New Testament in a Year
Ikatlong Pagbanggit ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)
32 Nauuna sa kanila si Jesus sa daang paakyat sa Jerusalem. Namamangha ang mga alagad at natatakot naman ang mga sumusunod sa kanya. Muli niyang ibinukod ang labindalawa, at sinimulang isalaysay ang nakatakdang mangyayari sa kanya. 33 Sinabi niya, “Ngayon, papunta tayo sa Jerusalem at ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y hahatulan nila ng kamatayan, at ibibigay sa mga Hentil. 34 Siya'y kanilang kukutyain, duduraan, hahagupitin at papatayin. Ngunit pagkaraan ng tatlong araw, siya'y muling mabubuhay.”
Ang Kahilingan nina Santiago at Juan(B)
35 Lumapit kay Jesus ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sinabi nila, “Guro, ipagkaloob mo po sana ang anumang hihilingin namin sa iyo.” 36 “Ano ang nais ninyong gawin ko?” tanong ni Jesus. 37 Sumagot ang magkapatid, “Ipagkaloob ninyong makaupo kami, isa sa kanan at isa sa kaliwa sa inyong kaluwalhatian.” 38 Subalit (C) sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo alam ang inyong hinihingi. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na iinuman ko, at mabautismuhan sa bautismong daranasin ko?” 39 “Kaya namin,” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Iinuman nga ninyo ang kopang iinuman ko, at babautismuhan kayo sa bautismong daranasin ko. 40 Ngunit ang maupo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi ako ang magkakaloob. Iyan ay nakalaan para sa mga pinaghandaan nito.” 41 Nang marinig ito ng sampung alagad, nagsimula silang magalit kina Santiago at Juan. 42 Kaya't (D) tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga kinikilalang pinuno ng mga Hentil ay silang pinapanginoon nila at ang mga dakila sa kanila ang nasusunod sa kanila. 43 Subalit (E) hindi dapat ganyan sa inyo. Sa halip, ang sinumang nais maging dakila sa inyo ay kailangang maging lingkod ninyo; 44 at ang sinumang nais maging una ay kailangang maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat kahit ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa marami.”
Muling Nakakita ang Bulag na si Bartimeo(F)
46 Dumating sina Jesus sa Jerico. Nang paalis na siya sa lugar na iyon kasama ang mga alagad at marami pang iba, naroong nakaupo sa tabing daan ang isang bulag na pulubing may pangalang Bartimeo, anak ni Timeo. 47 Nang marinig niyang naroon si Jesus na taga-Nazareth, nagsimula siyang sumigaw, “Jesus, anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” 48 Maraming sumaway sa kanya upang siya'y tumahimik. Ngunit lalo siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” 49 Huminto si Jesus at sinabi, “Tawagin ninyo siya.” Tinawag nga nila ang bulag at sinabi sa kanya, “Matuwa ka! Tumayo ka at tinatawag ka niya.” 50 Pagkahagis sa kanyang balabal, agad tumayo ang bulag at lumapit kay Jesus. 51 “Ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo?” tanong sa kanya ni Jesus. Sumagot ang lalaki, “Rabboni,[a] nais ko pong makakita muli.” 52 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Noon di'y nakakita siyang muli; pagkatapos ay sumunod siya kay Jesus sa daan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.