New Testament in a Year
Ang Pagtawag sa mga Unang Alagad(A)
5 Samantalang si Jesus ay nakatayo sa baybay ng lawa ng Genesaret at habang nag-uunahang palapit sa kanya ang mga tao upang makinig sa salita ng Diyos, 2 nakita niya ang dalawang bangkang nakadaong sa tabi ng lawa. Wala na sa mga bangka ang mga mangingisda dahil naghuhugas na ng kanilang mga lambat. 3 Sinakyan niya ang bangka na pag-aari ni Simon. Hiniling niya kay Simon na sumagwan nang kaunti palayo sa lupa. Umupo siya at nagturo sa mga tao mula sa bangka. 4 Nang matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon, “Dumako kayo sa malalim at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang makahuli.” 5 Sumagot si Simon, “Ginoo, buong magdamag po kaming nagtiyaga ngunit wala kaming nahuli. Subalit dahil sa inyong utos, ihuhulog ko ang lambat.” 6 Pagkagawa nila nito, nakahuli sila ng napakaraming isda na halos ikapunit ng kanilang mga lambat. 7 Kaya't kinawayan nila ang kanilang mga kasamahan sa kabilang bangka upang lumapit at tumulong sa kanila. Lumapit nga ang mga ito at pinuno nila ang dalawang bangka hanggang sa halos lumubog na ang mga ito. 8 Nang makita ito ni Simon Pedro, lumuhod siya sa harap ni Jesus habang sinasabi, “Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako'y taong makasalanan.” 9 Sapagkat siya at ang lahat ng kanyang mga kasama ay namangha dahil sa nahuli nilang mga isda, 10 gayundin ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan, na mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayon, ikaw ay magiging tagapangisda na ng mga tao.” 11 Nang maidaong na nila sa lupa ang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.
Pinagaling ang Isang Ketongin(B)
12 Minsan ay nasa isang bayan si Jesus nang dumating ang isang lalaking punung-puno ng ketong. Pagkakita nito kay Jesus, patirapa itong nakiusap sa kanya, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako ay mapagagaling ninyo.” 13 Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay, hinawakan ang lalaki at sinabi, “Nais ko, gumaling ka!” At agad nawala ang ketong ng lalaki. 14 Pinagbilinan ni Jesus ang lalaki, “Huwag mo itong ipagsasabi kaninuman. Humayo ka at ipasuri mo ang iyong sarili sa pari, at mag-alay ng ayon sa iniutos ni Moises tungkol sa iyong pagkalinis bilang patotoo sa kanila.” 15 Ngunit lalong kumalat ang balita tungkol kay Jesus at pinagkaguluhan siya ng napakaraming tao upang makinig at magpagamot ng kanilang mga karamdaman. 16 Ngunit siya ay umiwas patungong ilang at nanalangin.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.