (R)No, at si Faraon, at ang Egipto, sangpu ng kaniyang mga dios at ng kaniyang mga hari; maging si Faraon, at silang nagsisitiwala sa kaniya:

26 At aking ibibigay sila sa kamay ng nagsisiusig ng kanilang mga buhay, at sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at sa kamay ng kaniyang mga lingkod; at (S)pagkatapos ay tatahanan na gaya ng mga araw nang una, sabi ng Panginoon.

Ang Israel ay inaliw.

27 Nguni't huwag kang matakot, Oh Jacob na aking (T)lingkod, ni manglupaypay ka, Oh Israel: sapagka't narito, ililigtas kita mula sa malayo, at ang iyong lahi ay mula sa lupain ng kanilang pagkabihag; at ang Jacob ay babalik, at magiging tahimik at tiwasay, at walang tatakot sa kaniya.

28 Huwag kang matakot, Oh Jacob na aking lingkod, sabi ng Panginoon, sapagka't ako'y sumasaiyo: sapagka't ako'y gagawa ng lubos na kawakasan sa lahat ng bansa na aking pinagtabuyan sa iyo; nguni't hindi ako gagawa ng lubos na kawakasan sa iyo, kundi sasawayin kita ng kahatulan, at hindi kita iiwan sa anomang paraan ng walang kaparusahan.

Ang salita ng Panginoon tungkol sa Filisteo.

47 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias na propeta (U)tungkol sa mga Filisteo, (V)bago sinaktan ni Faraon ang Gaza.

Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, tubig ay (W)umaahon (X)mula sa hilagaan, at magiging baha, at aapawan ang lupain at ang lahat na nangaroon, ang bayan at ang nagsisitahan doon; at ang mga tao ay magsisihiyaw, at lahat ng mananahan sa lupain ay magsisitangis.

Sa ingay ng lagapak ng mga kuko ng kaniyang mga malakas, sa hagibis ng kaniyang mga karo, sa hugong ng kaniyang mga gulong, hindi nililingon ng mga magulang ang kanilang mga anak dahil sa kahinaan ng mga kamay;

Dahil sa araw na dumarating upang lipulin ang lahat ng Filisteo, upang ihiwalay sa Tiro at Sidon, ang bawa't manunulongan na nalabi: sapagka't lilipulin ng Panginoon ang mga Filisteo, ang nalabi sa pulo ng (Y)Caphtor.

Kakalbuhan ay dumating sa Gaza; Ascalon ay napahamak, at ang nalabi sa kanilang libis: hanggang kailan magkukudlit ka?

Oh ikaw na tabak ng Panginoon, hanggang kailan di ka tatahimik? pumasok ka sa iyong kalooban; ikaw ay magpahinga, at tumahimik.

Paanong ikaw ay matatahimik dangang (Z)binigyan ka ng Panginoon ng bilin? laban sa Ascalon, at laban sa baybayin ng dagat ay doon niya itinakda.

Mga Hebreo 6

Kaya't tayo'y tumigil na ng pagsasalita ng mga unang simulain ng aral ni Cristo, at tayo'y mangagpatuloy sa kasakdalan; na huwag nating ilagay na muli ang kinasasaligan ng pagsisisi (A)sa mga patay na gawa, at ng pananampalataya sa Dios,

Ng aral (B)na tungkol sa mga paglilinis, (C)at ng pagpapatong ng mga kamay, (D)at ng pagkabuhay na maguli ng mga patay, (E)at ng paghuhukom na walang hanggan.

At ating gagawin ito, kung ipahihintulot ng Dios.

Sapagka't tungkol sa mga minsang (F)naliwanagan at nakalasap (G)ng kaloob ng kalangitan, at mga (H)nakabahagi ng Espiritu Santo,

At nakalasap ng mabuting salita ng Dios, at ng mga kapangyarihan (I)ng panahong darating,

At saka nahiwalay sa Dios ay (J)di maaaring baguhin silang muli (K)sa pagsisisi; (L)yamang kanilang ipinapapakong muli sa ganang kanilang sarili ang Anak ng Dios, at inilalagay na muli siya sa hayag na kahihiyan.

Sapagka't ang lupang (M)humitit ng ulang madalas na lumalagpak sa kaniya, at tinutubuan ng mga damong pakikinabangan ng mga yaon na dahil sa kanila'y binukid, ay tumanggap ng pagpapalang mula sa Dios:

Datapuwa't (N)kung namumunga ng mga tinik at dawag, ay itinatakuwil at malapit sa sumpa; at ang kaniyang kahihinatnan ay ang sunugin.

Nguni't, mga minamahal, naniniwala kaming lubos sa magagaling na bagay tungkol sa inyo, at sa mga bagay na kalakip ng pagkaligtas, bagama't kami ay nagsasalita ng ganito:

10 Sapagka't ang (O)Dios ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pagibig na inyong ipinakita sa kaniyang pangalan, sa inyong (P)paglilingkod sa mga banal, at hanggang ngayo'y nagsisipaglingkod kayo.

11 At ninanasa namin na ang (Q)bawa't isa sa inyo ay magpakita ng gayon ding sikap sa ikalulubos ng pagasa hanggang sa katapusan:

12 Na huwag kayong (R)mga tamad, kundi mga taga tulad kayo sa mga na sa pamamagitan ng pananampalataya at ng pagtitiis ay nagsisipagmana (S)ng mga pangako.

13 Sapagka't nang mangako ang Dios kay Abraham, palibhasa'y hindi niya maipanumpa ang anomang lalong mataas, ay (T)ipinanumpa ang kaniyang sarili,

14 Na sinasabi, (U)Tunay sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin kita.

15 At sa ganito, nang makapaghintay na may pagtitiis, ay nagtamo siya ng pangako.

16 Sapagka't ipinanunumpa ng mga tao ang lalong mataas: at sa bawa't pagtatalo nila'y (V)ang sumpa sa pagpapatotoo ang siyang katapusan.

17 Sa ganito, sa pagkaibig ng Dios na maipakitang lalong sagana sa mga (W)tagapagmana ng pangako (X)ang kawalan ng pagbabago ng kaniyang pasiya, ay ipinamagitan ang sumpa;

18 Upang sa dalawang bagay na di mababago, na diya'y (Y)di maaaring ang Dios ay magbulaan, ay mangagkaroon tayo ng isang matibay na kasiglahan, tayong nangagsitakas na sumakanlong upang mangapit sa pagasang nalalagay sa ating unahan:

19 Na ating inaring tulad sa sinepete ng kaluluwa, isang pagasa na matibay at matatag (Z)at pumapasok sa nasa loob ng (AA)tabing;

20 Na doo'y (AB)pumasok dahil sa atin si Jesus, na gaya ng pangunahin, (AC)na naging dakilang saserdote magpakailan man ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978